PGH workers, kinalampag ang opisina ng direktor; understaffing, kontraktwalisasyon, job outsourcing, kanilang kinondena
Nina Jermaine Angelo Abcede, Ashley May Selen
Bitbit ang mga panawagan na tuldukan ang lumalalang understaffing, kontraktwalisasyon, at job outsourcing sa loob ng ospital, nagkasa ng isang lunch-break protest ang All UP Workers Union-Philippine General Hospital (AUPWU-PGH) Chapter upang hamunin sa isang diyalogo si PGH Director Gerardo Legaspi sa PGH Atrium noong Biyernes, Hulyo 21.
Idinaing ng unyon ang mabigat na pasanin ng mga empleyado ng pambansang pagamutan dulot ng malawakang understaffing sa mga clinical department nito. Pinangunahan ito ng mga nurse, nursing attendants (NAs), utility workers (UWs), at technical and support service personnel na isinusulong ang sapat at ligtas na staff-to-patient ratio para sa kapakanan ng mga manggagawang pangkalusugan at daan-daang libong Pilipinong nakaasa sa serbisyo nila.
“Ang trabaho ng [dating] tatlo o dalawang nurse ay ginagawa na lang ng isa,” inilantad ng isang kinatawan ng Filipino Nurses United sa kasalukuyang nurse-to-patient ratio sa bansa.
Upang makagaan sa gawain ng mga nurse, sinasalo ng NAs at utility workers ang trabahong hindi naman nila saklaw. Habang dalawa hanggang tatlong katao sa kanila naman ang nangangapang gumawa ng trabaho ng dapat limang katao. Nanindigan ang AUPWU at iba pang sektor na malulutas ang kakulangan ng tauhan ng ospital kung lalagdaan ng administrasyon ang mga posisyong plantilla na magre-regular sa mga manggagawa.
Sa ingay ng mga panawagan, ang tanging tugon ng administrasyon ng PGH ay ang malawakang kontraktwalisasyon sa pagpasok ng mga job order (JO) at contract-of-service (COS) personnel sa ospital. Kumukuha lamang ng mga tauhang JO at COS sa tuwing mayroong proyektong nangangailangan ng espesyal na kasanayan o kaya naman ay mayroong mga tungkuling hindi kayang gampanan ng mga regular na empleyado sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon. Walang benepisyong ipinagkaloob sa mga manggagawang JO at COS dahil wala silang direktang kaugnayan o “employer-employee relationship” sa administrasyon.
Malawakang job outsourcing sa PGH
Ayon kay Eliseo Estropigan, isang electrician mula sa Office of Engineering at Technical Services (OETS) ng ospital, inuulit at pinipira-piraso lamang ng posisyong JO at COS ang mga gawain ng isang regular na empleyado. Dagdag niya, ipinagpapatuloy ng administrasyon ang kontraktwalisasyon sa halip na lagdaan ang mga “item” na matagal na nilang hinihiling upang punan ang mga bakanteng posisyon sa ospital. Sa pagpapanatili ng kontraktwalisasyon, naiilagan ng administrasyon ang pagbibigay ng mga benepisyo at seguridad para sa mga manggagawa nito.
Ang mga manggagawang JO at COS ay kinukuha ng ospital mula sa isang third-party manpower agency sa isang prosesong tinatawag na job outsourcing.
Nakapagtataka rin para kay AUPWU National President Jossel Ebesate ang pagpapatuloy ng job outsourcing sa ospital sa kabila ng mga datos na ipinakikita na hindi naman ito ‘cost-effective’.
“Hindi [ito] mas mura, hindi mas epektibo, o hindi siya mas maganda, pero bakit nila ginagawa? Sino ang kumikita?,” pagdududa ni Ebsate.
Dagdag pa ni Ebesate, makikita ang “creeping privatization ng services” sa plano ng administrasyon na palawakin ang job outsourcing sa ibang bahagi ng ospital.
Sa parehong protesa, para kay dating Staff Regent Buboy Cabrera ay maaaring kumikita ang mga kaibigan o kapamilya ng mga matataas na opisyal sa pagsasagawa ng job outsourcing sa mga manpower agency.
APE pa rin ang sagot?
Bukod sa seguridad sa trabaho, nanawagan din ang mga manggagawa para sa libreng serbisyong medikal. Subalit naglabas lamang ang administrasyon ng isang memorandum na inaabisuhan ang mga empleyadong gawin ang kanilang annual physical examination (APE).
Mandato ng Magna Carta of Public Health Workers o Republic Act №7305 ang pagsasagawa ng APE sa lahat ng mga empleyado sa pampublikong ospital. Ngunit sa PGH, nanatiling balakid ang pagkuha ng APE dahil sinisingil sila sa laboratory examinations at gamot sa ospital na kanilang pinagtatrabahuhan. Taliwas ito sa probisyon ng Section 27 ng naturang batas na sinasabing libre dapat ang medical examination at pagpapagamot ng lahat ng empleyado. Bunsod nito, ang ilan sa kanila ay pinipili na lamang magpagamot o magpagawa ng laboratory exams sa labas ng PGH.
“Lagi tayong pinipilit ng director na magpa-annual PE, sa ilalim daw ng Magna Carta of Public Health Workers. Ginamit niyo pa ‘yung Magna Carta. ‘Di niyo nga pinapatupad ‘yung libreng pagpapa-ospital ng mga kawani. Ang tagal-tagal na niyan. Libre dapat ‘yan. Ni singkong duling dapat wala kaming babayaran,” giit pa ni Estropigan.
Dagdag pa rito, palaisipan din para sa kanila kung bakit hindi pinahihintulutan ng administrasyon ang pagsasagawa ng medical exam ng isang departamento sa Health Service.
Ani ng isang empleyado, binabayaran daw ng PGH ang isang klinika sa Manila City Hall upang doon isagawa ang kanilang medical examination na dagdag pahirap sa kanila dahil malayo ito sa PGH at mahaba ang pila sa naturang klinika.
Sa darating na Hulyo 28, magsasagawa muli ang unyon ng kilos-protesta na kalahok ang mga iba’t ibang lider ng sektor pangkalusugan. Naninindigan silang ang laban ng mga manggagawa ng PGH ay kaisa ng laban ng mamamayang Pilipino para sa karapatang pangkalusugan.