I’M A FILIPINA GODDESS
Tungo sa Makabagong Pamantayan ng Ganda
ni Chester Leangee Datoon
Isa na sigurong canon event ng mga bakla ang pagpapantasya rumampa mala Miss Venezuela sa loob ng kwarto suot ang mga pinagtagpi-tagping kumot. Mula sa mga patagong pahid ng kolorete sa mukha hanggang sa pasimpleng suot ng palda ni ate o nanay, hindi maipagkakailang marami ang mga tagong reyna sa ating bansa. Sinasalamin ng naratibong ito ang naging buhay ng Filipina goddess na si Angel Galang — ang “pinakamasarap” na all-out kween sa katawan, kasuotan, at personalidad sa sinasabing ‘best season yet’ ng Drag Race Philippines.
Bilang ‘banal na trans-nene,’ hindi niya kinalimutang iwagayway ang bandera ng pagiging Filipina transgender sa lahat ng pagkakataon sa entablado, laluna sa kanyang liriko sa Slay Accla, isang kanta mula sa Maxi Challenge na parte ng palabas. Sa isinulat na iconic verse ni Angel, lumilitaw ang buhay sa likod ng isang Filipino Goddess — ang mga isyung kinakaharap ng mga trans-nene sa lipunan mula noon hanggang ngayon.
She Ate, She Mothered, She Fought…
Taliwas sa paglobo ng bilang ng mga “trans-nene representation” sa midya, hindi maipagkakaila ang katotohanang hanggang “tolerance” lang ang lebel ng pagtanggap ng maraming Pilipino sa pagkilala ng identidad at karapatan ng sangkabaklaan, laluna na sa mga “transformers” kung kutyain. Bakas ito sa iba’t ibang aspeto ng buhay — karapatang pantao, pansibil, pangkalusugan, at iba pa. Sa araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipinong trans-nene, nakaukit na sa kanilang loob ang pangamba sa tila normalisadong diskriminasyon at dahas — sa loob o labas man ito ng tahanan.
Mabibigyang talinghaga ang ugat ng danas na kinakaharap ng mga trans-nene sa pagkilatis ng namamayaning patriyarkal at macho-pyudal na sistema ng lipunan sa ating bansa. Sa ilalim nito, itinutulak ang pagtatakda ng iisang linya ng pag-iisip, pagkilos, pananalita at pananamit base sa kasarian ng tao, higit lalo pagdating sa kababaihan. Ang mga ‘dapat’ na ito’y hawlang kumukulong sa pagkakakilanlan ng mga tao, na puno’t dulo ng diskriminasyong nararanasan ng mga trans-nene. Sa kadahilanang iba sila sa nakasanayan, nakakintal na sa isip ng marami na isang malaking kasalanan ang pagbalikwas sa mga ito — kaya ganoon na lamang ka-big deal para sa mga oh-so-perfect na Pilipino ang SOGIE SC Bill na naglalayong protektahan ang lahat ng kasarian laban sa diskriminasyon. Sa ilalim nito, nabibigyan ang lahat ng kasarian ng makatuwiran at makatarungang karapatang dapat natatamasa nila.
Isa sa mga biktima ng kawalang proteksyon at pagkakakilanlan si Jennifer Laude. Taliwas sa “Ganda” na palayaw ng trans-nene ang karumal-dumal nitong sinapit sa kamay ng mamamatay-taong si Joseph Scott Pemberton, kasapi ng U.S. Marine na dating nadestino sa Subic Bay Freeport, Olongapo City — parehong lugar kung saan niya tinuldukan ang makulay na buhay ni Ganda.
Ngunit sino nga ba ang bumuo sa kasalukuyang pamantayan ng ganda sa lipunan at bakit kailangang may magdusa’t maabuso nang dahil dito? Kung pamantayan lang din naman ang pag-uusapan, ay makikita ang impluwensya ng patriyarkal na lipunan at imperyalismong US. Dahil sa pagkalulong nito sa pagkamal ng kapangyarihan at kapital, tinatrato ng US at patriyarka bilang commodity ang mga trans-nene — parausan man ng libog o ng pera. Sa ganitong estado, hindi na sila itinuturing na tao, bagkus ay pawang mga materyal na bagay na lamang kung saan ang kanilang halaga ay ikinakahon sa mga buktot na “pamantayan ng ganda” na kadalasa’y sekswal.
Dito umuusbong ang mga bansag sa Pilipinas bilang “AFAM Capital of the World,” na dahil raw sa very beautiful accent at skin natin na kinahuhumalingan ng mga banyaga. Ngunit ang totoo, ang pagkahumaling na ito ay nakaugat sa tawag ng laman para sa isang something unique o exotic na karanasan. Sa tambalang lakas ng pagiging lalaki sa patriyarkal na lipunan at pagiging banyaga sa nanatiling malakolonyal na bansa, umaapaw ang persepsyon ng superyoridad ng mga kagaya ni Pemberton. Kaya, ganoon na lang kadali sa kanila magbuhat ng kamay at karumal-dumal na pumatay ng mga itinuring nilang bagay kung ito’y tatanggi sa pagpawi sa tawag ng kanilang laman.
Lumitaw sa pagkamatay ni Laude ang pagkikibit-balikat ng pamahalaan sa mga isyung may sangkot na dayuhan mula sa bansang pinagpapakatutaan nito. Ang pagpataw ng magaang sentensya kay Pemberton ay nagtanim ng ‘di mapapawing takot sa mga trans-nene sa katotohanang hindi sila tunay na sinasaklaw ng hustiya sa ilalim ng batas. Kung simula’t sapul ay naibasura na rin ang Visiting Forces Agreement (VFA) na naging dahilan kung bakit napunta si Pemberton sa bansa, maiiwasan sana ang kaso ng karahasan ng mga banyagang militar sa ating sariling lupa. Ang kaso ni Laude ay isa lamang sa samot-saring karahasan na patuloy na nadarama ng mga Pilipino malapit sa mga base-militar, trans man sila o hindi.
Hindi lamang banyagang kalalakihan ang umaabuso sa mga trans pinay, kundi mga kapwa Pilipino rin. Hindi ba’t nakapagtataka na kung nasaan ang mga tourist hotspot sa Pilipinas ay naroon din ang trabaho ng mga trans-nene? Bukod sa sekswal na pang-aabuso ay ginagawa rin silang gatasan ng mga nagmamay-ari ng mga negosyong nasa red light district kumbaga.
At dahil nga pawang commodity lamang ang tingin ng lipunan sa mga trans-nene, nabibigyang halaga lang din sila sa mga benepisyong nabibigay nila sa iba, tulad na lang ng kita. Kaya nga sa lipunan, kinamumuhian ang mga trans women at kinutya na “binabae” raw sila, pero kapag sila’y mayaman o nakakatawa ay saka lamang sila natatanggap.
Sa pagbungkal ng mga pesteng ugat na sumusustento sa mga kahirapang danas ng mga Pilipinong trans-nene, makikita ang pangangailangan ng isang holistic approach upang ganap na makamit ang trans empowerment para tuluyang ma-conquer ang lipunang lubos na aakap sa mga kagaya ni Angel at Jennifer.
Ako Naman ang Magbabago sa Pamantayan ng Ganda
Sa patriyarkal at oh-so-heavenly na lipunang Pilipinas, lubhang napakaraming problema ang pasan ng Pilipinong trans-nene. Madalas nagkakaroon ng internal struggles ang mga Pilipinong trans-nene buhat ng mga ugat na nagpapalala sa kanilang danas sa lipunan. Isa na rito ay ang posibilidad ng body dysmorphia kung saan dahil sa kadahilanang hindi sila tanggap ng lipunan, nag-iiba ang pananaw nila sa sarili nilang katawan. Sa halip na mamuhay nang payak at totoo sa kanilang sarili, napupwersa silang gawin ang mga bagay-bagay para lamang sa posibilidad na matanggap ng lipunang ginagalawan nila.
Alinsunod sa konsepto ng puwersa, nariyan din ang mga irasyunal na dress code ng iilang paaralan na pinipigilan ang mga mumunting trans-nene na magsuot ng unipormeng sumasang-ayon sa kanilang gender expression. Sa sapilitang paggupit ng buhok at pagsuot ng uniporme para lamang makapasok sa paaralan, maraming trans-nene ang nawawalan ng gana mag-aral sapagkat manipestasyon ang represyong ito ng pagkasuklam ng lipunan sa kanila. Kung ang bawat patakaran ay may rason, tila ilap makita ang benepisyo ng pagpapairal ng ganitong alituntunin kung ang kapalit nito ay pagtanggal ng kritikal na karapatan ng mga trans-neneng matuto upang lubusang maintindihan ang kanilang mga sarili.
Bukod pa sa aspeto ng pangangatawan, danas din ng mga Pilipinong trans-nene ang kasalatan ng ligtas na espasyo sa mga pampublikong lugar. Sa mga panghihipong nararamdaman ng kani-kanilang balat habang lulan ng mga pampublikong transportasyon, unti-unting ipinagkakait sa kanila ang matiwasay na buhay sa labas ng kanilang bahay. Nagkakaroon din ng kahirapan sa pagrereport ng ganitong uri ng insidente dala ng takot na dama nila sa maririnig na “Eh ginusto niyo naman yan eh,” sa mga taong pagsusumbungan.
Sa mga ganitong uri ng insidente sa araw-araw na buhay ng mga transpinay nakikita ang kahalagahan ng pagbabago ng “pamantayan ng ganda” na sinasabi ni Angel. Maraming porma ng diskriminasyon ang kinakaharap ng mga trans-nene sa lahat ng lugar — publiko man o pribado. Ang mga pariralang ‘pinasakay na lang’ o ‘pinapasok na lang’ ay nagpapakita lamang sa reyalidad ng pagbibigay ng karapatan sa kanila bunsod ng awa, hindi ganap at taos-pusong pagtanggap na dapat sana’y pinoprotektahan ng pamahalaan.
Humanda sa Amats ng Hormones Ko, Kayo’y Magugulantang
Hindi na dapat palaisipan kung bakit gusto ni Angel na “baguhin ang pamantayan ng ganda;” sa buhay na karanasan at mga namumutawing ugat ng kahirapan ng pagiging trans, umusbong ang pangangailangang baguhin ang mga istruktura sa lipunan para bigyan sila ng nararapat na espasyo at buo silang tanggapin ng bawat Pilipino.
Sa pagkamit nito, kinakailangang magkaroon ng sandigan ang mga trans-nene sa bisa ng mga polisiya at batas na magsisigurado’t magpapalawig ng kanilang karapatan bilang isang mamamayan. Kaakibat nito, mahalaga ang tunay at progresibong representasyon ng mga trans na personalidad sa iba’t ibang midya tulad ng ipinakita ni Angel at ng iba pang queens ng Drag Race Philippines. Sa ganitong paraan, nakabubuo ng diskurso na maglalapit ng tunay at esensyal na ideya ng pagiging trans-nene lagpas sa mga isteryotipikal na ideyang dumurungis dito.
Sinasalamin ng mga liriko ni Angel ang naging laban ni Jennifer Laude at ng iba pang trans-nene sa Pilipinas. Sa kanilang mga kwento, tiyak na may pangangailangang bumalikwas ang lipunan sa nakasanayang pamantayan at baklasin ang mga pundasyong nagtatanggal sa kanila ng karapatan. Sa pagkilala sa awtonomiya ng Pilipinong trans-nene sa kanilang sarili at pangangatawan, nararating ng lipunan ang “pagbabago ng pamantayan ng ganda” — isang Pilipinas kung saan taos-pusong tanggap na ng bansa ang mga “Filipina goddesses” ng lipunan.