Sa Pagitan ng mga Buntong-Hininga
ni Kim Hernandez
Marahil ay totoo nga na lahat ng bagay ay may rason. Hindi sila nangyayari para sa wala lang.
Huwebes ng umaga sa ilalim ng isang tolda nang nakapagmuni-muni ako. Mahigit dalawang linggo na kami noon sa Naic at ilang araw na lang ay uuwi na kami sa Maynila. Sa pagbabalik-tanaw, marahil ay doon ko unang naramdaman ang bigat sa puso na hanggang ngayon ay narito pa rin. Hindi ako sigurado pero marahil ay dala ito ng mga pinaghalong emosyon na matagal ko nang dinibdib dahil palaging sinasabi sa sarili na may mga mas importanteng bagay na kailangang unahin.
Nakakalula pala kapag nasa harapan mo na — kapag hindi na lamang sa libro nababasa kundi sa lansangan mo nasisilayan at naririnig ang sigaw ng masa. Pakiramdam ko pumasok kami sa mundo ng mga aralin na dati ay nababasa lang namin. At tulad nga ng sinabi ko, iba ang nabasa mo lang sa nakita mo na.
Isang buntong-hininga para sa nakakagalit na kahirapang kinasasadlakan ng nakararami upang pahintulutan ang kaunlaran ng iilan. May mga tao pala talagang kayang maatim na gumawa ng kasakiman at tratuhin na parang hayop ang kapwa para sa pansarili nilang mga interes. Isang buntong-hininga para sa bigat na nadarama tuwing nakikita sa mata ng bawat nakapanayam namin ang kawalang-taros na pangangailangan nila ng tulong. At gustuhin man naming gawin ang lahat ng aming makakaya, maraming mga bagay ang dapat na isaalang-alang sa pagrehistro ng kanilang mga panawagan. Sa ganitong mga oras ipinapaalala sa akin kung gaano kabigat ang responsibilidad at hamon na dala ng pagiging Iskolar ng Bayan. Isang buntong-hininga sa mga panahong hindi ako makapanawalang nakahanap ako ng bagong tahanan sa mga kasamang dati-rati ay hindi ko naman lubusang kilala.
Iniisip ko, baka ito na ang pagbibigay linaw sa naging unang dalawang taon ko sa kolehiyo na puno ng takot, pangamba, at pagdududa. Marahil ay dininig ng mundo, ng kalawakan, o ng may-likha — kung mayroon man — ang binulong ko mahigit tatlong taon na ang nakalilipas. Sabi ko noon, kung walang matutupad sa mga plano’t gusto ko, ilagay niyo na lang sana ako kung saan ako nararapat. Kung hindi ako para sa unibersidad na pinapangarap kong pasukan o sa kursong nais kong tahakin, kayo na ang bahala. Ngayon, nandito ako sa isang pamantasan na ni minsan ay hindi ko inaakalang kabibilangan ko. Nandito ako sa isang kursong noon ay hindi ko narinig kahit minsan. At paulit-ulit akong magpapasalamat na napadpad ako rito.
Palaging sinasabi sa atin na libre lang ang mangarap. Kaya naman kung mangangarap ka na lang din, mangarap ka na nang mataas. Pero sabi ni Propesor Daryl Pasion sa isa niyang sulatin, huwag daw nating turuan ang mga bata na mangarap nang mataas. Bagkus, turuan natin silang mangarap nang malalim dahil dito, hindi natin sila binibigyan ng mga pakpak para lumipad nang mataas kundi ng mga ugat na dapat payabungin at palalimin.
Sa pag-aaral ng Araling Pangkaunlaran at sa pagiging bahagi ng pahayagan ng pamantasan ko natutunang mangarap nang malalim. Mabigat sa puso at isang malaking responsibilidad ang kaakibat ng unti-unting pagkamulat sa malagim na katotohanan ng masa na pilit ikinukubli ng estado. Binabalot ako ng poot at lungkot sa tuwing naririnig, nadarama, at nakikita kung paano sinusupil ng mga naghaharing uri ang mga bulnerable’t marhinalisado. Ngunit ang lagim na ito rin ang nagbukas ng pinto para mangarap ako hindi lamang para sa sarili at sa pamilya, kung hindi mangarap kasama ang masa, kasama ang bansa. Sa halip na tumingala para subukang abutin ang mga pangarap na tila tala, patuloy na itinuturo sa akin ng pamantasan at ng pahayagan ang kahalagahan ng pagbaba sa komunidad at pagpapakumbaba, pakikipagkapwa tao, at pagpapakatao.
Utang na loob ko sa pamantasan, sa kurso, sa pahayagan, at higit sa lahat, sa taumbayan, kung sino at kung nasaan ako ngayon. Sino ba namang mag-aakala na balang araw, maglalaro sa isipan ko kung paano ba namin babalikan ang masa at tutugunan ang hamon na kontrahin ang agos ng mapaniil na sistema sa munti naming mga paraan?
Mahirap, mabigat, at nakakapagod. Minsan, sa mabilis na pag-ikot ng mundo, hihinga ka na lang nang malalim at saka muling magpapatuloy sapagkat nag-aantay ang masa, nag-aantay ang bayan. Kaya sa mga kaibigan at kasama, pagpupugay at pasasalamat dahil sa pagitan ng mga buntong-hininga, masaya akong hindi ako nag-iisa.