Likas-Yaman

Papel ng Katutubong Kultura sa Pangangalaga ng Kalikasan

The Manila Collegian
6 min readAug 9, 2024

ni Patricia Anne Lactao Guerrero

Dibuho ni Michael Lorenz Dumalaog Raymundo

Hindi kumon sa atin kung bakit nanatiling nakabahag, pagano, maitim at pango ang sarili nating ninuno. Dahil laganap sa atin ang relihiyon ng sinaunang mananakop, hindi natin diyos at diyosa ang bundok at mga tala. Malayo sa bituka ang konsepto ng pangangaso, at hindi nakatuntong sa lupa ang pakilala natin sa kulturang katutubo.

Bumibilis ang produksiyong pang-ekonomiya, mayroong mga siyentipikong likha at patuloy na lumalawak ang imahinasyon ng tao, pero ang kulturang Pilipino ay nanatiling atrasado. Malikot ang isipan ngunit walang mga muwang sa kinagisnan, kaya ang mga elemento ng kalikasan ang siyang magbubukas nito sa ating diwa.

Taniman

Katuwang sa bansang agrikultura ang gulugod ng ekonomiya, lupa ang unang tuntungan ng kulturang hindi banyaga. Higit sa masasandalan sa panahon ng kagutuman, lupa ang kayamanang pamanang dapat pangalagaan ng bawat henerasyon. Bigyan ng ilang butil, diligan ng ulan at bunutin ang damo sa kaligiran. Madaling isalarawan at tunog-simple lamang ngunit hindi biro ang pagpapaunlad ng lupang kinabubuhay ng buong sambayanan.

Prestihiyoso ang tungkuling linangin ang lupang ninuno at higit na dakilang tungkulin ang pagsiguro na magigisnan pa ito ng maraming henerasyon. Malubhang pagkakasala sa katutubong alaala ang paglapastangan sa lupang bahagi ng kalikasan. Bundok sa kanila’y hindi lamang tanawin at sa lupa ring ito nakalibing ang kanilang ninunong naglakbay ng mahabang distansya upang bigyan sila ng buhay na masagana, malawak na lupain, at sustenableng kabuhayan para sa lumalaking pamilya.

Kaya naman kapag inaagawan ng lupang ninuno, paglaban ang tugon ng mga katutubo. Kapag hinahanapan sila ng mga opisyal ng gobyerno at empleyado ng kompanya ng titulo ng lupa paniguradong hindi nila ito maipapakita. Dahil hindi nakasulat sa kapirasong papel ang kanilang kultural, historikal at legal na pagmamay-ari sa lupa kundi nakalimbag sa samu’t saring libro ng kasaysayan — kasaysayan ng paglaban sa mga mananakop, pagpapanatili ng katutubong kultura at tradisyon na siyang maghihiwalay sa atin sa ibang nasyon.

Hindi pagkabahala ang dapat na tugon sa oras na lumaban para sa lupang kinagisnan ang tunay na mga bayani ng nakaraan. Hindi iba ang mga katutubo at iba pang pambansang minorya dahil tayong lahat ay magkakapatid; pare-pareho tayong sumususo sa lupa. Ang pagkabahala ay pagkaantala lamang ng hustisya na maaaring magdulot ng patuloy na pagkawala ng kanilang mga lupa

Bukal

Totoong pinagtawanan sa nakaraan ang ideya ng bottled water sa ating lipunan. Basta mayroon ka lang kilalang tubero o may lokal na sistema ng water pump, presto! Hindi na problema ang malinis na tubig para sa iyo. Kaya matagal na panahon bago naging interesado ang tao sa dekalidad na serbisyo ng mineral, distilled o processed na tubig. Ngunit ala-propesiya pala ang ideya ng malinis na nakaboteng tubig sa malagim na hinaharap ng ating katubigan mula sa lasong lilikhain ng lipunan.

Ituturo sa’yo ng katutubong medisina na tubig ang sagot sa lahat ng sakit at hindi ang nakasanayan nating paracetamol. Ingat-yaman ng kalikasan ang malinis nitong katubigan na dumadaloy sa bawat parte ng ating bayan. Ang taglay na malinis na tubig ng isang komunidad ang magtatakda ng sustenableng kabuhayan at malusog na pangangatawan ng mga mamamayan. Kahit ang lupa ay uhaw para sa malinis na patubig o irigasyon, ano pa ang komunidad na ayaw magkasakit. Tunay na gamot ito mula sa mga bathala na sa kalikasan unang makikita.

Ngunit hindi lamang uhaw ang pinapatid ng ilog at sapa, ang buhay sa ilalim ng katubigan ang unang babalingan upang hindi sumapit sa kagutuman sa panahon ng hindi masaganang anihan dahil sa peste o bagyo. Kaya hindi pagkabigla ang tugon sa pagtutol ng mga katutubong mamamayan sa pagpasok ng mina at pagtatayo ng dam.

Bagamat makalat na sa kalunsuran, nakahihindik na malaman na sa malawak na katubigan pa rin humantong ang mas malaking porsiyento ng basura — hindi sa panakanakang pagtatapon ng sachet at plastic, kung hindi sa walang habas na paggamit sa katubigan bilang personal na tapunan ng lasong kemikal, o pagharang sa natural na daloy ng tubig para sa intensiyong makasarili at hangal.

Dagitab

Lumipas na ang hype ng energy gap, nanatili ang kadiliman sa mga bayang hanggang ngayon ay blackout pa rin. Namumuhay sa ilalim ng ilaw ng kandila, gasera o lampara, tila imposibleng may matapos na gawain sa buong maghapon. Sa mga katutubong hindi pa naaabot ng kable ng koryente, ang sinaunang elektrisidad ang nagsilbing sulo sa mapanglaw na gabi tungo sa pagsapit ng umaga. Apoy lamang ang nagdadala ng pansamantalang liwanag at init para sa pang-araw-araw na gawain.

Bagamat hindi pangunahin ang pagkakaroon ng koryente sa malalayong pook rural, ang paglikha ng katutubong makina ay hindi pinagbabawal. Sa kawalan at kakulangan ng modernong kaalaman, ang pagsandig ng mga mamamayan sa kanilang katutubong kaalaman ang nagbigay sa kanila ng libreng kasagutan. May ilang komunidad na gumagamit ng tubig at dynamo o maliit na motor turbine upang lumikha ng koryente para sa kanilang water pump para sa irigasyon, mabisang tipid sa gasolina.

Bukod pa rito, ang kawalan ng koryente ang nagtutulak sa kanilang umangkop hanggang sa kanilang pagkilos at pagtulog. Bukod sa madaling-araw ang angkop na oras sa pagtatrabaho sa bukirin, ang libreng ilaw ng sikat ng araw ay dapat na sulitin. Ang tanging social life sa ilalim ng nagsasayaw na ilaw ay ang gumegewang na lampara sa ibabaw ng hapag-kainan.

Boring nga siguro ang mga komunidad na walang koryente ngunit mapanganib rin ang kabahayang walang liwanag dahil sa banta ng karahasan. Talamak ang krimen sa mga komunidad na walang ilaw, hindi man sa loob ng komunidad kundi sa dayuhang kamay. Kaya kahit sila ay mapamaraan at malikhain, umuunlad at umuusbong sa kabila ng kasalatan, walang patawad ang pananatiling kibit-balikat sa estado ng kanilang pamumuhay.

Hindi makataong malaman na ang kapantay nating mga mamamayan ay hindi nakatatamasa ng parehong karapatan. Walang dudang ang martsa sa kalunsuran ang siyang paraan upang mapakinggan.

Alimpuyo

Malakas na hangin ang kinatatakutan sa pagtama ng bagyo sa kalupaan. Sa panahon ng kalamidad, kahit ang kalikasan ay may dulot na kapahamakan sa oras na hindi natin unang napangalagaan. Imbes na maging likas na pananggalang sa mga bagyo, ang patag at kalbong mga bundok ang siya pang magdudulot ng pagguho ng lupa. Ang katubigang pilit na hinarangan ang lulunod sa atin sa mga katotohanan.

Katutubong komunidad ang peligroso sa banta ng malakas na hangin. Malapit sa kabundukang patuloy na kinakalbo at minimina, sa panahon ng kalamidad normal na bato at marupok na kahoy ang halaga ng ginto at troso. Sakto sa sikmura ang landfall sa komunidad. Bukod sa padadapain nito ang palay na pananim, itutumba nito ang mga punong ang mga bunga ay hindi pa pwedeng pitasin, at liliparin nito ang pag-asa ng masaganang anihan. Pagkabaon sa utang at kagutuman ang kakaharapin sa susunod na mga buwan kahit sila’y mapamaraan. Buhay man ang kultura ng pag-iimbak at pagbuburo ng ilang tanim na gulay at prutas, hindi sasapat sa malaking mag-anak.

Ngunit hindi pa binabagyo’y nasalanta na ang mga katutubo. Hindi malakas na hangin ang unang papatay sa kanilang pananim, ngunit ang pagsasawalambahala sa kanilang karapatan sa sariling lupang ninuno, sa malinis na katubigan at sa elektrisidad na papawi sa mahabang kadiliman.

Walang ibang masasandalan ang Pilipino sa krisis kundi ang buong populasyong kilala ang ugat at dugong pinagmulan. Huwag tayong makipot sa pagpapatampok ng larawan ng mga katutubong sumasayaw, nakabahag at malong na walang layunin na alamin ang kanilang pakikibaka.

Ang pagsasawalambahala sa minorya ay direktang pagtalikod at hakbang palayo sa kulturang dapat taglayin ng ating pagka-Pilipino. Ang kaugaliang may pagtatangi sa kapakanan ng kalikasan at karapatan ng karamihan ang siyang dapat na makapangibabaw. Kilalanin ang katutubong pamumuhay, yakapin natin ang sinaunang kaugaliang naghatid sa atin ng panimulang kaunlaran.

Ang artikulong ito ay unang inilathala sa The Manila Collegian Vol. 31 Issue №1, Ocktubre 2, 2017

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet