Sa Pagkabig ng Masa

The Manila Collegian
4 min readDec 16, 2024

--

ng Editorial Board

Dibuho ni Hannah Iloco.

Tiklo na si Sara Duterte at lumalabas na ang kaniyang tunay na kulay. Sa kaniyang asta, tila siya’y nasa bingit na ng sariling pagkasira — binastos niya ang proseso ng Kongreso at binantaan si Bongbong Marcos at kaniyang pamilya. Wala na siyang kawala sa sigaw ng sambayanan na patalsikin siya sa pwesto.

Ang tanging inaasahan na lang ng bise presidente ngayon ay ang kaniyang mga kasapakat sa Kongreso. Sa kabilang banda, kampante si Marcos Jr. na sa paglubog ng kaniyang dating kaalyado ay malilinis na ang kaniyang pangalan. Pareho silang nagkakamali — hindi kakanta ang taumbayan sa kanilang lumang tugtugin.

Obligasyon sa ilalim ng Saligang Batas na pagpasyahan ng Senado at Kamara ang dalawang inihaing impeachment complaints laban kay Sara. Ngunit isang sugal kung tutuusin na iasa sa Kongreso ang napakabigat na desisyon na ito sapagkat ang mga kasalukuyang nakaupo ay pare-parehong uhaw sa pansariling interes at kaalyado ng bise. Suntok sa buwan na bumatay sa batas at bumalikwas sa ugnayan ang mga senador gayong malakas pa ang kapit dito ng pamilyang Duterte. Tiyak na aanib sa kaniya sina Bong Go, Bato Dela Rosa, Robin Padilla, at Imee Marcos — apat na boto na lang at absuwelto na ang bise sa paglustay sa kaban ng bayan.

Kahingian ang agarang pagkilos sapagkat malapit nang pansamantalang magsara ang Kongreso para sa nalalapit na halalan. Kung kinakailangan ay idiretso na ito sa Mababang Kapulungan upang mas mapabilis ang proseso at hindi na kailanganin pang dumaan sa Committee on Justice. Kung mangyari ito, magiging malinaw na walang deadline ang makapipigil sa kaso ng impeachment laban kay Sara. Nakabinbin na lamang talaga sa mga nakaupo ang paghusga kung may katiwalian ngang ginawa ang pangalawang pangulo.

Binaboy ni Sara Duterte ang pera ng taumbayan. Isiniwalat ng Philippine Statistics Authority sa imbestigasyon ng Kamara na 405 sa lumagda sa mga resibo ng P612.5 milyong confidential funds ni Sara Duterte ay wala sa kanilang mga tala. Bukod pa rito ang pagwaldas niya sa P125 milyon na confidential funds noong 2022, pagtanggi niyang sumipot sa mga pagdinig ukol sa mga anomalyang ito, at patuloy niyang pagpapabaya sa kaniyang mga tungkulin bilang pangalawang pangulo ng bansa. Ito pa lamang ay sapat nang basehan upang sibakin siya sa puwesto — isang manipestasyon ng kawalan ng integridad at pananagutan bilang mataas na opisyal ng bansa.

Habang binubulsa ni Sara ang perang nararapat sa taumbayan, naghihikahos naman ang mga ordinaryong Pilipino. Lalong napabayaan ang sektor ng edukasyon noong hawak niya pa ito: kulang pa rin ng hindi bababa sa 159,000 na silid-aralan ang mga paaralan, nagpatuloy ang barat na sahod ng mga guro, at naging atrasado ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa bansa. Habang siya ay labis na gumagasta, tikom si Sara sa isyu ng West Philippine Sea at nananatiling mariin ang pagtangging magkomento ukol dito. Nang rumagasa ang bagyong Carina nitong 2024, lumipad siya patungong Germany. Lahat ng ito patunay na pansariling interes lamang at hindi ang sambayanan ang kaniyang pinagsisilbihan.

Sa kabila ng malinaw na ebidensya laban sa pangalawang pangulo ang siya namang kinabahag ng buntot ng pangulo sa dati nitong kaalyado. Pakiusap niya sa mga senador: palagpasin na si Sara dahil “unimportant” umano ang pagpapanagot sa kaniya sa buhay ng mga Pilipino. Kung sa bagay, anong hustisya ang aasahan ng taumbayan sa pangulong tinatakbuhan pa ang sarili nitong multo?

Ang pagdistansya ng administrasyon kay Sara ay ang pagbura sa kanilang ipinangakong “unity” noong eleksyon, patunay na sa iisang bagay lamang sila magaling — ang pagbura ng kasaysayan. Ngunit, kahit anong pagtangka ng mga Marcos na lumayo sa mga anomalya ng mga Duterte, hindi malilimutan ng taumbayan na iisa sila ng hulma at magkakambal ang kanilang mga pakay.

Hipokrito kung tutuusin ang administrasyon kung binubusisi nila si Sara ukol sa confidential funds ngunit nagkikibit-balikat sila sa nangunguna sa listahan — ang Opisina ng Presidente — sa pagwaldas ng parehong pondo. Mapa-Marcos man o Duterte, pare-pareho sila ng tipo — ang hindi maglingkod sa Pilipino.

Sa kabila ng lahat, malinaw na nangingilabot ang bise sa sarili niyang multo. Ngunit, sa kaniyang malas, walang palusot at paninimpatya ang magmamaniobra laban sa malinaw na batayan ng pagkamkam sa kaban ng bayan.

Ang kagyat na pagsibak sa pwesto ni Sara Duterte ay isang kahingian — hindi na dapat binibigyan pa ng pagkakataon silang mga walang pakundangan sa paglustay ng pera ng bayan. Hindi lang ito dapat iasa sa mga nakaupo sa Kongreso, katambal dapat nito ang parlamento ng lansangan — isang malawakang pagkilos upang tuluyang mapatalsik ang bise presidente.

Kung akala ni Sara Duterte ay mas mataas siya sa batas, kikilos at dadagsa sa lansangan ang taumbayan laban sa kaniyang pagkakaupo. At kung akala ni Marcos Jr. ay malilinis siya sa kabila ng mga anomalya ng dati niyang kaalyado, muling patutunayan ng sambayanan na hindi nito mababaon sa limot ang kaniyang mga atraso.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet