Tusok-tusok Sa Padre Faura!

The Manila Collegian
8 min readJul 9, 2024

--

ni Justine Wagan

Malayo pa lang ay amoy na ang linamnam ng mga putaheng piniprito sa kumukulong mantika, kaya naman tiyak na dumaragsa ang mga estudyante’t manggagawa sa isang sulok ng lansangan kung saan nakapwesto ang kariton na maghahain sa kanila ng mabilisang panawid-gutom. Sa tulong ng manipis na pantuhog, malaya ang sinuman na sumundot ng sari-saring piranggot ng mga ‘pagkaing kalye’ kung ituring.

Ngunit sa kwadrado ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila (UPM), tila ibang konsepto ng tusok-tusok ang namumutawi. Sa pagkakataong ito, ang manipis na kahoy na panuhog ay pinahaba’t pinataba; ang dinudutdot ay hindi na pagkain bagkus mga gamit ng mag-aaral. Hindi piniprito, hindi kinakain, at mas lalong hindi ipinagbibili bagkus ay kinukunutan lamang ng noo — ang tusok-tusok na ito ay ang pandudutdot ng mga guwardiya sa bag ng mga estudyante sa tuwing papasok ng pamantasan. Sinong mag-aakalang nakatuhog din pala ang lahat ng suliraning kinakaharap nilang mga gwardiya?

Maalinsangang Lansangan

Umulan man o bumagyo, hindi mawawala sa alinmang sulok ng UPM at Philippine General Hospital (PGH) ang mga guwardiyang tagapagbantay ng seguridad at kapayapaan nito. Alinsunod sa sinumpaan nilang tungkulin, nararapat silang maging matapat sa isip, salita, at gawa sa pagprotekta ng buhay at ari-arian ng kanilang nasasakupan — ang UPM-PGH, ngalang nakatatak din sa likod ng kanilang uniporme.

Nagmimistulang matanglawin ang mga guwardiya sa talas ng kanilang paningin sa mga nagbabadyang panganib. Sa araw-araw nilang pagtatrabaho, kasangga nila ang patpat na ginagamit sa pagsusuri at pagsasala ng mga gamit na pumapasok sa pamantasan. Ayon sa sabi-sabi, nagsimula raw ang penomenang ‘tusok-tusok’ sa College of Arts and Sciences (CAS) simula noong may estudyanteng nagnakaw ng projector sa isang klasrum. Dagdag pa rito ang pagnanakaw sa metro ng tubig ng UPM Dorm kamakailan lamang. Pero ang tunay na nagpahigpit ng seguridad sa UPM ay ang direktiba ng administrasyon ng UP System nang nagkaroon ng pambobomba sa Mindanao State University (MSU) gymnasium sa Marawi City, Lanao del Sur noong Disyembre 2023.

Subalit, ang labis na pagtutusok-tusok ng mga gwardiya ay nagdudulot sa halo-halong hinaing ng mga estudyante.“‘Kala mo may mali ka nang ginawa kahit wala. They could be nicer,” giit ni Junior* na pumapasok sa CAS para sa kaniyang general education courses. Ayon naman kay Heart* ng BA Political Science, “May time na todo dutdot sa bag ko, eh andoon ‘yung laptop ko. Tapos minsan, lahat ng pouch pinapa-open.” Malinaw na nanganganak ng negatibong persepsyon ang pandudutdot ng gamit ng mga guwardiya.

Sa mas positibong komento, idiniin ni Emily* ng BA Organizational Communication ang kahalagahan ng tusok-tusok. “Keri lang for safety kasi may mga dangers talaga sa security natin,” aniya. Hindi raw dapat pagbuntungan ng galit ang mga guwardiyang ginagawa lamang ang kanilang trabaho. Ang mga banta sa seguridad gaya ng nakawan at posibleng mga bomb threat ay sapat na upang maintindihan ang mas pinahigpit na pagtatanod ng mga guwardiya, dagdag niya.

Ang mano-manong pagtusok sa mga bag ay manipestasyon lamang ng salat na pondo at suporta para sa mas maayos na kagamitan sa pagbabantay ng seguridad sa pamantasan. Kung tutuusin, isa lang din ang mga guwardiya sa milyon-milyong manggagawa na naghahanapbuhay nang marangal. Hindi lamang ang buhay ng estudyante ang kanilang responsibilidad, dahil sa oras na bitawan nila ang kanilang panusok, dakma ng kamay nila ang mas mabibigat na pasanin sa buhay — ang tungkulin bilang ina, ama, asawa, at anak.

Matilamsik, Nakalalapnos

Kung ikukumpara ang mga pagsubok ng buhay sa kumukulong mantika ng tusok-tusok, uring manggagawa ang pangunahing napupuruhan sa lapnos ng mga tilamsik nito.

