EDITORYAL | Pagtindig sa Gitna ng Ligalig

The Manila Collegian
3 min readAug 30, 2023

--

Sa kabila ng kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas, mas umiigting ang mahalagang papel ng midya na isiwalat ang katotohanan at tumindig kasama ang hanay ng masang Pilipino. Bagaman lantarang binubusalan ng estado ang mga mamamahayag sa pamamagitan ng pagsampa ng mga gawa-gawang kaso, paniniktik, at pagpatay, hindi nila kailanman masusupil ang pagtataguyod ng midya sa kalayaan sa pamamahayag.

Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang pinakamapanganib para sa mga mamamahayag. Sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), mayroong 94 na kaso ng pag-atake sa midya sa unang taon pa lamang ng panunungkulan ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan tatlo rito ay kaso ng pamamaslang. Wala itong pinagbago sa nagdaang administrasyon ni Rodrigo Duterte na umabot sa tinatayang 41 atake kada taon, ayon sa datos ng Committee to Protect Journalists (CPJ) noong Mayo 2023.

Nitong 2022 lamang, tahasang pinaslang ang dalawang mamamahayag panradyo na sina Rey Blanco at Percy Lapid na kilala sa kanilang mga kritikal na komentaryo sa administrasyong Marcos at Duterte. Mabagal din ang usad ng kaso ni Frenchie Mae Cumpio at apat pang aktibista mula sa Tacloban, na tatlong taon nang nakabilanggo dahil sa panre-redtag at gawa-gawang kaso ng iligal na pagmamay-ari ng baril at pampasabog. Hindi na bago ang ganitong taktika ng estado upang patahimikin ang mga tumutuligsa at naglalantad sa katiwalian ng gobyerno.

Hindi rin ligtas ang mga pahayagang pangkampus sa kabi-kabilang atake. Nitong nagdaang taon at buwan, sunod-sunod ang pag-hahack sa mga Facebook page ng Ang Tagamasid, ang opisyal na pahayagan ng Kolehiyo ng Agham at Sining ng University of the Philippines (UP) Manila, at ng RedWire, isang pahayagan mula sa University of the East. Nakaranas din ng panggigipit, sa porma ng digital censorship, at pang-aatake ng mga state-sponsored troll, ang mga pahayagan ng SINAG, mula sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng UP Diliman, at The Catalyst ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.

Kumaharap din mismo ang The Manila Collegian ng panggigipit ng estado kung saan nakaranas ng matinding intimidasyon, tangkang pag-profile, at pag-aresto ang isa sa mga mamamahayag nito habang nagbabalita. Isa rin sa mga patnugot nito ang nakatanggap ng pangmamanman mula sa mga pekeng Facebook account na naglagay sa alanganin sa kaniyang kaligtasan.

BASAHIN: Pahayag ng The Manila Collegian sa Sunod-sunod na Atake ng Pwersa ng Estado sa mga Mamamahayag Nito

Malinaw na manipestayon ang mga atakeng ito na walang respeto at pagkilala ang kasalukuyang administrasyon sa malayang pamamahayag. Ang pananatiling tikom ng bibig ng estado sa lagay ng midya ngayon ang siya mismong nagtutulak sa kanila upang lalong ibunyag ang kalagayan ng batayang masa at isiwalat ang nabubulok at umaalingasaw na sistema ng pamahalaan.

Hangga’t pilit na ikinukubli ng mga nasa itaas ang katotohanan, hindi kailanman aatras ang mga mamamahayag sa kanilang mandato na isiwalat ang baluktot na sistemang matagal nang pumipilay sa masang anakpawis. Bahagi ng kanilang tungkulin na umugat at irehistro ang interes ng masa, dahil totoong may kinikilingan ang midya — ang katotohanan at ang sambayanan.

Hamon din sa mga pinuno, lalo’t higit sa pamunuan ng buong UP na tiyaking hindi mapapahamak ang mga estudyante-mamamahayag na isinusulong lamang ang mga panawagan ng masa. Tunay na nakakaalarma ang mga sunod-sunod na atake sa mga mamamahayag. Kaya naman, ngayon, higit kailanman, kinakailangang ipakita ng unibersidad na kaya nitong protektahan ang mga mag-aaral laban sa mga institusyong mapaniil tulad ng Philippine National Forces (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Hindi dapat ipinagkakatiwala ang batas sa kamay ng mga taong ang interes lamang ay pagsilbihan ang mga naghahari-harian at hindi ang masang totoong nahihirapan.

Sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Malayang Pamamahayag ngayong ika-30 ng Agosto, mas lalo lamang nag-aalab ang diwang makabayan ng mga mamamahayag na ilantad ang katotohanan sa sambayanan. Sa kabila ng panggigipit, hindi ito umaatras; hindi ito naduduwag. Palaging naninindigan ang midya sa gitna ng ligalig, dahil ang katotohana’y dakila’t siyang mananaig.

#NationalPressFreedomDay
#DefendPressFreedom
#DefendTheCampusPress
#StopTheAttacks

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet