Third Most Favorite: Isang Pagsusuri sa Middle Child Syndrome
ni Kristian Timothy Bautista at Jo Maline Mamangun
POV: Sa mga magkakapatid, si “A” ang panganay at si “C” ang bunso. Ikaw naman si “B”. Isa kang middle child, at walang nagmamahal sa’yo.
Iyak na lang sa gedli pero isa itong tunay na karanasan sa pamilya. Si panganay ang star, while ang bunso ang favorite ng lahat. Ikaw na nasa gitna, kinulang sa haplos at walang ibang kasangga kundi ang sarili; wala kang choice but to become an independent person — a positive trait for some, but not always a good feeling. Pero, “B”ih, hindi ka nag-iisa. Kasama mo ang mga nagsisimula rin sa ‘B’ ang pangalan sa pagsuong sa hindi patas na trato sa loob ng bahay.
Caught in the Middle
Tampok sa midya ang mga personalidad na middle child. Para kay Bobbie ng “Four Sisters and a Wedding”, aanhin ang pagiging communications manager sa New York when Mama has her favorites. Ganyan din kay Bryan ng “Seven Sundays” na business manager, na hindi makasundo ang kanyang kuya at bunsong kapatid na mas pinapaboran; ang kanyang successful life ay siya ring sumbat laban sa kanya. Nasa DCU (Direk Cathy Universe) rin si Bettina ng “Can’t Buy Me Love” na itinakwil ng socialite family dahil sa socialite scandal; iniwan sa US dahil “strong enough” naman daw. Maski sa Hollywood, nariyan sina Lisa Simpson, Alex Dunphy, Missy Cooper — mga kayang tumayo sa sariling paa, pero may resentments sa pamilya.
Hindi katakataka kung bakit maraming nakaka-relate kina Bobbie Salazar, Brian Bonifacio, at Bettina Tiu sa social media dahil sa katangiang taglay ng mga tauhang ito na sumasalamin sa karanasan ng pagiging middle child. Kalat sa social media ang penomena ng Middle Child Syndrome kung saan naiiba ang pagtrato ng magulang sa anak dahil siya’y panggitna.
Isa sa karaniwang pattern sa mga middle child ang pagiging matalino o mahusay sa kanilang larangan. Kailangan nilang maging stellar academically or capitalistically bilang kapalit sa kakulangan ng parental affection. Nakakaramdam din sila ng invisibility sa loob ng pamilya, kaya’t nagiging mapag-isa dahil dama nilang hindi inuuna ang kanilang pangangailangan.
Sinasabi pa ng iba na may calling silang maging social glue — tagapamagitan sa mga kapatid sa tuwing sila’y nag-aaway. Dahil dito, maaari silang matutong maging sensitibo sa damdamin ng iba at sarili — ’wag na lang itong ilabas pa kung hindi rin naman makakatulong. Malas na lang kapag sila na ang naging target ng away. Sa kabilang banda, karaniwan din silang nagiging black sheep, rebelde, o problem child. Dahil nga independent sila, sila ang mas prone maging bulakbol, lagalag, basag-ulo.
Ayon sa “Birth Order Theory” ni Alfred Adler, naiimpluwensyahan daw ang ugali ng isang tao batay sa kung pang-ilan siya sa magkakapatid. Ang mga middle child ay inaasahang lumaking attention seeker o people pleaser, pero sila rin daw ay adaptable sa krisis ng buhay dahil hindi nabigyan ng special treatment. Subalit, ayon sa kontemporaryong pananaliksik, mahina lamang ang koneksyon nito sa buong pagkatao ng isang tao.
Gayunpaman, nananatili pa ring makabuluhan ang Middle Child Syndrome dahil sa iba’t ibang sosyo-ekonomikong sanhi. Nariyan ang resource allocation, kung saan kapag nagipit ang isang pamilya, mas bibigyang prayoridad ang inaasahang agarang tutulong — ang panganay. Kaakibat nito ang epekto ng cultural expectation — nakakabit ang responsibilidad sa kung pang-ilang bilang ang anak.
Literal na matatagpuan ang mga middle child sa gitna — sa gitna ng mga nagtatalo nitong kapatid, ng mata ng midya, at ng iba’t ibang salik na nagbibigay manipestasyon sa pag-iral nito.
