Unboxing Kanal Humor: Anong Entry Mo?
nina Joanna Honasan, Bea De Guzman, Jhuztine De Jesus, at Raxon Reyes
“Maganda ka ba like me? Ows! Mahusay ka ba, tell me? P*tang*na mo, b*tch mang-aagaw ka! Sariling boyfriend ko inaangkin mo na.” (Gagong Rapper, 2009) — kemeeee! May pa-APA citation pa?!
Aminin, kinanta mo rin ‘yan nung jeje days mo pa, ‘no? Core memory talaga ng public school gurlies ang tugtugan ng Hambog ng Sagpro Krew at Gagong Rapper. Syempre, saulado ang lyrics, lalo na ‘yung mga kaklase mong nagpapaikot ng tig-Php 25 scarf na panyo, o ‘di kaya ‘yung mga plakado ang pulbo at liptint! OG Chicana ‘yarn?
Hindi rin magpapatalo ang mga nag-iinumang bumabanat ng “Tats… by tats… you’re my all time lover!” sa videoke matapos tumungga ng Red Horse. Nariyan din ang mga nanay na nagkukumpulan sa tindahan sa may creek — all hail the Sangguniang Marites, source ng latest chika!
Iyan ang larawang pasok sa stereotypes ng kulturang pinagmulan ng salitang kanal, na siyang nagluwal na rin sa kanal humor na tampok ngayon sa social media.
Ugat ng Salitang Kanal
Sa pangkalahatang kahulugan, ang kanal ay tumutukoy sa isang daluyan ng tubig — malinis man o hindi — mula sa loob ng kalupaan hanggang sa malawak na katubigan. Ngunit sa kontekstong Pilipino, ito ay agusan ng tubig at dumi mula sa siksikan at tabi-tabing mga kabahayan.
Marahil nakaangkla sa kanal ang salitang ‘marumi’, sapagkat nagiging daluyan ito ng maruming tubig na puno ng basura at pugad ng mga hayop na nagdadala ng sakit. Gayunpaman, mahalaga ang ginagampanang papel ng mga kanal sa Pilipinas. Kung walang kanal, mas magiging madalas ang pagbaha sa mga komunidad.
Kadalasa’y may negatibong konotasyon ang ‘kanal’ bilang pang-uri. Halimbawa, ang ‘ugaling kanal’ ay nauugnay sa mga termino tulad ng ‘ugaling kalye’, na nagpapahiwatig ng kawalang ‘delikadesa’, o hindi pagiging mahinhin at disente makitungo. Kaya naman, kapag ang isang tao ay prangka, maangas, palamura, o bulagsak magsalita, itinuturing siyang may pananalitang kanal, kalye, o kanto.
Ngunit anyare’t biglang nag-180° switch ang pagtingin ng karamihan sa salitang kanal?
Kanal Humor bilang Sosyolek
Sa lenteng sosyolinggwistika, nabibigyang-linaw ang pagkakapalit-palit sa kanal, kalye, at kanto, bunsod ng relasyon nito sa antas sa lipunan ng isang tao. Ito’y barayti ng wika — isang sosyolek — na umusbong mula sa maralitang komunidad sa Pilipinas.
Ang salitang kanal ay kawangis ng salitang balbal, na kakikitaan ng pagbabaliktad ng titik o pagpapalit sa salitang-ugat, tulad ng salitang ‘olats.’ Maihahalintulad din ito sa bekimon na nagmula sa mga miyembro ng LGBTQIA+, mula sa karanasan nila sa lipunan.
Ang sosyolek ay nabubuo mula sa karanasan ng mga pangkat mula sa parehong katayuan sa lipunan, edad, trabaho, at kasarian. Paraan ito ng pagpapahayag ng kanilang kultura at identidad. Kaya naman, malaki ang ambag ng katayuan sa lipunan sa istruktura ng salitang kanal; kumbaga, ito’y manipestasyon ng sari-saring karanasan ng mga maralita sa loob ng mapaniil na sistema.
Prangka, maangas, at may pagmumura ang salitang kanal. Ang brash na paraan ng pagsasalita ay maaaring repleksyon ng kahirapan sa pang-araw-araw na pamumuhay. Tulad ngayong panahong mala-ginto ang presyo ng bilihin at mababa ang sahod, kiber na ang kaartehan; ang mahalaga’y may maipanglalaman sa tiyan.
Ang Pagsilang ng Kanal Humor
Negatibo ang konotasyon ng salitang kanal, ngunit nabibigyan ng teknolohiya ng ibang perspektiba rito ang mga tao. Sa midya, kadalasang ipinapakita ang mga stereotypical na ‘kanal’ na karakter. Dito pumapasok ang terminong ‘kanal humor,’ kung saan nagiging katatawanan ang pag-aasal ‘kanal’.
