Tatlong araw pa lang ngunit damang-dama na ang labis ng hinagpis ni Inang bayan.
Hindi pa ganap na nakauupo ang tambalang Bongbong Marcos Jr. at Sara Duterte sa Malacañang ngunit laganap na ang pagpapatahimik at pan-re-redtag sa mga kabataang tahasang kinokondena ang mga anomalyang nangyari noong eleksyon. Ang oportunidad na magkaroon ng gobyernong tapat at may malasakit ay hinadlangan ng malalim at malawak na kasinungalingan. Sa ikalawang pagkakataon matapos ang pagdeklara ng Martial Law, muli na namang pinatay ang demokrasya ng Pilipinas.
Tatlumpu’t mahigit na taon na ang nakalipas nang patalsikin ng sambayanang Pilipino ang rehimeng Marcos. Tatlumpu’t mahigit na taon na ang nakalipas nang wakasan ng sambayanang Pilipino ang malagim na yugto ng kasaysayan ng bansa sa pamamagitan ng isang rebolusyon, kung saan nagkaisa ang milyon-milyong Pilipino upang buwagin ang diktadurya. Ngunit, ngayon ay milyon-milyon din ang bumoto upang muling makabalik ang anak ng diktador, kasama pa ang anak ng nakaraang pasistang presidente. Ang isa’y prinsipe ng magnanakaw habang ang isa’y prinsesa ng karahasan — at pareho silang mga anak ng mga mamamatay-tao.
Patong-patong na suliranin na ang kinakaharap ng ating bansa sa pag-alis ng rehimeng Duterte, kaya’t ang kanilang posibleng pagkaluklok sa puwesto ay isa lamang nagbabadyang paghihirap at karahasan sa ating bansa. Ayon sa mga ulat, mayroong Php 12 trilyon na utang ang ating bansa sa pagpasok ng taong 2022, isa sa mga pinakamalaking utang sa kasaysayan ng Pilipinas. Hindi nakatutulong na maipapasa lamang sa isang Marcos ito–sa isang pangalang tanyag sa mundo bilang salarin ng “Greatest Robbery of a Government.”
Dahil laganap na rin ang paglason sa utak ng mga mamamayan dulot ng paglipana ng misimpormasyon, historical distortion, at troll farms, hindi malayong tangkain na ring ituring na subersibong materyales ang mga librong may kinalaman sa karimlang idinulot ng Martial Law. Wala nang bisa ang saysay ng kasaysayan dahil bukod sa hindi na ito kinikilala ng karamihan, itinuturing na ring kaaway ng estado ang mga taong lumalaban para i-preserba ito. Bukod pa rito, lalo lamang lalapastanganan ng Tsina ang soberanya ng ating bansa dahil ayon sa mga plataporma ni Marcos, balak niyang pumasok sa isang bilateral agreement kasama nito kahit pa nanalo na ang Pilipinas sa 2016 arbitral tribunal. Sa ganitong lagay, lalo lamang madedehado ang mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea. Nagsisimula na ring mabawasan ang foreign investors ng ating bansa dahil sa hindi malinaw na economic platform ni Marcos; sa huli’y mga Pilipino lamang ang mahihirapan dito dahil maaaring magdulot ito sa malawakang kawalan ng trabaho. Dagdag pa rito, kung hindi huwad ay pahirap ang iniwang pangako ni Marcos sa mga Pilipino tulad ng Php 20 na presyo bigas, dahil ito’y madudulot lamang ng mas matinding pagkalugi sa kita ng mga magsasaka..
Kapakanan din ng mga oligarkiya at mayayaman ang maisasaalang-alang sa administrasyon na ito. Ang utang ng pamilya Marcos na hindi pa nila nababayaran ay mababaon na lamang sa limot. Ang mga kaalyado nilang mga pamilya gaya ng mga Duterte at Arroyo ay mapapawalang-sala. Dulot ng malaking utang ng ating bansa at ng maruming track record ng mga Marcos at Duterte, hindi malabong malugmok sa hirap ang mga Pilipino dulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Dahil parehong may bakas ng pasismo ang kanilang mga kamay, dadanak muli ang dugo at bubusalan ang mga Pilipinong umaalma sa ating kalagayan. Mawawala na lamang ng parang bula ang demokrasya at pagpapahalaga sa karapatang-pantao na ipinaglaban ng mga Pilipino.
Kasaysayan na mismo ang nagpaalala: hindi na dapat ibinabalik ang kapangyarihan sa pamilyang yumurak sa buhay ng mga Pilipino noong dekada ’70 at sa panahon ngayon na binulabog ng pandemya ang bansa, kahit ano pa mang positibong komento ang lumitaw na baka naman bawiin nila Marcos at Duterte ang dangal ng magulang nila–na baka nga umunlad na ang Pilipinas sa pamumuno ng dalawang ito.
Hindi. Magising na tayo.
Patay na ang demokrasya sa oras na maging ganap ang panunungkulan ng Marcos-Duterte. Babangon ang mas pinalalang kalbaryo ng mga Pilipino. Mahihirapan tayong magising sa isang bangungot.
Hindi mauubos ang takot at galit.
Hindi malabo ang posibilidad na unti-unting mababawasan ang sumusulat sa pahayagan na ito, o ang bilang ng mga naglalakas-loob na lumaban sa panunumbalik ng diktadurya sa bansa. Nakabakas sa iniwang marka ng nakaraan ang libo-libong mamamayang pinatay noong Batas Militar at sa War on Drugs.
Ngayong nagsanib pwersa ang dalawang halimaw, mas malala ang dadanasin ng taumbayan.