The Deal
nina Christopher Tyrese Dela Cruz at Joanna Pauline Honasan
Magkakambal ang pagdadalamhati at galit sa mundo ng mga magsasakang api, kung saan búhay ang kapalit ng pagtatanggol sa lupang ikinabubuhay. Malamlam at umaandap-andap ang bumbilya sa burol na dinaluhan ni Armando; sa tapat ng bahay kubo na lamang inilagak ang mag-amang pinaslang habang nag-aani.
Humakbang si Armando papalapit sa mga kabaong. Bagaman nanlalamig na ang bangkay ng ama at bata, bakas pa rin sa kanilang mga mukha ang takot, siyang saksi sa brutalidad ng militar.
Ilang saglit pa, dumating ang ilang naka-unipormeng armado, tinutok ang mga baril sa mga nakikiramay, at pwersahan silang pinaluhod at kinuhanan ng litrato. “At talagang dito pa kayo nagtipon-tipon na mga NPA, ha!” singhal ng militar.
Tumulo na ang luhang pinipigilan ni Armando. Sa hinaba-haba ng panahong sila’y babad sa araw at lubog sa putik, isa lang naman ang kanilang hiling: ang makamtan ang lupang búhay nila. “Diyos ko, bakit ba kami nagkaganito?”
Isang payapang hapon sa sakahan, binasag ng ugong ng malaking sasakyan ng senador ang katahimikan, bitbit ang maningning niyang mga pangako. Bunsod ng labis na pagkauhaw sa hustisya, nagmistulang liwanag ng pag-asa ang kasunduang kanyang hatid. Tunay na reporma sa lupa, pag-unlad ng pamumuhay, at wagas na suporta — mga gintong salitang iwinagayway ng senador sa mukha ng mga isang kahig isang tuka, at kanila itong dinakma.
“Deal?” wika ni Sen na siyang sinang-ayunan naman ng mga biktima.
Napahigpit ang hawak ni Armando sa karit na panggapas. Ang mga gintong salita’y pain lamang upang kumagat ang mga magsasaka sa patibong na matagal nang nakalatag.
Ilang linggo ang nagdaan, at sinapawan na ng pagpugak ng malalaking trak ang tilaok ng mga manukan. Lulan ng mga ito ang mga bakal at materyales pang-konstruksyon, pati na rin ang isang batalyon ng mga militar na ngayo’y mamamalagi na raw sa may sakahan. Dulot ng planong modernisasyon ni Sen, sapilitang pinagtanim ng mga ginintuang binhi sina Armando — pabigat lamang sa bulsa, ‘pagkat triple-tripleng pestisidyo at patubig ang kakailanganin.
Walang kaginhawaan; ang kasundua’y pesteng sumisira sa mapayapa nilang sakahan. Winasak ng mga bulldozer ang kubol nilang pahingahan. Dumami pa ang presensya ng militar; industrial zone na raw ang kanilang bayan. Kumonti na ang lupang sakahan, kaya’t napipilitan ang iba na ipagbili ang kanilang mga kalabaw.
Kasabay ng rurok ng paglamon ng mga imprastraktura sa sakahan ang pagdanak ng dugo kahit tirik pa ang araw.
Niyanig ang diwa ni Armando ng alingawngaw ng putok ng baril. “‘Wag niyo pong saktan si Tatay! Tanim namin po itong gulay!” hikbi ng bata. Bang! Bang! Bang! Walang pasinayang kinalabit pa ng armado ang gatilyo ng baril. Kumakalabog at naninikip ang dibdib ni Armando. “Tang’na, anak ata ni Mang Karding ‘yung umiyak!”
Hapon ding iyon nang kumalat ang balita: sa may industrial zone, ang karahasan at kalupitan ng mga nangakong maghahatid ng kapayapaan ay bumawi ng buhay ng lupa at ng isang bata. Pinagmasdan ni Armando ang namumulang kalangitan, nanginginig ngunit mahigpit ang kapit sa kanyang karit.
Oras na upang iwaglit ang kasunduang inilatag sa kanila ng demonyo.