Mas naging matunog ito sa social media mula nang nauso ang skits ng mga content creator tulad nina Sassa Gurl at Queen Dura na epitome ng pananalitang ‘kanal’. Dito na rin papasok ang terminong ‘baklang kanal’, na siyang branding nina Sassa ngayon sa internet. Patok ang jokes nila, dahil sila’y talagang nakararanas ng kulturang kanal; kumbaga, ginawa nila ang mga bidyo upang ipakita ang kanilang identidad at kulturang kinagisnan. Sa pamamagitan nito, tila mas naging katanggap-tanggap ang ‘kanal’, dahil nare-reclaim nito ang naturang salita.
Para sa mga manonood na naka-re-relate sa kulturang ito, benta ang mga skit, dahil tila ba nagbabalik tanaw sila sa mundong kinagisnan. Ngunit para sa mga manonood mula sa mas nakaluluwag na antas sa lipunan, marahil ay patok ang kanal humor dahil pinapalaya nito ang nakakulong nilang saloobin na na-fi-filter dahil sa inaasahang kilos ng kanilang sosyal na konteksto.
(O baka talagang funny lang sila. Ito namang si OA. Charot!)
Gentrification of Kanal Humor — [gentrification?!]
“Squammy, palengkera, pang-public school!” ‘Di maikakaila na kahit pumapatok ang kanal humor, mababa pa rin ang tingin ng ilang burgis sa mga maiingay, makalat, at matulis ang tabas ng dila — mga trademark ng authentic na kanal gurlies. Ani nga nila, cringe ang ganitong pananalita sa tunay na buhay.
Subalit ngayon, dahil malaking bahagi ng kasikatan sa internet ang ‘relatability’, naging trend na ang pagiging kanal. Kaakibat nito ang penomenong pabirong tinatawag na ‘gentrification of kanal humor’, kung saan tila nakikisali ang mga panggitna at mataas na uri sa trip ng mga totoong kanal. Ika naman ng ibang netizens, hindi kailanman nila maisasabuhay ang totoong esensya ng kanal, sapagkat ang kanal humor ay repleksyon ng karanasan ng mga Pilipinong urban poor o nasa laylayan. “Kanal humor daw, pero nakatira sa gated subdivision! Anong kanal ‘yan ‘teh, Venice Grand?”
Kung susuriin, makikita na maski sa mga bagay na katatawanan, na-oobserbahan ang tunggalian ng interes ng maralita, petiburges, at naghaharing-uri. Ang “appropriation” ng kanal humor sa digital na espasyo ay sinasalamin ang tunay at karaniwan na pagnanakaw ng mga nakaaangat sa masa: mapa-lupa, pera, at kahit mga biro para lamang maging trendy. Mula sa pag-ampon ng kanal personality (“quirky lang, weird kanal humor girlie!”) hanggang sa sinaing na birthday cake ni Donnalyn Bartolome, iisa ang ipinaparating na mensahe — hindi katanggap-tanggap ang maralita, ang kani-kanilang buhay at ipinaglalaban, hangga’t hindi nito nasasaklaw ang nasa itaas. Sila, puwedeng mang-’gatekeep’, ang masa, patuloy na kailangang mapaunlakan maski ang kanilang mga maniniil.
Sumatotal, wala namang masama kung benta sa iyo ang kanal humor, ngunit mahalagang isaisip na sa sosyo-kultural na perspektiba, ang salitang kanal at kanal humor ay pagmamay-ari at produkto ng mga karanasan ng masang maralita. Natural, ang mga taong walang problema sa paggalaw ng lipunan ang may afford na maging soft, aircon humor girlie. Paano ka magiging palengkera kung ang palengke mo ay Landers?
Ang talas ng dilang kanal ay kadalasang natatanging depensa ng masa sa karahasan ng mundo. Sa isang bansang trato sa kanila’y basura, wala silang ibang sandata kundi bumunganga at umokray pabalik. Sa paningin ng ibang tao, masyado silang makalat, maingay, masakit magsalita sa kapwa; sa kanila, ganti lamang ito ng api.
Ang tunay na kanal humor ay mula sa mga pamayanang may basketball court sa gitna ng kalye; sa mga creek sa tabi ng sari-sari store kung saan nakatambay ang mga marites; at sa makipot na eskinita kung saan nagwa-one drop at bangasan ang mga mhiema sa ngalan ng kanilang mga nakshie.
Sa mga ganitong espasyo, walang oras para sa kaartehan ang masang patuloy na pinapaikot-ikot ng mga huwad na pangakong kaunlaran at kaayusan ng mga pulitiko.
Kanal ang realidad ng mundo; ito’y prangka, mapait, at maangas — lalo na para sa masang isang kahig, isang tuka.