Taya ng Tao, Kubra ng Estado
nina Jhuztine Josh de Jesus at Chester Leangee Datoon
Matagal nang pinaglalamayan ang estado ng liderato sa Pilipinas. Sa loob ng presinto ng botohan, nariyan ang pa-biskwit at kape sa mga tagabantay ng boto, at hindi mawawala ang mga dumadagsang botante na tumataya para sa inaasam na mas maalwan na kinabukasan ng bansa.
Sa isang taimtim na lamay, sabi naman ng matatanda’y mas mapapadali ang biyaheng langit ng namayapa kapag dadagsa ang mga tao para magsugal. Sinasalamin nito ang kultura natin sa paggunita ng mga pangyayari, masaya man o masalimuot. Pero paano kung ang pinaglalamayan ay hindi naman tao o hayop? Paano kung ito’y isang manipestasyon na sanhi ng nangangalawang sistema? Kumbaga, parang isang multo — nakakapanindig ng balahibo pero nagpapatay malisya lang tayo.
Kung sisilipin ang ataul, isang masalimuot na kultura ng halalan ang masisilayan. Magagawa pa ba itong buhayin o sa limot ay tuluyan na lang itong ililibing?
Unggoy-Ungguyan, Loko-Lokohan
Palasak na sa mga musmos na ipalaro ang unggoy-ungguyan sa lamay kung saan ang magkakamukhang baraha ay inilalapag sa mesa ng mga manlalarong nagbabakasakaling manalo sa laro ng buhay. Halimbawa, kung may nakitang dalawang Marcos o Villar, ibaba na ito para maubos ang baraha. Kung lahat ng naglalaro ay nakapagtapon na, isa-isa silang bubunot mula sa mga natitirang baraha — kung sinuswerte, baka lumabas sina Binay o Arroyo na kukumpleto sa natitirang baraha sa kamay. Magkakamukhang mukha, magkakamukhang uri, at magkakamukhang interes — ito na ang kalakarang kinasanayan sa larong unggoy-ungguyan.
Pero sa mga napaglumaang baraha, minsa’y hindi lantaran ang pagkakamukha. Iba man ang pangalang dala nila, magkauri naman ang prinsipyong sinasandigan, kaya lantaran ding pinoprotektahan ang isa’t isa. Kaya naman sa unggoy-ungguyan, iisang wangis na rin ang barahang Aquino at Cojuangco pati na ang Marcos at Romualdez.
Sa paglapag ng magkakamukhang baraha ay may naiiwang isa — ang bukod-tanging nagpapakita ng pag-asang maakaalpas sa nakasanayan — tao man o panlilinlang, o pwede ring pareho. Subalit tila ito’y parating natatabunan na lamang ng iba, kaya naman sa muling pagbalasa ng mga baraha para sa panibagong laro, pagkabagot na lamang ang nararanasan ng masang manlalaro.
Ngunit napapanahon na ang pamimili ng bagong barahang babalasahin sa laro ng unggoy-ungguyan. Sa pagwaksi sa napaglumaan, kailangang umusbong ang mga panibagong baraha na magpapanalo sa masa — yaong tunay na magrerepresenta sa kanila.
Kara o Krus?
Dahil sa paulit-ulit na kalakaran ng sistema, tila pinaglalamayan na lamang ang dating buháy na pag-asa para sa pagbabago tuwing eleksyon. Ngunit, paano nga ba humantong ang lahat sa ganito?
Tuwing may lamay, kadalasan ay nariyan ang mga baryang nagkakalansingan sa larong sapalaran na kara krus na sinasalihan ng mga manlalaro buhat ng kalungkutan at kawalang pag-asa para sa yumaong sistema. Sa larong ito, kapag humarap ang dalawang “kara” o mukha ng barya, panalo ang bangkero o ang tagahagis — ibig sabihin, lahat ng itinaya ng mga sumali ay mapapasakamay niya. Kapag humarap naman ang isang kara at isang krus, tabla ang resulta’t walang magbabayad sa sinumang kasali. Subalit kung parehong haharap ang dalawang krus, talo ang bangkero at kailangan niyang bayaran ang sinumang tumaya rito.
Minsa’y mapapaisip na lamang din ang mga manlalaro kung ito ba’y larong tadhana o isa na lang larong pandaraya?
