Amihan
Sabay sa Tangis ng Yero
by Justine Wagan
Kung kailan ako tumanda, saka ko natutuhang matakot sa kulog at kidlat.
Sa ikatlong tapik sa balikat ako madalas naalimpungatan tuwing ginigising ni mama sa umaga para pumasok sa eskwela. Sa hagdan pa lamang, madalas ay ramdam ko na ang init ng bagong saing na kanin kasabay ang ingay ng mantika na pinagpiprituhan ng hotdog. Iinitan ako ni mama ng mainit na tubig panligo saka pupulbuhan bago bihisan. Sa biglaang buhos ng ulan, agad kaming magbubukas ng TV para malaman ang balita — wala raw pasok. Sayang, nakauniporme pa naman na ako.
Agad ko itong huhubarin para palitan ako ni mama ng jacket at pajama, tapos susuotan niya rin ako ng medyas para hindi ako lamigin. Magtatawanan kami ni Papa sa pinapanood sa TV habang nakasalang ang sopas pananghalian. Sa tuwing dadagundong ang kulog at kidlat, may tagatakip ako ng tenga at mata. Agad akong magtatalukbong ng kumot para mag-cellphone at libangin ang sarili. Wala akong bagyo na kinatatakutan dahil andiyan naman ang Mama at Papa para ihele ako; hinahagkan din nila ako hanggang sa makatulog. Hay, kay sarap ng buhay.
Ayun nga lang, kagaya ng bagyo, ang ganitong oras ay saglitan lang at lumilipas din. Kasabay ng pagrupok at pagkagiba ng haligi ng tahanan, unti-unti ring napupundi ang ilaw nito. Dahilan ito bakit kung kailan ako lumaki, ay saka ko natutuhang matakot sa kulog at kidlat. Tuwing kukulimlim ang ulap, hindi na ako napapakali sa kaba. Napakalaki ko na kasi para magtakip pa ng tenga o magtaklob ng kumot.
“Diyos ko, tama na po parang awa niyo na!” minsang sigaw ni Mama. Noong gabing iyon, harap-harapan kong nasilayan kung paano liparin ng mala-buhawing bugso ng hangin ang mga kahoy at trapal na dingding namin. Bumulusok din ang tubig-ulan sa papag namin na gawa sa marurupok na piraso ng kahoy. Maingay ang mabibigat na patak ng ulan dahil wala kaming kisame. Tuloy-tuloy din ang pagtulo ng tubig mula sa yero. “Wala naman tayong magagawa, Kuya. Tapangan mo nalang,” laging sambit ni Mama at Papa sa akin na panganay nila.
Pilit na ipinaramdam ng mga pagsubok na dumikdik sakin na ang takot ay iniiwan sa pagkabata at hindi na dapat dalhin sa pagtanda. Tuwing kikidlat, kaduwagan na pala ang pagtatakip ng mata. Sa mga panahong wala na sina mama at papa upang hagkan at protektahan ako sa unos, kailangan ko nang tumayo sa sarili kong mga paa.
Ganito pala ang totoong buhay — walang awa kang sasakdalin sa pagdurusa. Susubukan mo pa lang bumangon ay sasalantahin ka na ulit. Kahit may pader, tinatangay. Kahit may bubong, nalulunod. At kahit may ilaw, nangangapa. Minsan, napapatanong ako: ang pagkulimlim ba ng ulap ay senyales ng pagsasara ng langit? Bakit tila hindi nito dinidinig ang saklolo ko sa tuwing babagyo?
Siyang tunay, napakasarap maging bata. Dalisay ang buhay noong mga panahong multo lang ang ating kinatatakutan at hindi ang madilim na kinabukasan. Sa katotohanang ito ko nahinuha na ang mga takot ay hindi natatapos sa pagkabata — may mga kilabot na uusbong sa kaibuturan ng ating puso kapag hinarap na natin ang tunay na buhay.
Sa mga oras na wala nang magpapahigop sa aking ng mainit na sabaw upang ihele, hindi ko pa rin talaga maiwasang matakot. Kaya, sa hindi na mabilang na lubog-litaw at atras-abante na aking kinaharap, natutuhan ko na rin maging komportable sa kaba. Hindi pala dapat pinaghihiwalay ang takot at tapang — ito’y tambalang mahalaga sa pagsuong sa laban. Kaya, patuloy kong haharapin ang hagupit ng bagyo kahit nanginginig, kahit nanlalamig, kahit nasasaíd — ito kasi ang turo nina Mama at Papa.
Kayrami ko na ring nadaanan na lansangan, bagay na pinanghawakan at aral na pinagtanganan. Pamana ito lahat sa aking ng mga nakasama ko sa linya ng paglaban — ang masang tinatangay, nilulubog, at nilulunod. Kami ang nagsilbing haligi at kisame ng isa’t isa.
Tama, hindi na nga ata ako bata. Hindi na kasi tama para sa akin ang magtakip pa ng tenga para magbingi-bingihan sa iyak ng taumbayan. Hindi ko na rin magawang ipikit ang mga mata para magbulag-bulagan sa katotohanan. Lalong hindi ko na kayang magtalukbong nalang ng kumot para magpakasasa sa init at kaalwaan kung ang mga tao naman sa labas ay may lamig at kilabot na pinagdadaanan.
Hindi ko kailanman ikahihiya na takot ako sa mga kulog at kidlat; na ang mga patak ng luha ko ay rumaragasa sabay sa tangis ng yero. Sa huli, ang pinakamalaking aral sa aking pagtanda ay ang katotohanan na ang patuloy na pangangamba ay patuloy na paglaban.