Puti Ang Lupa Sa Sementeryo
Kalusugan sa Kadena ng Kakapusan at Kapabayaan
nina AJ Quitoriano, Alyosha Trinidad
Namumuti ang lupa sa sementeryong aking kinatatayuan — tila napapalibutan ng makapal na animo’y niyebe ang hile-hilerang lapida sa damuhan. Hindi na mabilang ang kandilang itinirik at naupos, kasama ang mga panalanging sana’y mas nagtagal pa ang mga nahimlay na sa mundong ibabaw. Pilit mang asamin ang kamanhiran, ako ay binabalot ng takot at kaba dahil sa sakit na matagal ko nang dala-dala.
“Baka naman nausog ka na naman ng lola mo,” bulalas ni Nanay sa aming video call habang minamasahe ang kaniyang sentido. Kasabay ng paglubog ng araw ay bumagsak din ang aking katawan sa banig na habing-dahon sa munti naming tahanan sa gitna ng isla. “Idadaan ko na lang ho ulit ito sa pahilot,” tangi kong nasabi sa takot na makapamerwisyo pa ng iba dulot ng aking pag-aalala.
“Sige na, tapos na ang break ko. Ipaalam mo ‘yan kay lola at lolo mo at mahaba pa ang shift ko; wala ulit akong kapalitan ngayong gabi.”
Ilang taon na rin pala nang magsimulang magtrabaho ang aking ina sa Maynila bilang nars. Noon pa man ay hiling ko nang maibsan ng haplos ng aking ina ang bigat ng aking katawan, ang nanlalambot kong mga bisig, at ang dumadagundong na takot sa aking bawat kibot.
Mahirap magkasakit kapag salat sa pera. Kaya sa layo ng aming distansya mula sa pinakamalapit na pagamutan, hanggang bulong na lamang muna siguro sa hangin ang paroroonan ng aking karamdaman.
Ang Sementeryo
Binaba ko na ang tawag at nagpatuloy sa paglalakad patungong sementeryo; nasabi sa akin ni lola na ilang lapida lamang ang kailangan kong madaanan at tiyak mahahanap ko na ang lunas sa aking sakit. Hindi ko na magawang alalahanin ang mga pangalan na nakaukit sa nitso dulot ng mga pintig ng kaba na sumasabay sa aking bawat hakbang.
Nang makarating ako sa isang maliit na bahay, aninag ko sa labas ang mga nakasabit na anting-anting at agimat. Marahan akong lumapit nang sinenyasan ako ng mananambal gamit lamang ang mata. Buhat ng pinaghalong pagod dala ng paglalakad, bigat ng namumuong kaba, at sakit na aking nararamdaman, ako’y napapikit. Makalipas ang ilang minuto ng katahimikan ay unti-unti nang huminto ang pangamba — tutal, wala na rin naman akong iba pang pagpipilian, mabuti nang tiisin ko muna ang ingay ng aking mga pag-aalinlangan.
Narinig ko ang papalapit na yabag ng mga paa — bawat hakbang ay pumipintig sa aking mga tainga. Patay na ang lampara ngunit patuloy na nagliliyab ang apoy sa mga kandilang nakapalibot sa akin. Inilabas ng mananambal ang palayok saka binudburan ng abo at langis na nagpapainit sa bawat sulok ng kwarto. Nang walang kawala, itinaklob ako sa puting telang kumukubkob sa usok galing sa palayok na aking nilanghap.
“Malapit na,” bulong ng mananambal sa tabi ko matapos ang ilang minuto niyang orasyon sa pagpapalayas ng masasamang espiritu at sakit na nananahan sa akin. Dinig ko ang paghiling niya sa mga santo’t anghel na ilayo ako sa kasamaan, dasal ang aking kaginhawaan at kaluwalhatian.
Hindi pa rin yari ang ritwal makalipas ang ilang minutong pagpupunas sa akin ng langis na binabad sa dahon at dasal. Lumalalim ang kaniyang paghinga at bumibigat ang bawat diin ng kaniyang mga daliri sa aking katawan. Matatapos na, pero bakit parang hindi pa? Itinulos niya ang puting kandila at ibinaon ito sa lupa. Tumingin ako sa kanyang mga matang tila puno ng luha at pangamba.
“Walay tambal sa imong kasakit.” (Walang lunas sa iyong sakit.)
Ang Pagkit
Musmos pa lamang ako nang mawalay kay Nanay dahil sa hirap ng buhay. Hindi kasi sapat ang sahod niya sa probinsya upang tustusan ang aking pag-aaral, kaya iniwan muna niya ako kina lolo at lola upang kumayod sa Maynila. Sa murang edad, natutuhan kong tiisin ang pangungulilang tanda ng distansya.
“Lola, ang sakit ho ng likod ko,” inda ko matapos ang ilang oras na paglalaro. “Baka mabati ka, pumasok ka na muna,” mariing pagpigil ni lola sa akin.
Madalas na kinukwento sa akin ni lola na noon pa man, sa mga mananambal na siya nagpapagamot. Naniniwala siya na talamak sa aming baryo ang mga mahuhusay na manggagamot buhat ng hene-henerasyong pasahan ng kaalaman at kasanayan. Madalas niyang mabanggit na mas naibsan ang kaniyang sakit nang siya’y bumisita sa mananambal kaysa noong nagpatingin siya sa lehitimong doktor. Aniya, iba ang kapangyarihang dala ng mga espiritu at kagubatang puno ng mga nakakubling milagro.
Bukod sa ito na ang kaniyang kinagisnan, bitbit din ni lola ang alinlangan na wala nang talab ang iniinom niyang mga medikasyon na reseta ng ospital. Hindi rin daw biro ang pagod at puyat niya sa walang katapusang pila rito. Higit sa lahat, komplikado at hindi abot-kamay ang pagpapatingin sa doktor. Kung ‘di man kulang-kulang, napakalayo rin ng mga pagamutan sa kanilang mga kabahayan. Dulot nito, mas pinili na niyang magpahilot na lang, sapagkat para sa kanilang mga butas na bulsa, luho ang mamahaling medikasyon at konsultasyong minsa’y di naman pumapawi sa sakit na kaniyang iniinda.
Ang Mitsa
Kasabay ng pagdalas ng dalaw namin sa mga mananambal at manghihilot ang pagdalang ng pagtawag ng aking ina gawa ng kaniyang mahahabang oras sa trabaho. Tandang-tanda ko pa nang huli kaming magkausap, aniya’y nagbabawas na raw ng tao sa kanilang ospital dahil sa kulang na pondo para sa mga empleyado.
Hindi man makatingin sa kamera ang aking ina ay kita ang nagbabadyang pagtulo ng kaniyang mga luha. “Matira, matibay na talaga rito sa amin, anak,” ang tanging nasabi niya bago tumunog ang makinang nakakabit sa isa niyang pasyente. Mukhang hindi nga siya makakaluwas sa darating na Undas.
Normal na masisilayan sa kaniyang likuran ang maliliwanag na kisame at matataong mga pasilyo. Kahit malayo, dama ko ang bigat ng paligid at animo’y naririnig ko rin ang malalakas na bulong ng panalangin sa ilalim ng hikbi ng mga pasyente. Palaging pagod at balisa si nanay kaya madalas siyang hinihingal at basa ng pawis. Kung sa isang pagamutan nagtatrabaho si nanay, bakit matitibay lamang ang natitira?
Inspirasyon ko ang aking ina sa pag-abot ng aking pangarap na maging doktor. Iyon ay dahil para sa akin, malaking karangalan ang magkaroon ng kakayahang magpagaling ng mga may sakit. Ngunit sa hirap ng buhay at kawalan ng suporta sa kalusugan, tila nagiging isang kabalintunaan ang pagpapagaling — bakit ang mismong pagbisita sa ospital ang rason sa paglubha ng mga karamdaman?
Ang Apoy
Wala’y tambal sa akong sakit. Umaalingawngaw sa utak ko ang linyang ito kasabay ng ingay ng mga kuliglig sa labas. Dapat ko ba sabihin kay nanay ang iniinda o magluluwal lang ito ng mas marami pang problema? Siguro ay hindi muna. Hindi hamak na mas mahalaga ang mga pasyenteng nag-aagaw buhay sa Maynila kaysa ang pag-inda ko rito sa probinsya.
Sa layo ng natatanging ospital sa aming baryo, wala nang ibang paraan kundi lunukin ang aking mapait na reyalidad: mas mabuti na ang mayroon, kaysa wala. Kaya, agad kong pinakuluan ang dahon ng sambong na hawak at saka ininom kahit ano pang pait nito.
Madalas akong mapaisip kung mangyayari ba ang lahat ng ito kung sapat ang suportang inilalaan ng mga nakatataas para sa kalusugan ng kanilang nasasakupan. Bukod kasi sa tumataas na presyo ng bilihin, marami nang gusali’t establisyimento ang ipinatayo sa aming isla. Sa kabila nito, nananatiling salat ang mga pagamutan na madaling maabot ng mga ordinaryong mamamayan. Bakit tila isinasantabi ang aming pangangailangan?
Ah basta. Kung hindi ako makakatamasa ng tulong, andyan naman ang posibleng makapagpapaginhawa sa sakit ko, ilang liko lamang mula sa aming bahay — ang mananambal.
Ngunit, ilang himas pa ba ng mananambal sa aking kumikirot na kalamnan ang kailangan bago mahilot ang pilay na sistemang pangkalusugan? Ilang orasyon pa ba ang kailangang bigkasin para muli kong makapiling ang aking inang kumakayod kapalit ng kakarampot na sahod?
Ang Puting Lupa sa Sementeryo
Dumating na ang araw ng Undas. Kasabay nito ang pagsidhi ng takot na dala ko para sa aking buhay. Naninikip ang aking dibdib habang may hawak na kandila. Tumutulo ito sa aking balat ngunit ako’y mistulang manhid na walang nararamdaman. Sa malayo ay nasilayan ko ang wangis ng aking ina. Sa wakas! Muling nagtagpo ang aming landas nang makaluwas siya ngayong Undas.
Sa patong-patong na mga nitsong aming nalampasan, hindi ko mapigilang mapaisip kung ilang buhay kaya ang sinukuan at kusang sumuko sa ilalim ng mailap na serbisyong pangkalusugan.
Malakas ang ulyaw ng mga nakabaon sa hukay: abot-kamay na medikasyon, aksesableng pagamutan, sapat na tulong pinansyal, at iba pang hiling na sana’y nakapagpahaba ng pamamalagi nila sa mundong ibabaw.
Patuloy na pumapatak ang pagkit ng aming kandila sa lupa. Dama ko ang hinagpis ng mga bangkay sa sementeryo ngunit hindi ang haplos ng aking ina.
Lumalim ang bawat hininga niya, bumigat ang kaniyang hikbi, at dama ko ang sindak sa pagkisap ng mugto niyang mga mata. Itinulos niya ang puting kandilang alay sa akin, umaasang ako’y mahahagkan sa dulo ng walang hanggan.
Huli na ang lahat. Namuti na ang lupa sa sementeryong kinalilibingan ko.
At hangga’t may mga taong biktima katulad ko, kakapit ito sa sahig at mananatiling nakaukit sa lapida ng mga yumao, manunuot hanggang sa magkaroon ng lunas sa lahat ng sakit. Sakit na hindi lang sa katawang tao nananahan, bagkus pati sa sakit ng kakapusan at kapabayaan na nagdudulot ng kawalang pag-asa at kamatayan.
Adunay tambal sa atong kasakit. (May lunas sa ating sakit.)