Kahit kalahating dekada na ang inialay ni Maria* sa UPM-PGH bilang guwardiya, ramdam pa rin niya ang matinding pagod sa araw-araw. Giit niya, “Minsan toxic talaga dito lalo na pag andoon kami sa pedestrian [CAS Gate].” Bukod sa mahigit walong oras na pagtatrabaho, problema niya rin ang mahigit isa’t kalahating oras na biyahe papuntang UPM at pauwi sa kaniyang tinitirahan sa Cavite. Bago pa man makapasok sa trabaho, kalbaryo na ang hinaharap ni Maria sa pagbyahe dahil sa trapiko at bulok na sistema ng transportasyon sa bansa.

Kaakibat ng pagkokomyut ang matinding init na matagal nang tinitiis ng mga guwardiya. Dama ito ni Arman* na madalas nagtatrabaho sa nakalalawit-dilang tirik ng araw. Sa walong taon niyang paglilingkod sa UPM-PGH, dalawa na sa limang mga anak ang kaniyang napagtapos sa pag-aaral, ngunit patuloy pa rin ang kaniyang pagkayod para sa tatlo pang anak na binubuhay. Sa ilalim ng itim na arm sleeves ni Arman nagtatago ang makakati at mapupulang bungang araw na dulot ng kaniyang pagtatrabaho sa initan. Ngunit sa kabila nito, hindi siya makikitaan ng anumang daing dahil aniya, “Normal lang ‘yang mga ‘yan, tuloy ang laban para sa pamilya.”

Kung iisipin, isa lang ang dahilan kung bakit sa kabila ng daan-daang pasanin ng mga manggagawa ay patuloy silang lumalaban — ang sweldo, kahit kakarampot. “Kung papasok ka [nang] 12 hours, gigising ka nang maaga na pagod, papasok ka pa, ta’s uuwi ka na namang pagod. Eh kung 8 hours, kulang. Pano kung nagpapa-aral ka pa?” madamdaming sambit ni Mark*. Bilang saktuhan lang ang sinasahod nila, napipilitan ang mga guwardiya na mag-overtime para kahit papaano, may kaunting dagdag sa pantustos sa araw-araw na gastos. Kung hindi kakayanin, ayon naman kay Arman, ay gumagawa na lang sila ng paraan upang may maihain sa lamesa — pangungutang at pagsasanla ng ATM Card. Aniya, “Walang guwardiyang hindi nangungutang. Sa isang daang guwardiya, bente lang ang hindi nangungutang.“

Sa paghukay ng ugat ng sanga-sangang problema ng mga manggagawa, ang nakatataas na siyang may kapangyarihan ang laging may pananagutan — sa kasong ito, ang mga tagapangasiwa ng UP Manila at ang mga ahensya na kinakaltasan pa ang kanilang sahod. Sa prestihiyosong unibersidad na ito minumulat ang mga mag-aaral tungkol sa mga karapatan na dapat ipaglaban. Isang kabalintunaan na pilit na itinatatak sa mga mag-aaral ang mga prinsipyo ng husay, dangal at serbisyo, pero mismong unibersidad ay mailap sa mga benepisyo at pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa nito.

Kasama na rin dito ang patuloy na pag-budget cut sa UP. Kung batayang pangangailangan tulad ng mga klasrum nga ay nagkukulang, mas lalong ramdam ng mga manggagawang gwardya ang tapyas sa pondo.

Sa lala ng sistema, kinailangan ang kapanganakan ng isang ugnayan na poprotekta sa mga manggagawa ng sinasabing pinaka-prestihiyosong pamantasan sa Pilipinas. Itinatambol ng UP Salary Fight Network (UPSFN) ang sigaw ng mga manggagawa para sa makatarungang pagpapasahod at pagtutuwid sa baluktot na iskema ng mga opisyales ng UP. Mariing kinokondena ng ugnayan ang kulang-kulang na benepisyo ng mga manggagawa, kontraktwalisasyon, at walang kamatayang isyu ng pagkaantala ng sahod. Kung danas na ng mga propesor at iba pang propesyonal ang ganitong kabulok na sistema ng unibersidad, paano pa ang maliliit na manggagawang nakaasa ang buhay sa buwanang sahod nila?

Sa mas malawak na perspektiba, ang mga nakababahalang hinaing ng mga guwardiya ay bunga rin ng kabiguan ng gobyerno na magbigay ng nakabubuhay na sahod. Ayon sa ulat ng IBON Foundation noong 2024, ang Php 610 na karaniwang minimum wage nga mga nakatira sa National Capital Region ay malayo sa tinatayang Php 1192 na family living wage na siyang sapat lamang upang bumuhay ng isang payak na pamilya sa sentro. Ang nangangalahating agwat na ito ay naglalarawan kung gaano katindi ang pagbaluktot ng mga manggagawa sa pilit na pinaiiksing kumot ng gobyerno.

