Munimuni
Sa Daang Pilit Tayong Pinagkakasya
Ni Ronnell Manilag
Sa unang taon ko sa Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila, kinailangan kong mag-uwian sa aking tahanan na nasa Las Piñas pa. At para magawa iyon, isang bus pa-Pilar lamang ang pwede kong sakyan sa kahabaan ng Taft Avenue. Mukha mang magaan, ngunit ang biyaheng ito’y umaabot ng 2 hanggang 3 oras — ganiyan katagal para lamang sa 17 na kilometrong biyahe. Sa mga araw na ala-una na natatapos ang aking klase, lagpas alas-tres na ako nakauuwi. Ano pa sa mga araw na bisperas ng rush hour ang labas ko?
Katulad ko, milyon-milyong mamamayan ang nakikipagsapalaran sa Kalakhang Maynila kada araw. Kung kaya hindi na katakataka kung bakit binansagang traffic capital of the world ang Metro Manila. Sa isinagawang pag-aaral ng TomTom Traffic Index noong 2023, inaabot ng mahigit 25 minuto sa kada sampung kilometro ang oras ng byahe sa kapitolyo. Sa kabuuan, 117 oras sa isang taon ang nagsilbing buwis ng mga biyahero para sa mga oportunidad na dala ng Kamaynilaan.
Masasabing ito na rin ang may pinakamalaking salik sa matinding trapiko na kinahaharap ng madla sa Maynila — ang mabilis na paglago ng Metro kung ikukumpara sa iba pang mga rehiyon sa Pilipinas. Naging arena ng foreign investors ang kapitolyo; talamak ang pagpapatayo ng mga nagsisitaasang condominium, at naging sentro ito ng negosyo at komersyo. Ang presensya ng mga ito ang nagsilbing oportunidad para sa mga nagbabakasaling makaangat sa nakasasakal na reyalidad na kinatatayuan ng Pilipinas.
Ang resulta? Labas-masok ang sasakyan ng karamihan.
Bagaman nagsisilbing tulay ng Pilipinas ang Kamaynilaan tungo sa globalisasyon, ang estado ng transportasyon at trapiko rito ay patuloy na pinababayaan. Patunay na rito ang mga bus lane na noong 2020 lamang binuksan para sa publiko, ang Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP na sa unang tingin pa lamang ay mga malalaking korporasyon lang ang pinapaboran sa kung papaano ito planong ipanukala, at ang kabuuang sitwasyon ng sektor ng pampublikong transportasyon na pasan ng mga ordinaryong mamamayan pauwi sa kanilang mga bahay.
Pinamumukha ng pamahalaan na ang pampublikong transportasyon ay pasakit lamang sa atin; siyang maiiwasan mo lamang kung ika’y mayroong sariling sasakyan.
Dahil sa problemang ito sa pampublikong transportasyon, nakikitaan ng kaginhawaan ng mga mamamayan ang pagkakaroon ng sariling sasakyan. Sa katunayan, Pilipinas ang nagtala ng pinakamataas na bilang ng motor vehicles sa Timog-silangang Asya ayon sa Association of Southeast Asian Nations Automotive Federation (ASEAN — AAF). Sa kada 100 Pilipino, walo rito ang may motor at lima rin ang may sasakyan.
Patuloy na dumarami ang mga umaarangkadang pribadong sasakyan sa lansangan, bagay na salik din sa matinding trapik. At sa pag-usbong ng panibagong problema na ito’y baluktot na solusyon ang inihahandog — pagpaparami ng daan.
Hindi lamang sa kapitolyo, kundi na rin sa mga karatig na rehiyon nito, nagpaplano ang pamahalaan na magpatayo ng ilang mga service road na layong “padaliin at pabilisin” ang byahe.
Isang solusyong mala-bolo na nasa hawakan ang talim; ang pagpapatayo ng mga imprastrakturang ito ay mas nag-uudyok lamang sa nakaangat upang bumili ng sasakyan — ang konsepto ng induced demand. Sa krisis ng matinding trapiko, ang pagpapatayo at pagpapalawak ng mga daan ay totoo ngang makapagpapabawas ng oras sa paglalakbay. Ngunit ang panandalian o short-term effect na ito ay ang mismong nagpapalala sa problema na dapat nireresolba nito. Kung kaya kahit tuloy-tuloy ang pagpapatayo at pagpapalawak ng mga service road sa Kamaynilaan, hindi pa rin tuluyang nasusugpo ang matinding trapiko na kinahaharap ng mga mamamayan. Kung patuloy na pagpapatayo ng mga daan ang nakikitang “solusyon” ng pamahalaan laban sa kinahaharap na kalbaryo sa transportasyon, ubos na ang mga lupa’y wala pa ring pagbabago sa lagay ng trapiko.
Ang nagiging aksyon ng pamahalaan laban sa matinding trapiko ay iisa lamang ang pinahihiwatig — wala silang planong baguhin ang nabubulok na sistemang pinaiiral nila.
Sa tuwing bumabyahe ako pauwi, madalas ang eksena ng tayuan sa mga bus, kahit na labag sa batas ang paglagpas sa maximum capacity nito. Ngunit, mismong mga konduktor ang nagpapahintulot sa ganitong eksena. Ako, bilang isang estudyanteng gusto na lamang umuwi, ay kakagatin naito kaysa sa mag-antay nang matagal. Pati na rin ang simpleng paglalakad sa kapitolyo ay pahirapan; watak-watak na lakaran, at mga pedestrian lane na kulang ang oras na inilalaan para makatawid ang mga tao.
Bagaman talamak at hindi na bago ang ganitong mga suliranin sa isang ordinaryong mamamayan na namamayagpag sa kapitolyo, wala pa ring mabisa at maayos na solusyon ang pamahalaan para masugpo ang mga ito. Mas makikinabang ang mga ordinaryong mamamayan sa solusyong akma. Halimbawa na lamang ang pagpapaigting sa sistema ng pampublikong transportasyon gaya ng pagpapatayo ng mga maayos na terminal at pagpapalago sa sistema ng bus rapid transits. Pati na rin ang pagpapaayos ng mga sidewalks, bike lanes, at pagbibigay prayoridad sa mga pedestrian lane.
Mas lalong pinalalawak ng gobyerno ang agwat sa pagitan ng mga nasa tuktok at nasa laylayan. Sa paspasang pag-usad na kanilang isinasagawa, walang benepisyong nakukuha ang mga mamamayang sa pampublikong transportasyon umaasa.
Habang nananatili ang pagtutuon ng pamahalaan sa kita, patuloy na nagdurusa ang milyon-milyong mga mamamayang nagbabakasakali sa kaginhawaang maibibigay ng kapitolyo. Ang pagtatangka ng pamahalaang maging “modernisado” sa sangay ng transportasyon ay baluktot, hindi makamasa, at hinihila lamang paibaba ang buong estado ng bansa. Ang 3 oras na inilalaan ko para lamang makapaglakbay ng 17 kilometro ay kabilang sa libo-libo pa na kinakaltas sa bawat isang nag-aasam lang na makauwi sa kanilang tahanan.
Tatlong oras na sana’y nagamit ko na lamang sa pagpapahinga sa aking tahanan, o ‘di kaya’y sa pag-aaral. Tatlong oras na nakaltas sa limitadong panahon na makakasama ko ang aking pamilya, na lingguhan ko na lamang nakikita. Tatlong oras na biyahe, siyang nagpapalala sa pagod na nadarama ko, at ng milyong-milyong mga taong naiipit sa trapiko. Tatlong oras na ipinagkakait sa atin ng mga nakaupong nagtataingang kawali sa sitwasyong trapiko ng bansa.
Sa aking pagbiyahe mula sa Padre Faura hanggang Pilar, libo-libong mga mukha ang nasisilayan ko — bawat isa’y may kanya-kanyang bagahe na pinapasan pauwi. Matapos ang buong araw na pakikipagsapalaran, hindi na dapat nila pasan ang sistemang kasalukuyang umiiral. Sa bawat sakripisyo ng mga ordinaryong mamamayan para sa kanilang mga pangarap, hindi na dapat sila pa maipit sa makitid na daan — sa daang pilit tayong pinagkakasya.