BALITA | TL;DR: Hinaing ng mga mag-aaral ng UPM, idinaan sa dayalogo
Ni Jo Maline Diones Mamangun
Nakipagdayalogo ang mga lokal na konseho ng University of the Philippines Manila (UPM), sa pangunguna ng League of College Student Councils (LCSC), sa administrasyon ng UPM kahapon, Nobyembre 23. Dumalo sa naturang pag-uusap sina UPM Chancellor Carmencita Padilla at Vice Chancellor for Academic Affairs Nymia Simbulan. Pangunahing layunin ng naturang dayalogo ay muling iparating ng mga mag-aaral ang kanilang mga hinaing at maihapag ng UPM admin ang naging tugon nila ukol dito.
Panawagan ng sangkaestudyantehan
Dahil sa kinakaharap na sitwasyon ng bansa sa gitna ng pandemya at hagupit ng mga nakaraang bagyo, nagkaisa ang mga mag-aaral ng UPM sa kanilang mga panawagan, hindi lamang sa pamunuan ng unibersidad, kundi pati sa gobyerno. Una rito ay ang pagpapanagot sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naging kapabayaan nito hinggil sa pandemya at mga nakaraang bagyo. “Act Now or Step Down,” ang naging sigaw ng mga estudyante.
Ayon kay Samuel Madriaga, kinatawan ng College of Allied Medical Professions (CAMP) sa LCSC, kailangan ng mga sistematikong solusyon sa mga problema ng mga mag-aaral. “The first call of the student councils is for the admin to recognize the urgency for a systemic solution to solve the students’ needs,” saad ni Madriaga.
Ipinanawagan din ng LCSC sa UPM admin ang pag-implementa ng polisiya na nagbabawal magbigay ng bagsak na grado sa mga estudyante. “Adjust [the] current grading system, as it is not reflective of the students body learning. Formative assessment is a much better mode of assessment,” paglalahad ni Sofia Teodoro, representante ng CAMP Student Council (SC).
Nanawagan naman ng “end the semester” at mass promotion ang College of Dentistry (CD). Ayon sa kanilang kinatawan na si Jillianne Santos, dapat na ipasa at bigyan ng grado na “P” ang lahat ng mga mag-aaral ng CD. Dapat din daw na magkaroon ng pagkakataon na mabigyan ng numerical grades ang mga mag-aaral sakaling kailanganin nila ito sa scholarship o paglipat sa ibang kurso.
Ito rin ang giit ni College of Arts and Sciences (CAS) SC Chairperson Harlon De Roca hinggil sa pagbibigay ng grado sa mga estudyante. Dagdag pa nito na dapat kanselahin na ang mga nakabinbin pang gawain akademiko ng mga mag-aaral. Umapela si De Roca sa UPM admin na pakinggan nito ang hiling mga estudyante at isulong ang kanilang mga karapatan.
Samantala, kinilala naman ni Prince Turtogo, Chairperson ng UPM University Student Council (USC), ang pagsisikap ng mga konseho sa pagbuo ng mga panawagan para sa kapakanan ng mga mag-aaral. Binanggit din ni Turtogo ang pagkakaroon ng donation drives ng mga kolehiyo, hindi lamang para sa mga kasapi nitong nasalanta, kundi pati na rin sa mga biktima ng nagdaang mga bagyo sa gitna ng pandemya.
Pinaliwanag ni Turtogo ang bigat na dala sa estudyante ng mga gawain na kailangang ipasa sa gitna ng sunod-sunod na trahedya. “Requirements are actually affecting the overall well-being, [and] mental health of students. Hindi lang yung kanilang needs ang kanilang iniisip, pero ang kanilang compliance to many requirements, which is double to regular classroom setup,” ani Turtogo.
Bagamat naniniwala ang USC na ang pinakamabisang paraan ng pagkakaroon ng klase ay face-to-face (F2F), hindi pa rin daw nila kinaliligtaan ang mga problemang kinakaharap ng admin upang maging matagumpay ang pagpapatupad nito.
“On our end, the UPM USC and the rest of the SCs genuinely seek proactive response and support of the admin in order for us to serve the Filipino better,” pagtatapos ni Turtogo.
Tugon ng UPM Admin
Sa simula ng pag-uusap sa pagitan ng LCSC at UPM admin, pinasalamatan ni Padilla ang mga dumalo sa nasabing dayalogo. Dagdag pa ng chancellor na hindi naging madali ang mga pagsubok na dumating sa nakaraang walong buwan at iba’t ibang pagsasaayos ang kinailangang gawin ng lahat.
“The challenge is personal, but at the university level, the first challenge is to continue the semester and for people to graduate. We are an academic institution. Next semester is the next challenge,” paliwanag ni Padilla.
Ayon kay Padilla, kailangang isaisip ng mga estudyante na bahagi ang UPM ng isang sistema, ng mas malaking UP System. Kasalukuyan daw silang nakikipanayam kay UP President Danilo Concepcion sa kung ano ang magiging tugon ng unibersidad sa mga naiulat na suliranin ng mga estudyante ngayong remote learning set-up.
“Hindi ko naman masasalo ang lahat. Kaya kayo [estudyante] ay importante. Hindi ko naman kaya mag-isa. Together, what can we do?,” giit ni Padilla. Sinabi rin niya na ang layunin naman daw ng dayalogong naganap ay para malaman at pag-usapan kung ano-ano ang maaaring gawing hakbang ng pamunuan kasama ang hanay ng mag-aaral.
Iprinisenta naman ni Simbulan ang ulat ng Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs (OVCAA) ang mga aksiyong ginawa ng UPM admin sa mga problemang nabanggit.
“We have enjoined faculty members to make changes to recalibrate their course syllabi, if possible, make adjustments to their requirements, but still consistent with the attainment of the courses’ learning outcomes stipulated in the syllabi,” pahayag ni Simbulan. Dagdag pa nito, inaasahan nilang ang mga guro ay magiging mapagbigay sa mga estudyanteng apektado ng mga bagyo.
Pinunto naman ni Dr. Bleslie Mantaring, UPM Office of Student Affairs (OSA) Director, na 144 gadyets na ang naipamahagi sa mga nangangailangang estudyante, sa tulong ng alumni ng unibersidad. Nakalagay din sa ulat ni Mantaring na mayroong Php 20,000 ang nakalaan sa Kaagapay program para sa pambili ng gadgets ng mga mapipiling estudyante.
Hinggil sa usapin ng mental health, sinabi ni Padilla na kasama sa prayoridad ng admin na tugunan ang mga suliranin ng mga mag-aaral kaugnay nito. Batay sa ulat ni Mantaring, nagsagawa ng 18 “Kumustahan sessions” ang mga guidance counsellor na dinaluhan ng mahigit 1,160 estudyante.
Kaugnay naman pagkakaroon ng F2F na klase, ipinaliwanag ni Simbulan na naghihintay pa rin daw sila ng desisyon mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) sa hiling ng buong UP system na magsagawa nito.
Patuloy na pagsusulong ng #EndTheSemUP
Bago pa man maganap ang dayalogo, isinusulong na ng iba’t ibang organisasyon, hindi lamang mula sa UPM, kundi pati na rin sa ibang kampus ng UP, ang panawagan na tapusin ang semester at ipasa ang lahat ng mag-aaral.
Sa datos ng UPM CASSC, mahigit 1000 indibidwal na ang pumirma sa petisyong isinagawa ng Voice of the Freshies UPM na naglalayong tapusin ang semestre.
Ayon sa CASSC, ang panawagang tapusin ang semester ay hindi lamang bunga ng mga problema ng pandemya at mga nakaraang bagyo, kundi pati na rin ng kabuuang sitwasyon ng edukasyon sa bansa. Ang kapabayaan ng administrasyong Duterte na tugunan ang pangangailangan ng sektor ng edukasyon ang numero-unong nagtutulak sa mga estudyante na tapusin na ang semester.
“With special heed to the context of the country’s social and economic conditions, we push for ending the semester as the most encompassing and humane view… We must also answer to the calls beyond the four corners of our gadget screens: unite our struggle with that of the broad masses, denounce the Duterte regime’s overbearing criminal negligence, and continue to reject the imposition of a “new normal” that is imbued with state neglect and systemic repression,” pahayag ng CASSC.
Matapos maipresenta ng mga grupo ang kanilang panig, sinabi ni Padilla na maghintay lamang ng desisyon mula sa mangyayaring pagpupulong ngayong araw, Nobyembre 24, sa pagitan ng mga constituent university ng UP at ng executive committee. Ihahapag raw dito ni Padilla ang mga nabanggit na hinaing at magsisilbi siyang boses ng mga mag-aaral ng UPM.