Paskong UP Manila
ni Janine Liwanag
Ikaw ba ay may exams pa sa January? O kaya, may papers at requirements pang due pagkatapos ng bakasyon?
Sigurado akong hindi ako nag-iisa sa dami ng mag-aaral sa buong University of the Philippines (UP) system na may haharapin pang finals week pagbalik sa unibersidad pagkatapos ng bagong taon. Para sa ilan katulad ko, exam agad ang bubungad sa amin sa January 4.
Partida, ang UP Manila ay mahigit isang linggong mas maaga nagsimula ng semestre kaysa sa ibang kampus ng UP system. Matatandaang ganito rin ang nangyari noong Pebrero. Para sa UP Diliman at UP Los Baños, sinimulan nila ang kanilang mga semestre sa panunumbalik ng UP Fair at UPLB February Fair pagkatapos ng pandemya. Isang linggong rakrakan, tugtugan, at pagprotesta bago dumiretso ang mga mag-aaral sa silid-aralan.
Samantalang tayong mga kapwa iskolar sa Taft noong mga panahong iyon ay nasa pangalawang linggo na ng klase at nagdadalawang-isip pa kung pupunta sa Diliman o sa Elbi para makiprotesta at makisaya kahit na may klase pa sa susunod na umaga.
Ngayon, kahit na mas maaga nagsimula ang semestre natin sa UPM at mas maaga dapat itong matatapos, hati pa rin ang ating semestre kaya kailangan pang bumalik sa unibersidad para tapusin ito pagkatapos na pagkatapos ng bagong taon. Sa halip na makapagdiwang tayo ng Pasko nang magaan at buo ang loob kasama ng ating mga pamilya, ang handa natin para sa Noche Buena ay mga exam na kailangang pag-aralan at mga papel na kailangang isulat. Samantala, ang mga kaibigan natin mula sa blue, green, at yellow schools ay matagal nang tapos sa kanilang mga semestre at tunay na nakakapagpahinga na ngayong bakasyon.
Bakit nga ba ganoon ang academic calendar natin? Matatandaang noong simula ng pandemya noong 2020, ang dating Agosto na simula ng akademikong taon sa UP ay nausog ng Setyembre. Nanatili ito, hanggang sa inusog na ng UP ngayong taon sa Agosto ang simula ng klase sa karamihan ng mga kampus.
Para naman sa ibang unibersidad, Agosto pa rin sila nagsimula ng akademikong taon noong pandemya o kaya nakapag-adjust na sila ngayon para lalong maaga makapagsimula at makapagtapos ang kanilang unang semestre. Ang UP, as usual, ay nahihirapan pang mag-catch up.
Maliban sa nahuling pagsisimula ng UP ng semestre sa dulo ng Agosto (o kalagitnaan ng Setyembre kung taga-UPD ka) habang ang ibang mga unibersidad ay nagklase na noong simula pa ng Agosto, maituturing kakaiba rin ang academic calendar natin dahil sa ating kurikulum na minsan ay unrealistic na.
Halimbawa, para sa isang mag-aaral ng pampublikong kalusugan tulad ko, sa dami-dami ng inaral ko ngayong semestre at sa haba-haba ng coverage ng bawat exam na natapos ko, pakiramdam ko magiging registered nutritionist-dietitian, registered microbiologist, pati na rin epidemiologist at parasitologist ako pagkatapos nitong semestre. Kahit ang mga propesor ko hirap na hirap nang isiksik ang mga aralin sa kakaunting oras na mayroon kami, kaya parang pinapasadahan na lang ang bawat aralin para lang masabing natapos na.
Idagdag mo pa ang dami ng mga suspensyon dahil sa bagyo o kaya mga holiday na hindi naisaalang-alang ng mga departamento noong gumawa sila ng kanilang mga course outline. Sa dami-dami ng araling ipinasok sa kurikulum ng bawat degree program, mayroong mga propesor sa UP Manila na nagpapapasok pa rin ng mga mag-aaral kahit na suspended. Dumarating na rin sa punto na ginugusto na lang naming mga mag-aaral pumasok dahil kami rin ang nahihirapan kapag nausog nang nausog ang calendar hanggang sunod-sunod na ang mga exam namin at halos wala na kaming oras para mag-aral nang mabuti.
Kaya kahit na gustuhin ng mga propesor matapos ang kurso nila bago mag-Pasko, sa dami-dami ng kailangang ituro sa kabila ng sandamakmak na biglaang suspensyon, hindi rin maiwasan na umabot ang semestre hanggang January. Kung nakalagay nga naman sa academic calendar na ang finals week ay sa January pa, bakit hindi ito gamitin para mas may oras ang mga mag-aaral sa December?
Bakit ba kasi umaabot sa ganun? Maaaring sabihin na dahil ito sa layunin ng UP na maging ‘top university’ sa Pilipinas bawat taon. Ang sagot naman siguro ng iba ay dahil may reputasyon na ang UP Manila bilang ‘National Health Sciences Center’ kaya kailangan ang mga gradweyt nito ay bihasa sa nilalaman ng programa nila, kahit na kadalasan ay nalilimutan lang din ito pagkatapos ng bawat exam.
Kung ako ang tatanungin, babalik at babalik pa rin sa neoliberal na sistema ng edukasyon na pinag-uugatan ng napakaraming problema na hinaharap ng mga Pilipinong mag-aaral noon at ngayon. Sa madaling salita, mabibigyang kahulugan ang neoliberalismo bilang ideolohiya kung saan inililipat ang kontrol ng ekonomiya mula sa pamahalaan tungo sa mga pribadong sektor. Kumbaga, binibigyang diin nito ang kapitalismo bilang sistema ng pulitika at ekonomiya.
Paano nakikita ang neoliberalismo sa edukasyon? Eh, tanungin natin: Paano nga ba mapapakinabangan ng pribadong sektor ang mga mag-aaral?
Tugon: Sa pagbigay ng maraming manggagawa na kayang pakinabangan ng estado at mga pribadong kumpanya sa pinakamaikling panahon na posible. Kita rin ito sa patuloy na pakikipagkumpitensya ng mga paaralan sa ibang paaralan pati na rin sa ibang bansa. Ito ang dahilan kaya lumipat sa K-12 na sistema ng edukasyon ang Pilipinas, para daw ‘world-class’ na ang ating mga gradweyt. Ito rin ang dahilan na inaabangan ng napakarami ang university rankings bawat taon, lalo na rankings ang isa sa tinitingnan ng mga donor ng mga unibersidad.
Kaya napakahalaga na mataas ang passing rate ng UP College of Medicine sa Physicians’ Licensure Examination bawat taon. Kaya alagang-alaga ang UP College of Nursing sa #OneTakeSince1948. Kaya mas pinapahalagahan pa ang research output at pagkakaroon ng PhD ng mga propesor sa UP kaysa sa epektibong instruksyon na tunay na nakatutulong sa mga mag-aaral.
Ang neoliberal na sistemang pang-edukasyon ang numero unong rason kaya ganito ang academic calendar natin. Ang inaaral ng ibang kolehiyo at unibersidad sa isa o mahigit pang taon ay pilit na itinuturo dito sa isang semestre lamang. At para saan? Para mas magaling tayo? Para mas mabilis tayong makapaggradweyt at maghanap ng trabaho?
Maaalala ring upang makapag-enroll sa mga ‘white college’ at Schools of Health Sciences, o kaya ang mga kolehiyo at paaralan kung saan matatagpuan ang mga programang pangkalusugan tulad ng medisina at nursing, required ang mga mag-aaral lumagda ng RSA. Sa RSA o Return Service Agreement, kailangan magtrabaho ang mga gradweyt ng UP Manila nang ilang taon sa Pilipinas o kakailanganin nilang bayaran ang katumbas ng tuition nila. Bawal ding lumipat ng programa o mag-’shift’ ang mga mag-aaral pagkakuha nila ng ilang yunit o kakailanganin din nilang magbayad.
RSA ang naisip ng pamahalaan bilang solusyon sa ‘brain drain’ o kakulangan ng healthcare workers. Imbis na tugunan ang mga problema sa sahod, oportunidad, at karapatang manggagawa, ginawa pang utang na loob ng mga mag-aaral sa pamahalaan ang libreng edukasyon, kahit na may karapatan sila rito.
Iyan ang neoliberalismo sa sistema ng edukasyon.
Sa academic calendar na siksik na siksik, konting kibot at nagugulo lahat. Isang biglaang suspensyon lang ang kailangan para mausog ang buong iskedyul at mag-iisip pa ang mga propesor at mag-aaral kung kailan ililipat ang exam 1, 2, 3, 4, 5…
Kaya heto ako ngayon sa hapagkainan pagkatapos ng Noche Buena kasama ang aking pamilya, nakatitig sa aking kalendaryo para planuhin kung kailan at paano ako mag-aaral para sa exams ko pagkatapos ng Bagong Taon. Iisipin ko pa kung kailan ko isisiksik ang natitira kong group paper at presentation. Ang pamilya ko tulog na’t busog sa handa ngayong Pasko, habang ako ay may panghimagas na Canvas at Google Drive.
Ito ang Paskong UP Manila. Maligaya nga ba?