Tatabunan na ang Cancabato
ni Jermaine Angelo Abcede
Maliwanag ang mga ulap at sariwa ang hangin — magandang araw para sa mga mangingisda. Nakaparada na sa pampang ang mga bangka, maaari na silang makapalaot anumang oras. Babaybayin nila ang ilog na sagana sa isda at napapalibutan ng mga bakawan na mga mamamayan mismo ang nagtanim. Nakapagandang tanawin, ang sarap mangarap na ganito na lang palagi dahil baka bukas makalawa, hindi na ganito ang tagpo dahil tatubunan na ang ilog. Tatabunan na ang Cancabato. Saan na sila pupunta?
Malubhang epekto ng reklamasyon ang sasapitin ng mga mangingisda at mga kabahayan malapit sa Cancabato Bay matapos makalusot ng Tacloban City causeway project na naglalayong magtayo ng 2.56 kilometrong road embankment. Cancabato Central Business District kung ilako ng lokal na pamahalaan dahil mas pabibilisin raw nito ang pagbiyahe sa lungsod, pero sa katunayan, tatabunan ng tone-toneladang semento at lupa ang 562.26 ektarya ng katubigan.
Gagap na ni Pedro Cahendo, isa sa board members ng Cooperative Development Authority na nag-mamaintain ng Paraiso Mangrove Eco Learning Park at bahagi ng Cancabato Collective, ang magiging danas ng mga Taclobanon sa pagragasa ng kontra-kalisakang causeway. Sing bagsik ng Super Typhoon Yolanda, kakaharapin na naman ng mga mamamayan ang pagkawala ng tirahan, relokasyon, kawalan ng hanapbuhay, at pagkamatay ng mga bakawan.
Sa pagtulak ng lokal na pamahalaan sa P543.45 bilyong proyekto, papatayin nito ang kabuhayan ng mga mangingisda ng Cancabato Bay — walang pinagkaiba sa kung paano nila ipamarali na patay na ang isda sa ilog kahit marami pa ang nalalambat dito.
“Kapag mawawala ‘yong Cancabato, wala nang tatakbuhan ‘yong mahihirap,” paggigiit ni Tatay Pedro.
Idinidiin din ng Department of Public Work and Highways — Eastern Visayas, ahensya ng gobyerno na may hawak sa proyekto, na may environmental clearance certificate (ECC) ito sa Department of Environment and Natural Resources mula pa noong 2019.
Ngunit ayon sa mga ulat, wala pa ring access ang Tacloban City Council sa dokumentong ito kaya nanatiling palaisipan kung paano ito nakalusot sa kagawaran o kung mayroon ba talaga itong ECC gayong malinaw na may environmental concerns na makokompromiso dito.
Kwestiyonable rin na Sunwest Incorporated ang kontraktor ng proyekto na pagmamay-ari ni Elizaldy Co, hayag na kaalyado ni Ferdinand Marcos Jr., dahil ito ang supplier na sangkot sa corruption scandal ng Department of Education sa pagbili ng overpriced at outdated laptops para sa mga guro sa public high schools.
Dagdag dito, haharap din sa pagkawala ng tirahan ang mga karatig na kabahayan ng Cancabato na maaapektuhan ng reklamasyon. Ipipiliit na naman ng pamahalaan na ilagay sila ibang bahagi ng Eastern Visayas kahit mailap ang trabaho para sa mga residente roon.
Labas pa rito, ang Eco Park na tinayo matapos hagupitin ng Yolanda ang Tacloban ay nanganganib na mauwi lamang sa wala. Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pag-operate nito dahil sa mga miyembro ng koop na tanging nag-aalaga at naglilinis ng mga bakawan araw-araw. Bagaman may P30 environmental fee na hinihingi sa bawat bisita, lahat ito ay napupunta sa barangay at tanging isang daang piso ang pinaghahatian ng mga tagapaglinis sa bawat araw — gaano man sila karami.
Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ni Tatay Pedro ang pag-aalaga sa mga bakawan dahil sa tingin niya, ito ang isang paraan para hindi na ulit magkaroon ng isa pang Yolanda. Unawa nila na kayang protektahan ng mga bakawan ang mga komunidad na malapit sa pampang mula sa storm surges at pagbaha dahil pinapahina nito ang matinding daloy ng tubig.
Ngunit tila hindi na natuto ang administrasyon, desidido itong ituloy ang proyekto na maaari lamang magpalala ng mga bagyo sa lungsod. Ang Tacloban ang nagsisilbing basin ng rehiyon kaya dito naiipon ang kalakhan ng mga katubigan. Kung tatabunan ang Cancabato na pangunahing pinaglalagakan ng tubig, hindi imposibleng maging bulnerable ulit ang lungsod sa matitinding bagyo at baha gaya ng Yolanda.
Sa paglipana ng iba’t ibang proyekto sa imprastraktura, marapat lang na itanong ng taumbayan: development para kanino? Kung ito ay babangga lamang sa kalikasan at kabuhayan ng mga mamamayan, wala itong lugar para tumuloy at dumaluyong. Hindi na kailangan ng mga Taclobanon ng bagong Yolanda na kukuha ng maraming buhay sa kanila.
“Dapat hindi nila ituloy ‘yan. Kasi kapag namatay ang mga mangrove, mamamatay ang mga isda. ‘Yung mga mahihirap na mangingisda, saan sila pupunta? Pupunta sila sa malalim, sa mga maalon, mamamatay sila,” dagdag ni Tatay Pedro.
Sa pagsasalaysay pa ni Tatay Pedro, idinetalye niya na kung tatabunan na ang Cancabato, wala nang sariwang hangin na malalanghap ang susunod na henerasyon.
“Dito, kung wala ito [ang Eco park], wala ng preskong hangin ang susunod na henerasyon. Ang mangorove ay pinakasumisipsip ng carbon dioxide,” paliwanag ni Tatay Pedro.
Mawawalan ng kabuhayan ang mga manginisda. Kusa nang papatayin ang mga isda. Papalayasin na ang mga kabahayan. Nasaan na ang dapat kanlungan ng pag-asa pagkatapos ng matinding unos?
Saan na sila pupunta?