Tuhog na Nagbibigkis

Ang mga guwardiya ay gabay sa maayos na ritmo at daloy ng unibersidad. Sila ang nagpoprotekta sa komunidad ng UP Manila (at nag-aalaga sa mga pusa ng unibersidad). Hindi sila pawang mga dekorasyong nakatayo sa mga lagusan ng pamantasan, bagkus ay aktibo silang kaisa tungo sa pagiging inklusibo at ligtas nito. Sa katotohanang ito lumilitaw ang pangangailangang tugunan ang mga hinaing at paghihirap ng mga manggagawa.

“Ako wala akong lapagan. Ang ginawa ko, humingi ako ng lagayan ng dugo, ng ice box, nilapag ko dun [ang bag].” Sa pahayag ni Arman, nanunuot ang pait ng katotohanang salat sa suporta ang mga gwardya ng UPM-PGH. Aniya, dukot sa sarili nilang mga bulsa ang mga gamit na kailangan nila sa pagtatrabaho gaya ng electric fan at uniporme. Habang malaking ginhawa ang pansamantalang pagpalit ng pang-itaas na uniporme kontra sa matinding init, hiling nila’y ibigay na lang sana ito nang libre.

Bukod rito, sigaw din nila ang hiling na makalaya sa tanikala ng security agencies. Ayon kay Mark, “Tanggalin na ang agency. Sa P40,000 na sahod, P25,000 lang ang napupunta sa’min.” Sa guwardiya ang kahig, sa nakatataas ang tuka — ganito nila ilarawan ang lagay ng buhay ng manggagawa sa presensya ng agencies. “Sila nakaupo lang dun, kami delikado pa kami rito. Minsan ang ibang agency, ‘pag napapahamak kami, hindi kami tinutulungan,” ani Arman. Sa ganitong kalakalan, hindi maipagkakailang mga guwardiya ang lugi. Ang hiling nila, kung ano ang kanilang iprinito, sila rin sana ang tutusok at makikinabang.

Kailan man, hindi mapagagaan ng mga irap at kunot-noo ang bigat na pasanin ng mga guwardiya at iba pang manggagawa. Walang mahirap sa pag-unawa’t pakikipagkapwa-tao. Kaya sa kabila ng mga tila nakakaabala nilang tusok-tusok, mahalagang mapahalagahan din ang pagiging instrumento ng mga guwardiya bilang tuhog na nagbibigkis sa komunidad — umaantabay, umaalalay, at pumoprotekta.

Hindi lang dapat naaalala ang kanilang halaga sa tuwing tayo’y naliligaw at nawawalan, bagkus dapat idikit na ang kanilang diwa sa kagandahan at kapayapaan ng pamantasan. Ang sama-samang lakas ng mga manggagawa ang puwersang tumutulak paabante sa lipunan. Ito ay maihahambing sa kung paano umiikot ang pedal ng UPM-PGH sa bigat ng padyak ng mga tauhan nito — mula sa grupo ng kaguruan hanggang sa mga kusinero, janitor, at mga guwardiya.

Sa Susunod na Salang

Mangingitim at mangingitim ang mantika — ang araw-araw na tusukan ay magreresulta sa pangangailangan ng pagbabago. Sa susunod na salang, dapat na isaalang-alang ang mga tilamsik ng nakaraan tungo sa kinabukasang tatangan sa pangangailangan ng sambayanan. Gayon din sa kuwento ng mga guwardiya, nararapat na humalaw ng solusyon sa tunay na danas at hirap nila.

“‘Yung iba porket security guard kami, mamaliitin kami. Nasa’n yung pagiging makatao nila samin? Minsan wala na e. Tinatapakan na kami.” Emosyonal na pahayag ni Mark. Naturingan mang tagapagtanggol ng masa ang mga guwardiya, mismong karapatan nila bilang manggagawa ay walang proteksyon maski sa unibersidad na tinitingala ng kalakhan.

Patuloy ang panawagan ng mga guwardiya ang pagtamasa sa sapat na kagamitan, makataong kondisyon ng trabaho, at higit sa lahat ang pagbabasura sa mga security agency na kumakabig ng kanilang benepisyo. Ang katuparan sa mga ito ang magsisilbing panulak sa matagal nang nakabarang paghihikahos sa dibdib ng mga guwardiya. Sa malaking banta ng seguridad sa gitna ng kabihasnan, mabigat ang gampaning pasan sa likod ng mga guwardiya. Kaya naman, hindi makatarungan ang kakulangan sa kanilang benepisyo at kakarampot na sahod.

Ang danas ng mga guwardiya ng unibersidad ay hindi hiwalay sa danas ng manggagawang Pilipino na patuloy pa ring humaharap sa mapang-abusong lagay ng trabaho at hindi makataong sweldo. Kaakibat nito ang patuloy ding paglaban ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod at pag-aalsa sa pamamagitan ng mga unyon.

Ang panusok na dumudutdot sa kagamitan ng sangkaestudyantehan ay ‘di hamak na mapurol kung ikukumpara sa talas ng tagos-pusong mga saksak na nagpapahirap sa buhay ng mga guwardiya at iba pang manggagawa.

*Minarapat ng mga panauhin na hindi gamitin ang tunay na pangalan.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet