Re-yal or Fa-keh?!

The ‘Main Opposition’ is not Genuinely Opposing

The Manila Collegian
4 min readAug 6, 2024

nina Jo Maline Mamangun at Chester Leangee Datoon

Bilang mga pala-desisyon, bet na bet talaga ng mga Pinoy ang pagle-label sa mga bagay-bagay. Katulad na lamang ni Princess Fiona na ‘di sumipot sa SONA dahil designated survivor daw (pero nag Eras Tour lang talaga), at ang walang katapusang redtagging ng pamahalaan kung saan top one si NFT-ELKAK. Nagsisilitawan na rin ang mga hater kuno ni BabyEmz, at proud silang i-designate ang sarili bilang mga tunay na oposisyon. Ngunit, tulad ng isang relasyon, mahalagang mag-check the label mommies at itanong sa sarili kung makatotohanan ba ang mga bansag na ito; is the main opposition genuinely opposing?

Pinag-aagawang korona sa bansa ang titulong ‘opposition.’ Sa textbook definition nito, ang oposisyon ay kasingkahulugan ng katunggali o kalaban. Ngunit sa isang demokratikong Pilipinas, isang katangian ng true opposition ay ang pagiging boses at bahagi nito ng masa, pati na ng mga minorya. Hindi lang basta sumasalungat ang oposisyon sa mga hindi makataong panukala ng gobyerno, dapat ay malinaw din na ang isinusulong nilang interes ay ang interes ng masa — manggagawa, magsasaka, at ang iba pang sektor na nasa laylayan ng lipunan.

Sa isang administrasyong pinamumunuan at pinamumugaran ng mga panginoong maylupa, dambuhalang kapitalista, at mga tuta ng imperyalistang bansa tulad ng US at Tsina, maituturing na tunay na oposisyon ang mga indibidwal o grupo na tumitindig para sa karapatan ng mga inaapi. Kasama sa pagtindig ang pagpapanibagong-hubog, kung saan iniiwan ang nakaugaliang buhay upang tuluyang mayakap ang uri na kanilang pinagsisilbihan. Kaya naman, hindi maituturing na totoong kakampi ng masa ang mga taong nagpapatuloy sa pakikipagkaibigan at partido sa mga pamilyang minsan nang umutang ng dugo sa mga manggagawa’t magsasaka.

Malinaw dapat at hindi pabago-bago ang tindig ng mga nagsasabing sila’y oposisyon. Kung ang nilalabanan ay ang estadong nagsasawalang-bahala sa kapakanan ng mahihirap at bumubusal sa sinomang magtangkang basagin ang kultura ng panunupil at impunidad, marapat lamang na ang oposisyon ay kasama ng malawak na hanay ng masang anakpawis sa pagsusulong ng tunay na pagbabago.

Subalit, hindi ata nag-look back in the past itong nagpipresentang main opposition. Bagaman kasi na naniniwala silang walang lugar ang redtagging sa demokratikong espasyo ng bansa, sila mismo ay minsan nang nanredtag ng mga progresibong partylist, at nagreklamo pa noon sa COMELEC na i-disqualify ang mga ito dahil parte raw ng CPP. Nakalimutan ata nila na ang pagkakaroon ng ideolohiyang komunismo ay hindi ilegal. Totoo man ang paratang o hindi, ang pagde-designate nang walang kongkretong ebidensya ay gawain ng administrasyong kanilang kinakalaban. Tama ba ‘yon? Oposisyon pero perpetrator din? Posible namang mangyari ito, kung ang administrasyon ay nasa panig ng masa — isang bagay na malabong maganap hangga’t nananatili ang isang sistemang nagsisilbi para sa iilan.

Problematic din ang tindig ng tinaguriang lider ng ‘oposisyon,’ na miyembro rin at tagapangulo pa nga nitong pool party na nagse-self-designate. Kilalang advocate ng búhay at karapatang pantao ang senadora ngunit hindi ito ganap na hinog para tumindig laban sa ginagawang genocide sa mga Palestinian. Habang nananalangin ang senadora ng kapayapaan at proteksyon sa mga bata, sa kaniyang solidarity message sa anibersaryo ng independence ng Israel, ay hindi malaman ng mga batang Palestino kung paano sila payapa at ligtas na makahihimbing sa gabi. Nananatili ang lider ng oposisyon sa gitna — kung saan ligtas sa mga posibleng batikos. Buti pa ang senadora, nasa safe zone.

Kahit sa laban ng mga tsuper ng dyip para ihinto ang programang modernisasyon na magtatanggal ng kanilang kabuhayan, nasa kabilang panig ang senadora. Tila kinarir na niya ang pagiging oposisyon, dahil sa lahat ng senador, siya lamang ang hindi pumirma para ipatupad ang isang resolusyong pansamantalang maghihinto sa pagpapatupad ng programang ito. Subalit, hindi ganito ang tunay na kahulugan ng pagiging isang oposisyon.

Ang isang indibidwal o grupo na tunay na tumututol sa mga patakaran ng pamahalaan na nagpapahirap sa mamamayan ay dapat sinusuri nang maigi kung ang isang resolusyon ay may pakinabang ba sa laban ng masang api. Sa kaso ng Senate Resolution №1096, na pansamantalang nagsususpinde sa modernisasyong nagpapahirap sa mga tsuper ng dyip, the opposition is not really opposing.

Sa malawak na pagtingin, mas maituturing pa na oposisyon ang mga binabansagan ng pamahalaan bilang terorista. Malinaw ang tindig nila hinggil sa mga isyung nagpapahirap sa mamamayan. Sa patuloy nga nilang pagsasagawa ng mga kilos-protesta — halos linggo-linggo at ‘di nakalilimot sa mga espesyal na araw tulad ng Mayo Uno — hindi na mawala-wala ang pamba-bash ng mga motoristang ipit sa pagbagal ng trapiko. Panay reklamo na lang daw ang mga raliyista, pero sa totoo lang ay malaki ang ambag ng mga reklamong ito sa pagpapaabot at pagkakamit ng mga hinaing ng masa.

Kaya dapat ay maghinay-hinay sa pagde-designate, dahil ang bawat designasyon ay may kaukulang responsibilidad o kahihinatnan. Hindi lahat ng nagsasabing oposisyon ay tunay na nangangalaga sa masa, at ang mga nande-designate sa iba bilang terorista, madalas, sila pa mismo ang totoong naghahasik ng ligalig sa lipunan.

Malaking hamon ang pagiging oposisyon, lalo pa’t patuloy na humaharap ang mga Pilipino sa mga pangakong napapako at sa mga paglabag sa kanilang mga karapatang pantao. Unti-unti na silang nagsasawa sa mga matatamis na salitang pagbabago ng mga pulitiko, at dumarami na rin ang mga nag-iisip nang kritikal, binubusisi kung tunay bang interes ng nakararami ang isinusulong ng mga ito. Kaya kung itinuturing ang sarili bilang bahagi ng oposisyon, doble-kayod ang kailangan upang ito’y patunayan.

Sa kaso ng ‘main opposition,’ RE-YAL na hindi pa nila lubos na naisasabuhay ang binabansag sa sarili. Hindi maituturing na pangunahing oposisyon ang mga taong hindi humahanay sa masa at walang pinagkaiba sa kanilang nilalabanan: nakikibahagi sa mga salot sa lipunan, lumuluha ng crocodile tears, at nanggigipit ng mga tunay na oposisyon.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet