UP Manila: Suportahan kami sa panawagang kaligtasan at pagpapalaya kay Dr. Naty Castro
Ni Jo Maline Mamangun
Mahigpit ang panawagan ng komunidad ng University of the Philippines Manila (UPM), kasama ang Philippine General Hospital (PGH), UP College of Medicine (UPCM), at alumni nito, para sa kaligtasan at agarang pagpapalaya kay Dr. Natividad “Naty” Castro. Pwersahang pinasok ang loob ng kanilang bahay at inaresto si Castro ng mga pulis noong Pebrero 18 sa San Juan City.
Sa inilabas na pahayag ng UPM noong Pebrero 20, hinihimok nila ang buong komunidad ng UP at ang sambayanang Pilipino na makiisa at suportahan ang kanilang panawagan.
Nababahala rin ang komunidad sa isa na namang kaso ng panggigipit sa kanilang alumnus na si Castro na tumutugon lamang sa layunin ng pamantasan na pagsilbihan ang mga hindi naaabot ng tulong ng pamahalaan. Ayon pa sa pahayag, hindi nakakalimot ang komunidad ng UPM sa mga namatay nitong alumni, na kung saan ay sangkot din ang gobyerno at mga pwersa nito.
“We still remember with sadness and anger the deaths of our own graduates: Dr. Bobby De la Paz, Dr. Johnny Escandor, and Dr. Lou Tancgo,” dagdag pa ng UPM.
Ang pag-aresto kay Castro
Sa post ng nakatatandang kapatid ni Castro na si Jun, bandang 9:30 AM ng Pebrero 18 nang lumusob ang pwersa ng pulis ng San Juan sa kanilang bahay. Sinira ng mga ito ang kanilang pinto at ang iba ay inakyat ang kanilang pader. Sa kwento ng isa pa nilang kapatid na si Menchi, walang pasabi ang mga pulis sa kanilang ginawang panghihimasok.
“Some people (police) pushed me aside. There was no proper warrant of arrest. They had a photocopy. It was not even her name on the warrant,” paglalahad ni Menchi. Ang ipinakita raw na kopya ay nasa pitong pahina at naglalaman ng 300 na pangalan ngunit wala naman rito si Castro. Salaysay pa ni Menchi na dalawa lamang sa mga humuli ang nakasuot ng uniporme. Ang iba ay nakasuot na ng pangsibilyang damit.
Ayon sa pulis, ang kautusang paghuli ay nagmula sa Regional Trial Court Branch 7 ng Bayugan City, Agusan del Sur. Inilabas ito ng acting presiding judge ng lugar na si Fernando Fudalan noong January 30, 2020 para sa kasong pangingidnap, pagkulong, at pagbabanta sa isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary Unit noong Disyembre 29, 2018, na kung saan ay sinasabing sangkot si Castro.
Pinabulaanan ni Jun sa kanyang post ang kasong ibinabato sa kanyang kapatid. “My sister is accused of multiple charges of kidnapping and illegal detention, all related to her human rights advocacy. ALL UNTRUE,” paninindigan ni Jun.
Sa alert na inilabas ng Karapatan, isang alyansa ng mga indibidwal at grupong nangangalaga at nagtataguyod ng karapatang pantao sa bansa, iniulat na dinala si Castro, mula sa kanilang tahanan, sa Quirino Memorial Medical Center. Hindi raw dumaan sa check-up si Castro, bagkus ay tinanong lamang siya ng doktor doon kung may natamong sugat.
Nakalagay din sa ulat na pagkatapos dalhin sa ospital, sunod na dinala si Castro sa gusali ng PNP Intelligence Group sa loob ng Camp Crame. Doon na huling nakita si Castro ng kanyang mga kamag-anak bago ang paglipat sa kanya sa Bayugan City, Agusan del Sur, kung saan nakabinbin ang kanyang sinasabing kaso.
Sa inilabas na update noong 9:00 AM ng Pebrero 19 ng Free Legal Assistance Group (FLAG), ang kinuhang tagapayo ng pamilya ni Castro matapos siyang arestuhin, hindi pinayagan ng mga pulis sa loob ng Camp Crame na makita ni Menchi at ang kasama nitong abogado si Castro pagkatapos hulihin.
“She was also denied her medication for her hypertension and diabetes because the police refused to allow her sister who wanted to bring her medicines and test kits to have access to Dr. Castro,” dagdag pa ng FLAG.
Ayon pa sa FLAG, hindi rin binigyan ang kampo ni Castro ng kopya ng arrest warrant o kahit anong dokumento hinggil sa kanyang kaso.
Sa pagtatanong ng Karapatan at FLAG sa mga pulis hinggil sa sitwasyon at kinaroroonan ni Castro, napag-alaman nilang wala na sa Camp Crame si Castro at nakaplano na siyang dalhin sa Bayugan City noong hapon ng Pebrero 18.
Dahil sa kawalang koordinasyon ng kapulisan sa kampo ng mga Castro hinggil sa paglilipat sa kanya, inakala ng pamilya na darating si Castro sa Butuan City airport, ang pinakamalapit na paliparan sa Bayugan City, ng alas singko ng hapon sa parehong araw.
Salaysay din ng FLAG na kinontak ng pamilya ang mga abogado nito sa Butuan upang sana’y salubungin si Castro. Subalit wala silang nakita. Wala ring impormasyon ang nagsasabi kung talagang isinakay si Castro sa eroplano papuntang Butuan.
“Throughout the whole afternoon and continuing to the present, none of her relatives or lawyers have been able to gain access to Dr. Castro and no official confirmation from her captors, the [Philippine National Police] PNP, has been made as to her whereabouts,” ayon sa update ng FLAG noong umaga ng Pebrero 19.
Nagbabala rin ang FLAG sa kanilang update na kung hindi pa kukumpirmahin ng PNP ang kinaroroonan ni Castro sa loob ng 24 na oras ay maaari nilang sampahan ng kriminal at administratibong kaso ang kapulisan.
Hapon ng Pebrero 19, naglabas ang PNP ng pahayag na nagkukumpirmang dinala at kinulong nila si Castro sa Baguyan City, Agusan del Sur. Ayon din kay Police Major Dorothy Tumulak, tagapagsalita ng Police Regional Office 13, dumating si Castro sa Butuan City noong gabi ng Pebrero 18.
Ayon sa update ni Jun, matapos ang kumpirmasyon, nakita at nakausap nang muli ng kaanak at abogado nila si Castro. Nakuhanan din ng isa nilang kapatid ng bidyo si Castro na nagpapasalamat naman sa lahat tumulong sa kanya.
“Ako’y nagpapasamalat sa inyong lahat na patuloy na nagdadasal, nakikiramay, at sumusubaybay sa aking kalagayan ngayon. Bagaman mahirap, nagpapasalamat ako sa lahat ng nagpapagaan ng matinding pagsubok na ito. Lalong pinasasalamatan ko ang aking mga kaklase and colleagues sa St. Scholastica’s College, sa UP Diliman (UPD), sa UPCM, St. Scholastica’s sisters and alumnae, at ang aking abodago na si Atty. John Unay na mahusay na sumasagot sa mga pangangailangan kong legal ngayon,” pahayag ni Castro sa bidyo.
‘Isang tunay na doktor ng bayan’
Sa pahayag na inilabas ng PNP noong Pebrero 19, bagaman hindi ito ang dahilan ng pagkakahuli, sinabi ng grupo na may ranggo umano si Castro sa Central Committee ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Siya raw umano ang namumuno sa National Health Bureau nito.
Binati rin ni PNP Chief General Dionarido Carlos ang kanyang mga tauhan na nagsagawa ng pagmamatyag kay Castro bago ito hulihin at iharap sa korte para sa legal na proseso. Samantala, nitong nakaraang araw ay sangkot si Carlos sa isyu ng paggamit ng chopper ng pamahalaan para sa pansariling lakad. Inamin ni Carlos na ginamit nya ang airbus ng PNP, na binili gamit ang kaban ng bayan, sa pribadong lakad niya mula sa Balesin Island patungong Camp Crame noong Pebrero 21.
Taliwas naman sa pahayag ng PNP, na miyembro si Castro ng CPP-NPA, ang mga inilabas na manipestasyon ng pamilya, kaibigan, kaklase, kasama sa gawain, at maging ang mga pinasukang paaralan ni Castro. Pahayag ng mga ito, puro pang-re-red-tag lamang ang ginagawa ng PNP kay Castro, simula pa noon.
“Naty dedicated her life to serving the poor and oppressed as a doctor and human rights advocate. From far-flung barrios in Mindanao where she treated people who have never seen a doctor, to Geneva to bring to light the plight of the Lumads,” pahayag ng St. Scholastica’s College High School Class of 1986, kung saan nagtapos si Castro bilang valedictorian.
Isa rin si Castro sa 100 alumnae ng paaralan na binigyan ng St. Scholastica’s Alumnae Foundation Inc. Centennial Award noong 2006 dahil sa kanyang mahusay na makataong gawain na pagtatayo ng mga programa at serbisyong pangkalusugan sa Mindanao.
Para naman sa kanyang mga naging ka-eskwela sa UPCM Class of 1995, si Castro ay hindi isang ordinaryong doktor. “She is a servant leader actively involved in health and human rights and working towards providing health care for all by serving in rural and geographically isolated areas,” paglalarawan ng grupo.
Bago pa man tumuntong sa UPCM, nagtapos muna si Carlos bilang cum laude sa kursong BS Zoology sa UPD.
“Isang tunay na doktor ng bayan,” iyan ang naging pagsasalarawan ng UPM Class of 2004, ang batch ng isa pang kapatid ni Castro na si Carlo, sa kanya. Dagdag pa nila, isinasabuhay ni Castro ang lahat ng tunguhin ng UPCM na pamumuno at kahusayan sa edukasyong medikal na nakabase sa komunidad para sa mga mahihirap at inaapi.
Binigyang-diin naman ng UPCM Class of 1993 ang ginagawang pang-re-red-tag at panggigipit ng gobyerno kay Castro. “The red-tagging, harassments, allegations, and brutal arrest committed against Dr. Naty warrants utmost condemnation as such violence is something that no government should impose on its people,” ani ng grupo.
Nagpaabot din ng suporta at pakiisa kay Castro ang 26 faculty at 24 residents mula sa UP-PGH Department of Family and Community Medicine (UP-PGH DFCM). Ayon sa mga nakikiisang doktor, walang ginawa si Castro kundi ang gawin ang obligasyon ng mga doktor sa bansa na walang pag-iimbot na maglingkod sa masa, lalo na sa mga aping sektor ng lipunan.
“She is wrongfully arrested on trumped-up charges speaks to the evils of a government that fears upstanding and empowered citizens,” matapang na pahayag ng mga doktor.
Labis din silang nababahala na ang ipinapakitang panghaharas ng gobyerno sa mga doktor sa komunidad, tulad ng sa kaso ni Castro, ay magbibigay-takot at pipigil sa mga susunod pang doktor na nanaising maglingkod sa kanayunan.
#FreeDrNatyCastroNow
Kaliwa’t kanan na ang nagpapahayag ng kanilang suporta at pakikiisa para kay Castro, sa loob o labas man ng komunidad ng UP. Malinaw ang kanilang paninindigan at panawagan na pakawalan si Castro at panagutin ang may sala sa hindi makataong pag-aresto.
“We also call on the [President Rodrigo] Duterte government and its agents to be HELD ACCOUNTABLE for the INJUSTICE, and UNNECESSARY PAIN AND SUFFERING inflicted on Dr. Naty and her family. #FreeDrNatyCastroNow,” pahayag ng UP-PGH DFCM.
Si Castro ang pinakabagong manggagawang pangkalusugan at human rights advocate na biktima ng pinaigting na crackdown ng gobyernong Duterte sa mga progresibong indibidwal at grupo.
Sa inilabas na pagpapahayag ng suporta ng UPM para kay Castro, binanggit nitong hindi sana mangyari kay Castro ang nangyari sa mga pinaslang nilang alumni na sina Dr. Bobby De la Paz, Dr. Johnny Escandor, at Dr. Lou Tancgo. “We pray this does not happen to Dr. Naty. May justice be served and her rights under the rule of law be respected and upheld,” pahayag ng UPM.
Mula UPCM tungong komunidad
Si Dr. Remberto “Bobby” Dela Paz ay tumalikod din sa posibleng magandang hanap-buhay bilang doktor sa kalunsuran upang magtayo ng mga programang pangkalusugan na nakabase sa komunidad sa probinsya ng Samar. Doon na rin siya binawian ng buhay nang pagbabarilin habang nagtatrabaho sa loob ng kanyang clinic sa panahon ng Batas Militar ng diktador na si Ferdinand Marcos.
Sa panahon din ng malagim na Batas Militar binawian ng buhay si Dr. Johnny Escandor. Ngunit ayon sa kaibigan nitong isa ring doktor na si Dr. Orlino Talens, malabo ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Escandor.
Base sa kanyang mga kaibigang nakasaksi sa kanyang labi, hindi utak ang nakalagay sa bungo nito kundi basahan, damit na panloob, at plastik. Ang utak naman nito at iba pang lamang loob ay nakabalot sa loob ng lukab ng kanyang tiyan. Tanggal din ang isa nitong mata at basag-basag ang marami sa kanyang mga buto.
Sa rehiyon naman ng Cordillera napadpad si Dr. Lou Tangco upang magbigay serbisyong medikal sa ilang komunidad nito. Bagaman mula sa mayamang pamilya ng mga doktor, pinili nyang talikuran ang marangyang buhay upang maglingkod sa mga mahihirap. Subalit nagtapos ang paglilingkod ni Tangco nito lamang 2020 nang binaril siya, kasama ang pasyenteng si Julius Giron at Arvie Alarcon Reyes, mga miyembro ng CPP, ng pinagsamang pwersa ng pulis at militar habang sila’y natutulog.