In the Middle of It All
Sa gitna ng lahat, umuugat ang paghubog sa isang middle child sa paraan ng pagpapalaki sa kanya. Madalas itinatakda ng magulang ang kursong tatapusin ng anak. Kahit mangarap kang maging filmmaker, pipilitin kang mag-engineer dahil naroon daw ang kita. Dahil sa mahirap na estado ng lipunan, pabor sa mga hindi mayamang magulang ang mga kursong makakapagbigay ng malaking salapi, kaya walang choice ang mga bata kundi sundin ito.
Habang dala ng panganay ang responsibilidad na makapagtapos kaagad para makatulong sa pamilya, ang bunso naman ay medyo nakakaluwag-luwag dahil pwedeng secured na siya sa kanyang mga kapatid na magtatrabaho. Sa mga middle child, ina-assume na dapat alam na nila kung paano susundin ang yapak ng panganay.
Bilang independent, mediator, o black sheep ng pamilya, maaaring tanggapin ng isang middle child ang ganitong sitwasyon para iwas sa gulo. Pero maaari ding putulin na nila ang intergenerational trauma at hindi na ito iparanas pa sa magiging anak. Subalit, malaking hamon pa rin sa mga anak na panatilihin ang kanilang koneksyon sa pamilya anuman ang kanilang nararanasan.
Isa rito ang pagturing sa mga anak bilang investment, kung saan sila naman dapat ang mag-aalaga sa magulang pagtanda — ibalik sa magulang ang ginastos sa anak, kumbaga. Dahil dito, nakukulong ang mga anak sa pagsasaalang-alang sa kanilang magulang habang gumagawa sila ng sariling kinabukasan. Kaya maaaring maging sanhi ng pagtatanim ng sama ng loob sa mga anak ang ganitong pananaw, lalo na kung toxic ang kanilang tahanan.
Ang mga pang-ekonomikong puwersang nanggigipit sa pamilya tulad ng mahal na gastusin at limitadong job opportunities ang nagtutulak sa mga magulang para kumayod kada araw o mangibang-bayan. Nagreresulta ito ng kawalan ng sapat na oras na natatanggap ng mga anak. Maririnig ito sa mga kwento ng mga anak ng OFWs, na may hinanakit sa kanilang mga magulang dahil mas malaking oras pa ang nagugugol nito sa pag-aalaga ng anak ng ibang tao.
Apektado rin ng pagkakayod-kalabaw ng lahat ng magulang ang oras na nailalaan sana sa pagba-bonding kasama ang kanilang mga anak. Sa gitna ng laban para sa pang-araw-araw na kabuhayan, madalas na napapalampas ang mga pagkakataong maglaan ng totoong quality time para sa inaasam na ginhawa.
Makikitang umuugat ang pagpapalaki ng anak sa kung anong lipunan mayroon ang Pilipinas. Sa pag-usbong ng kapitalismo, tumindi ang pressure sa mga magulang na magtrabaho nang husto upang mapanatili ang kabuhayan ng pamilya, sa kabila ng maaaring dulot na kawalang sapat na oras sa anak. Nagtatanim ang kapitalismo sa isip ng tao ng material success, kung saan kapag marami kang ari-arian ay angat ka sa buhay, at konsumerismo na tumutukoy sa pagkonsumo ng mga produkto at serbisyo na labas na sa pangangailangan. Ginagawa silang maluho ng kapitalismo, at nagluluwal ito ng mga anak na pasan ang mabigat na expectation sa kanilang pag-aaral o pagtatrabaho, at mga magulang na nakararamdam ng guilt dahil hindi nito lubusang mabigyang-atensyon ang anak.
Isinusulong ng kulturang umiikot sa kapital ang indibidwalismo, na nagpapahalaga sa mga personal na kagustuhan ng isang tao. Pinapalakas nito ang mga umiiral nang kaugalian sa bansa tulad ng pagtatangi sa sariling interes at patuloy na kompetisyon. Sa gayon, magreresulta ito sa mas matinding tensyon at hindi pagkakaunawaan sa loob ng pamilya, partikular sa pagitan ng magulang at anak.
Maraming isyu ang malulutas ng pagkakaroon ng patas na trato sa loob ng bahay. Mapapanatili nito ang magandang ugnayan sa pagitan ng magulang at anak nang walang sama ng loob na maaaring lumitaw. Magbibigay-daan ito para tuluyang mabasag ang Middle Child Syndrome at ang kulturang nagpapalala rito. Sa huli, magluluwal ito ng mga anak, middle child man o hindi, na may sapat na pagmamahal na matatanggap.