Lumilitaw na isang dahilan kung bakit karamihan sa mga Pilipino ngayon ay hindi ramdam ang bigat ng importansya ng eleksyon, laluna ang pagkilatis sa mga tumatakbo, ay dahil sa kapitalistang sistema na pinapako ang kanilang mga mata sa pangangailangang punan ang kanilang tiyan. Ang mga problema gaya nito ay isang malaking sugal sapagkat hindi tiyak kung kailan nila matsatsambahan ang pagharap ng dalawang “krus” ng buhay, laluna kung matagal na nilang ginagalugad ang ilalim ng tatsulok.
Bagaman nakalulungkot, hindi basta pwede husgahan na lang ang ganitong tugon ng masa sa paghihirap. Sa gitna ng kalungkutang dulot ng namatay na pag-asa, hindi masisisi ang taumbayan kung kumakapit na lamang sila sa kinang ng mga barya ng kara krus. Kung sa pagsusugal na lang nila mapakakalma ang kumakalam nilang mga sikmura, nararapat pa bang pagbawalan sila?
Mapasugal man o pagkayod sa mga trabaho na singkong butas lamang ang sahod, kung ang bumbangkero rito ay ang mga mapanamantalang tao, ang mukha ng dalawang kara ay palaging lalabas sa mga barya — bagay na kayang dayain ng sinumang may puwesto at kapangyarihan.
Tong-its: Larong ‘di ma-gets
Tulad ng mga larong kara krus at unggoy-ungguyan na nilalaro tuwing may lamay, madalas masilayan ang mga manlalaro ng tong-its sa isang pabilog na mesa. Tila umiikot na ang kanilang mga paningin sa bawat tapon, kuha, at pagbibilang nila ng puntos ng mga baraha sa kamay, kahit pa napakakomplikado at nakahihilo ang mga patakaran ng laro.
Para sa simpleng mamamayan, masakit din sa ulo ang mga pangyayari tuwing eleksyon. Marahil ay pagkatuliro ang nararamdaman ng mga botante sa Pilipinas, lalong-lalo na ang mga nasadlak sa kawalan ng edukasyon buhat ng kahirapan dahil sa komplikadong proseso ng eleksyon. Bukod sa pila rito, pila roon, ay ilang mga papeles, valid ID, at sandamakmak pang mga politiko ang kailangan nilang kilatisin at pagdaanan para lamang maranasan ang maginhanwang buhay. Sinasalamin ng tong-its ang suliranin ng mga kababayan kong “no read, no write” na tila nawawalang bata tuwing eleksyon. Bunsod ng kakulangan sa kaalaman sa sistema ng lipunan, lubos na nakaaakit ang mga hilaw na pangakong inuutal ng mga kandidato sa halalan.
Kaya, mapa-flush, straight, o three of a kind pa man ‘yan, kung sino sa paningin nila ang mas kampante, mas lamang, mas tagos sa puso — kahit gaano man ito katuso — siya ang mananalo. Sapagkat ang sistemang nakalilito ay pinagsasamantalahan ng mga sugarol na nananalo upang manatili silang panalo.
Sa Muling Pagkabuhay
Napapanahon na ang pagwasak sa siklo ng pagdurusa na ibinibigay ng mga gahamang pulitiko. Ang apatyang bumabalot at bumabaluktot sa lipunan ay nag-uugat sa mas malawak na problema ng pagmamaniobra ng maykapangyarihan sa takbo ng halalan. Taktika ang lantarang pagkakait nila sa mga tao ng batayang pangangailangan para sa mas madaling panlilinlang sa mga uhaw na sugarol. Dito rin nagbubunsod ang hindi matapos-tapos na lamay ng namatay na inisyatiba at partisipasyong pampulitika.
Ang kawalang pag-asa at pagkalito sa sistemang paulit-ulit na lamang pinaglalamayan ang siyang nagtutulak upang mapakapit sa pagtaya o pagkawalang pakialam ang botanteng Pilipino na umaasang makakatikim naman ng panalo kahit papaano. Ngunit sa totoo’y hindi kailangang paglamayan ang isang bagay na naghihingalo pa lamang; bagkus, kailangan itong mas pagtibayin at buhayin. Bagaman matagal nang pinamumugaran ng naghaharing-uri ang eleksyon sa Pilipinas, nagsusumikap pa ring umusbong mula sa lusak ang iilang mga representante ng iba’t ibang sektor ng masa.
Higit kailanman, kailangang kitilin ang namamayagpag na ideyang patay na sistema, sapagkat ito’y nangangahulugang pagsuko. Ang katotohana’y mayroong lakas ang mayorya ng sambayanang naghihikahos; ito’y naghihintay lamang na dumaloy mula sa kalyo ng pagod nilang mga palad at mga pag-iisip nilang sawang-sawa na sa lumang kalakaran sa sistema.