Sinag Ng Nauupos Na Kandila

The Manila Collegian
5 min readApr 21, 2024

--

ni Chester Leangee Datoon

Dibuho ni Damsel Marcellana

Hindi pa man tumitilaok ang tandang — hudyat ng bukang-liwayway ng bagong araw — makikita na sa isang munting apartment na inuupahan ng isang pamilya ang paggalaw ng isang ginang. Habang naghihintay sa mister na naliligo, siya’y abala sa kusina upang magluto para sa maiiwang lola at sanggol na apat na buwan pa lamang. Bagaman kapapanganak lang, kailangan na niyang kumayod muli para sa kinabukasan ng anak. Kasabay ng kanyang pangamba sa ilang oras na mapawawalay sa anak ay ang pagkasunog ng niluluto niya sa kawali.

Ito ang reyalidad ng mga kababaihang manggagawa sa Pilipinas. Sa bisa ng 105-Day Expanded Maternity Leave Law, ang isang bagong-panganak na babae ay pwede lamang mag-leave ng 105 na araw. Kung tutuusin, malaking pagbabago na ito kung ikukumpara sa 60 araw sa lumang batas, subalit kulang pa ito upang masiguro ang kapakanan ng babae, partikular na sa aspeto ng mental health.

Ang postpartum depression ay isang kondisyong nararamdaman ng mga babaeng kapapanganak lamang. Ilan sa mga sintomas nito ay kalungkutan, pagkawala ng gana sa mga bagay-bagay, kahirapan sa pagtulog, at lampas dalawang linggong pagkatuliro na dulot ng panganganak o sa mismong sanggol. Sa Pilipinas, malaking dagok ang kahirapan at diskriminasyon sa usaping mental health sa paglutas ng suliraning ito. Napahaba man ang bilang ng araw ng paid leave, hindi pa rin ito sapat upang mapangalagaan ang kababaihan, lalong-lalo na ang kanilang emosyonal na kalusugan.

“Pasensya na sa nasunog na pagkain, mag-iiwan na lang ako ng perang pambili nina lola ng kakainin mamaya,” sambit ng ginang sa mister na abalang magpalit ng damit. Sa pagsuot ng ginang ng kanyang puting uniporme, pinagnilayan niya ang mangyayari sa mga susunod na oras dahil susuungin niya na naman ang mala-sardinas na bagon ng tren. Sa loob nito’y nakatayo ang ginang, suot ang kanyang apat na pulgadang takong. Hindi pa man nagsisimula ang araw, namamagang paa na ang sumalubong sa kanya.

Sa pagsakay sa nabubulok at ‘di episyenteng pampublikong transportasyon, dobleng hirap ang danas ng mga kababaihan — walang pagkakataong makaupo dahil siksikan, dumagdag pa ang ‘di kumportableng uniporme at mataas na takong — mga kasuotang itinakda ng lipunan at inaasahang kanilang susuotin. Dagdag pa rito, hindi pa rin nawawala ang mga sekswal na pagdampi ng kamay ng ibang pasahero sa kanilang maseselang bahagi, balot na balot man sila o hindi.

Sapagkat, sa daigdig ng kababaihan, naka-mini skirt man o kasuotang pang-madre, patuloy silang nagiging biktima ng panghihipong naka-ugat sa kabastusan. Pahirapan din ang pagsusulong sa bansa ng ideya ng safe spaces dahil kung susuriin, mismong ang mga taong nagpapalakad ng ating pamahalaan ang nagbibitaw ng mga malalaswang komento, biro man o hindi, sa mga kababaihan.

“Buti nalang ‘di pa ako late,” sambit ng ginang. Sa pagpasok niya sa botika, nariyan na ang dalawa niyang assistant na handang alalayan siya para sa mga gawain ngayong araw. “Oh, andito ka na pala, may mga bagong stocks sa likod, pwede niyo na ‘yun ayusin,” pagbati ng may-ari. Sa paghahalungkat ng ginang sa mga karton, napaisip siya.

“Sir, wala po bang pinadalang freebies ang kompanya? Women’s Month pa naman, maganda sana pambenta,” tanong niya. “Wala eh, ‘yan lang ang pinadala nila,” sagot ng may-aring lalaki. “Pwede naman tayo gumawa ng promos natin sir; alam mo naman marami tayong kompetensiya dahil nasa harap tayo ng ospital,” suhestiyon niya. Umaalingawngaw na katahimikan lamang ang sumagot sa kanya; lumabas na pala ang may-ari.

