Pasko na, Past ko na

The Manila Collegian
4 min readDec 22, 2024

--

ni Gio Leaño

Dibuho ni Justice Tiamson

Katas ng dugo’t pawis ng mga OFW ang pinapadala nilang regalo tuwing Pasko ‘pagkat puyat at gutom ang kanilang iniinda, mapadalhan lang ang mga minamahal. Ganoon ito kahalaga laluna para kay Mama, na kahit katuwang si Tito, ay tumayo nang haligi namin mula nang mamayapa si Papa.

‘Di man hayag, ngunit bawat Noche Buena nami’y may bahid ng pangungulila. Kung kaya, dinadaan na lang namin ito sa regalo’t pagkain. Kumaripas ako ng takbo patungong lamesa nang maamoy ang espesyal na pansit Malabon na nagdadala ng matatamis na alaala.

Kinantyawan ako ni Tito nang makitang suot ko ang bestida galing sa balikbayan box ni Mama noong nakaraang buwan. Agad rin naming binuksan ang kompyuter para gawin ang aming tradisyon — ang tawagan si Mama tuwing Pasko.

Matamis man ang ngiti ni Mama matapos mangamusta, hindi nito makukubli ang bakas ng pagod sa kanyang mga mata. “Pasensya na’t natagalan ako sumagot. Ngayon lang kasi kami natapos maglinis,” hinihingal na wika niya.

Lumitaw muli ang ngiti sa mukha niya nang kanyang makita ang suot kong bestida. “Nireserba ko talaga ‘to ngayong Pasko, ‘Ma, dahil pinaghirapan mo ‘to!” sambit ko.

Biglang nanumbalik sa akin kung paano kami mag-usap ni Mama habang sinusuklayan niya ako bago ihatid, at kung paano kami makipagtawaran tuwing namimili ng pang Noche Buena. ‘Di ko tuloy napigilang sabihin kay Mama kung gaano ko siyang gustong hagkan.

“Hayaan mo na, anak. Nag-iipon ako. Ipagdasal niyong manalo tayo sa lotto para makauwi na ‘ko!” pabirong bulong ni Mama. Agad naman niyang iniba ang usapan tungo sa mga inihanda niyang regalo na kararating lang kahapon.

Cellphone ang natanggap ni Kuya, laruang kotse kay Pinsan, at mga kagamitan sa kusina para kay Tito. Sa huli’y may isang regalo na may nakasulat sa etiketa:

“To: Pia bunso.”

Nabanggit ko kay Mama na hindi na ito kailangan dahil kapapadala niya lang nitong nakaraang buwan.

“Anak, ngayong nakakaluwag-luwag tayo, hayaan niyo nang ibigay ko ang mga bagay na hindi namin kayang bilhin ng Papa niyo noon.”

Pansin ko ang namumuong luha sa mata ni Mama. Kita sa mga mata niya ang hamong hinarap nang mawala si Papa — mula sa kung paano siya nahirapang maghanap ng trabahong tumatanggap ng high school graduate, hanggang sa paglipat-lipat niya ng mga amo matustusan lang kami.

Upang humupa ang emosyon, pabiro kong ipinunto na kaya hindi pa siya bumabalik dito sa Pilipinas ay dahil ayaw na niya sa amin. Napangisi na lang si Mama sa asar.

“Naku, anak, alam mo bang ilang beses na akong muntik umuwi r’yan? Kaso gustuhin ko man, kailangan pa ring kumayod, lalo na’t nag-aaral pa kayo.”

Ibinida namin kay Mama ang mga handa namin — may lechon manok at iba pang mga putahe. Nang tanungin namin si Mama kung anong handa niya, tinutok niya ang kamera sa platong may lamang pansit at biko.

Kami’y nakonsensya, lalo na’t habang kami’y masaya sa marangyang Noche Buena, ang Mama nama’y mag-isa at ordinaryong sinasalubong ang Pasko.

Napatingin akong muli sa nakabalot na regalo. Gaano katagal ko na nga bang tinititigan ang maingat na pagkakabalot nito? Sabi nila’y mabilis ang takbo ng oras kapag kausap mo ang mga mahal sa buhay, kaya’t di na nakapagtatakang ilang dekada na ang lumipas mula nang ipinadala ni Mama ang regalo para kay Pia — aking bunso at kaniyang apo.

Pagbukas ng regalo ay tumambad sa amin ang isang dollhouse. Unang pumukaw ng aking pansin ay ang kumpletong pamilyang masayang nakaupo sa sala ng laruang bahay. Napabuntong-hininga na lamang ako sa pangungulila.

Habang pinagmamasdan kong hawakan ng aking anak na si Pia ang dollhouse na pinaghirapan ng kaniyang lola, isang malalim na pagninilay ang pumasok sa aking isipan. Napagtanto kong hindi niya pa pala nakikita sa personal ang kanyang lola sapagkat 24 na taon na ang nakalipas mula nang si Mama ay nakipagsapalaran sa Hong Kong.

Nandito na kaya si Mama sa debut ni Pia? Makakasama na kaya siya sa mga importanteng selebrasyon dito sa bahay?

Hindi kailanman kayang palitan ng mga regalo ang ligayang dulot ng Paskong kumpleto ang pamilya. Alam kong kinailangan ni Mama ang magsakripisyo bilang OFW, ngunit sa kaibuturan ng aming puso, iisa ang aming hiling — sana’y di na kailangan pang lumayo ni Mama para lamang bigyan kami ng magandang kinabukasan.

Ipagkibit-balikat ko man ang pangungulila, nananatili ang aking pag-aasam na balang araw, muli kaming magpa-Pasko nang magkakasama — hindi na sa harap ng kompyuter, kundi sa tahanan na namin mismo kagaya ng dati.

Sana kapag Pasko na ay hindi na kami magbabalik-tanaw sa mga alaalang nasa past ko na, ‘pagkat kapiling na namin ang isa’t isa bilang buong pamilya.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet