Saan Nagsisimula ang Pagpapasiya
Sa gitna ng patong-patong na krisis na umiiral sa bansa, haharap na naman sa panibagong hamon ang sambayanan: ang paghalal sa susunod na mga pinuno sa darating na 2025. Kasabay ng pagtatapos ng pagsusumite ng kandidatura ngayong linggo, lilitaw ang iba’t ibang kampo at partido na ipapakilala ang kanilang mga sarili bilang tagapagtanggol ng bayan at magtataguyod ng karapatan ng mga Pilipino. Ngunit, hindi lahat ng mga ito ay totoo. Ang ilan ay ikinukubli lamang ang kanilang interes na angkinin ang kapangyarihan at linlangin ang mga mamamayan.
Uusbong at uusbong ang iba’t ibang mga pangalan sa pulitika. Ang ilan ay ilalako ang kanilang mga sarili bilang kakampi ng masa. Ang ilan ay ididiin ang kanilang mga karanasan at mga nagawa na. Ang ilan ay magmumula sa mga kilalang pamilya ng pulitiko o hindi kaya’y artista. Ngunit, kung uugatin, sa kabila ng lahat ng ito, iisa lang naman ang kailangan ng taumbayan — mga pinunong kakatawan talaga sa kanila — at kailangan panghawakan na ang pagpapasiya na ito ay tanging nagmumula sa kanila.
Hindi mawawala ang mga uhaw sa kapangyarihan, tulad ng huwad na alyansa ng ‘Bagong Pilipinas.’ Hindi maitatago sa pangalan ang bulok at umaalingasaw na tunguhin ng ganitong koalisyon — ipagpatuloy ang pandarambong, panloloko, at pagkamal sa kaban ng bayan. Isang kabalintunaan na ang mga bumubuo sa alyansang ito ay walang iba kundi mga pulitikong trapo. Napatunayan na ng panahon na babagsak at babagsak ang ganitong alyansa kung ang pundasyon nito ay nakaangkla lamang sa kanilang mga pansariling interes.
Subalit, sa kabila ng pagsipol ng mga gahamang lider na ito ang siya ring paglitaw ng pwersa ng mga mamamayan na tatangan sa mahalagang responsibilidad na irepresenta ang kanilang nasasakupan. Silang mga nagmula sa batayang sektor na nakaranas mismo ng hindi makamasang serbisyo ng gobyerno. Silang may gagap ng mga demokratikong karapatan ng kanilang sektor. Silang mga taong gumagalugad sa bawat sulok ng lipunan ang may malawak at malalim na pinaghuhugutan upang baguhin ang kondisyon na naglugmok mismo sa kanila.
Nasa kaalyado man ng kasalukuyang administrasyon ang lahat ng makinarya at rekurso upang maikampanya ang kanilang mga sarili, ngunit para sa mga tatakbong ang hangad ay tunay na tanggalin ang mga masalimuot na danas ng bayan, nasa likod nila ang sambayanan. Kayang magpunyagi ng nagkakaisang kampanya ng masa laban sa huwad na pagkakaisang pilit na ipinapamandila ng administrasyon.
Wala man silang mga magarbong pagtitipon at naglalakihang karatula, bitbit naman nila ang mga pinakakamatalas na ideya na nagmula sa mga sektor kung saan sila namuhay at nakipamuhay at ang pag-aasam na makalaya ang sambayanan sa lahat ng sumasagka sa kanilang karapatan.
Kahingian sa taumbayan na makapagtayo ng lipunan kung saan ang liderato ay tunay na magrerepresenta sa ating mga kolektibong panawagan at karapatan, sa parehong paraan kung paano natin hinihiling ang Unibersidad ng Pilipinas na maging. At kahingian sa sambayanan na ipanalo sila — sa atin magmula ang pagpapasiya.