Nakakintal na sa isip ng maraming Pilipino, bunsod ng mahabang kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng dayuhang mananakop, ang pagiging patriyarkal nito. Ang lalaki ang nagsisilbing haligi ng tahanan at kalimitan siya ang nasusunod, habang ang babae ay nariyan lamang upang alalayan siya sa bawat desisyon na gagawin sa pamilya. Sa Pilipinas, ang mga bagay-bagay ay tumatakbo sa kumpas ng kamay ng kalalakihan, at halos walang lugar ang mga ideya at konsepto ng kababaihan.

Magandang araw po, pwede po ba pabili ng PT?” pabulong na pagtawag ng isang dilag sa ginang. “Pwede naman, ilan po ba yung gusto niyo at alam po ba ninyo kung pa’no ito gamitin?” tanong ng ginang. Habang nag-uusap ang dalawa, sinusubukang pagaanin ng ginang ang kalooban ng dilag sapagkat halatang ‘di ito komportable sa pinag-uusapan.

“Naku ineng, ke bata-bata mo pa’y buntis ka na. Tapos, ikaw na pharmacist kinukunsinti mo pa! Kung ako ‘yan, pinaalis ko na ‘yan at sinabihan kong wala,” panghihimasok ng isang matandang lola na customer din. Ang pribadong espasyong sinubukang buuin ng ginang ay naglaho at napalitan ng kahihiyan, takot, at pangamba.

Dahil sa pananalaytay ng patriyarkiya sa Pilipinas, kahit kapwa babae mismo ay naiimpluwensiyahan nito. Ito ay masasalamin sa mga gawi at pag-iisip ng mga Pilipino na lalong nagpapahirap sa estado ng mga kababaihan sa bansa. Tulad ng kahirapang ipasa ang Reproductive Health Law at pag-normalize ng mga sex-related drugs, nagiging hadlang ang namanang kaisipan ng masa sa pagbuo ng lipunang ligtas para sa kababaihan.

Sa wakas, tapos ang araw. Masakit ang likod nitong lumabas ng botika. Sa kanyang pag-uwi ay naisip niyang maaaring danasin niya muli kinabukasan at sa mga susunod na araw ang naranasan niya ngayon. Sa pagtingin niya sa kalangitan, sindilim nito ang katotohanan ng hinaharap niya.

“Women in STEM,” marahil isa itong palasak na linya sa industriya ng agham at teknolohiya kung saan kinikilala ang matagumpay na mga babae sa iba’t ibang larangan. Subalit, sa likod ng ganitong pagdiriwang ay ‘di maitatanggi ang masalimuot na katotohanan: sa patuloy na pag-usbong ng lipunan, nakakaligtaan ang espasyo at puwang ng kababaihan.

Kahit sa industriya ng parmasya, kung saan mas maraming babaeng nagtatrabaho, nakakaranas pa rin sila ng diskriminasyon. Kamakailan lamang, dahil sa pagsabog ng isyu ng Ozempic®, ay itinampok ang kwento ni Svetlana Mojsov, isa sa mga haligi ng pagbuo ng modernong gamot laban sa diabetes at obesity. Sa kabila ng kanyang kontribusyon, tatlong lalaki ang kasalukuyang tumatamasa sa gantimpalang nararapat para sa kanya.

Sa paghiga ng ginang sa kanilang kama, tanaw niya ang kanyang sanggol. Sa ilalim ng tahimik at madilim na kalangitan ay ang munting pagnanais niya sa isang mundong malaya siya. Sa daigdig na ito, hindi na niya poproblemahin ang mga nakaw na tingin na naglalaman ng pagpupuna sa kanya, at may kakayahan na siyang magsalita nang walang takot. Ito ang lipunang inaasam niya para sa kanyang anak.

Makatotohanang representasyon — ito ang susi sa pag-abot ng pagbabagong ramdam ng bawat taong nabubuhay sa mundo. Minsan, sa pagbuhol natin ng konsepto ng pagtuklas at siyensya, nakakaligtaan na ang mga pagbabagong ito ay dapat makatao rin. Sa pagsulong ng isang universal healthcare sa Pilipinas, marapat lamang na may boses ang bawat sektor ng lipunan, lalong-lalo na ang kababaihan. Ang boses nila ay isa sa mga sangkap sa pag-abot ng isang makataong lipunan — kung saan walang nakalalamang at ang kalusugan ay pinapahalagahan.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet