Sa gitna ng lumalalang paglabag sa karapatang pantao, Senado inaprubahan ang pagbabawas ng kawalang-estado

The Manila Collegian
3 min readFeb 3, 2022

--

Ni Jo Maline Mamangun

PHOTO FROM OFFICIAL GAZETTE

Inaprubahan na ng senado noong Enero 25, sa pangatlo at huling pagbasa, ang Proposed Senate Resolution №964 (PSR 964) na naglalayon ng pagsunod ng Pilipinas sa kasunduang pagbabawas ng mga taong walang kinabibilangang estado. Isinasaad sa resolusyon na ang paglahok na ito sa implementasyon ng 1961 Convention on the Reduction of Statelessness ay pagpapakita ng pagpapahalaga ng bansa sa karapatang-pantao.

“Acceding to the 1961 Convention will complement and further demonstrate the commitment of the Philippines to its obligations under international human rights instruments, especially those that concern the affirmation of the right of all individuals to a nationality,” ayon pa sa nakasulat.

Pagpasa sa PSR 964

Ang inaprubahang PSR 964 ay nagtatakda ng pagsunod ng Pilipinas sa 1961 Convention. Ang hakbang na ito ay kinakailangan alinsunod sa nakasaad sa Artikulo VII, Seksyon 21 ng 1987 Constitution. “No treaty or international agreement shall be valid and effective unless concurred in by at least two-thirds of all the members of the Senate,” ayon sa seksyon.

Sa botong 20 ‘yes,’ 0 ‘no,’ at 0 ‘abstain,’ kaagad naipasa sa huling pagbasa ang PSR 964, na halos isang araw lamang ang pagitan sa pagkakapasa nito sa ikalawang pagbasa. Ayon kay Senate President Vicente Sotto III at Senate Majority Juan Miguel Zubiri, hindi nilabag ng senado ang tatlong araw na dapat ay pagitan, na siyang itinakda sa 1987 Constitution, dahil mga panukalang batas lamang ang sakop nito at hindi mga resolusyon.

Nakasaad sa naipasang resolusyon na paninindigan ng Pilipinas ang pagpapatupad ng mga lokal na batas at mga nakasaad sa 1987 Constitution hinggil sa pagkuha, pagkawala, at muling pagkakaroon ng Philippine citizenship o pagka-Pilipino ng isang tao.

Nakalagay din sa PSR 964 ang mga tungkuling dapat gawin ng mga kagawaran ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at kaugnay na ahensya sa pagrerehistro ng kapanganakan ng lahat ng batang ipinanganak sa mahirap na sitwasyon upang maiwasan ang pagiging stateless nila. Inaatasan din ang Department of Foreign Affairs at Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan ang mga undocumented Filipino, overseas Filipino workers (OWFs), at kanilang mga anak upang maiwasan ang pagiging stateless.

Sa panghuling talata sa resolusyon, nakalagay na maaaring umatras ang pangulo ng Pilipinas sa kasunduan kung sasang-ayon ang senado sa desisyon.

Statelessness

Itinuturing ang isang tao bilang ‘stateless’ kung siya ay hindi kabilang sa kahit anong nasyon o sakop ng kahit anong batas nito. Ang kahulugang ito ay ayon sa 1954 Convention na naglalarawan sa katayuan ng isang stateless. Tinitiyak ng nasabing kombensyon na makatatamasa pa rin sila ng mga karapatang pantao, sa kabila ng kanilang kalagayan.

Makalipas ang pitong taon ay naganap naman ang 1961 Convention na naglalayong mapigilan at mabawasan ang pagkakaroon ng ‘statelessness’ o kawalang-estado ng isang tao. Inaatasan ng kombensyong ito ang mga sakop na nasyon na magtatag ng mga batas na nag-iiwas sa pagkakaroon ng kawalang-estado sa kapanganakan at sa mga susunod pang taon ng isang tao.

Nilalatag ng 1961 Convention ang mga hakbang sa pagpigil at pagbawas ng statelessness sa apat na aspek: kawalang-estado sa mga bata, kawalang-estado dahil sa pagtanggi sa sariling nasyonalidad, kawalang-estado dulot ng pagkakait nito, at kawalang-estado sa konteksto ng state succession o ang pagpapalit ng Estado ng isa pa.

Lagay ng Karapatang Pantao

Si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagratipika sa 1961 Convention noong Agosto 3, 2021 at isinumite ito sa senado para sa pagsang-ayon. Subalit ang mismong pangulo ay kilala sa buong mundo dahil sa mga naiulat na paglabag sa karapatang pantao ng kanyang ‘giyera kontra droga.’

Ayon sa pinakabagong report ng Human Rights Watch, isang pandaigdigang grupo na nagsasagawa ng pananaliksik at adbokasiya sa karapatang-pantao, lumala ang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas noong 2020.

“Tuloy-tuloy ang pagpuntirya sa maralitang tagalungsod ng mapamaslang na ‘giyera kontra droga’ ni Pangulong Duterte na sinimulan sa pag-upo niya noong Hunyo 2016,” ayon sa pag-aaral ng grupo. Dagdag pa nila na libu-libo ang biktima ng extrajudicial killings na isinasagawa ng mga pulisya at mga di-kilalang taong may armas na konektado rin sa pulisya.

Sa ngayon ay humaharap ang pangulo sa posibilidad na siya ay ma-imbestigahan ng International Criminal Court (ICC) dahil sa mga paglabag nito sa karapatang pantao.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet