Usapang “self-made”

The Manila Collegian
3 min readMay 6, 2024

ni Ashley May Selen

Nang maglipana ang mga papuri kay Kylie Jenner bilang ‘youngest self-made billionaire’ noong 2019, hayok na hayok ang mga kabataang pakapalin ang kanilang mga labi para maging kawangis niya. Nagsumiksik ang mga bibig mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig sa loob ng bote ng softdrinks o shot glass. Kung hindi man sugat o pasa, may ‘self-made,’ no-surgery, plump lips ka na.

Isa ako sa mga namaga ang labi.

Naghilom naman ito para magbuga ng poot sa konseptong ‘self-made.’ Sariling sikap ba ang tagumpay na bunga na ng kasikatan ng pamilya mo, kung laking-mayaman ka na at milyones na ang puhunang mapapalobo?

Karamihan sa mga naglalakihang pangalang ‘self-made’ kuno ay ibinibidang nagmula sila sa wala o sa kaawa-awang kalagayan. ‘Sipag’ at ‘tiyaga’ raw ang pawang nag-ahon sa kanila; kung magsumikap ka rin gaya nila, kayang-kaya mo ring maging milyonaryo.

Kung tatanungin naman ang mga maralita sa kamaynilaan, kalyadong kamay at matatag na sikmura ang tanda ng sipag at tiyaga. Kung pagbubutingting ng mga basurang kalakal, paglalako, at pagsasalba ng mga panindang anik-anik mula sa nakaambang clearing operations ang sukatan ng ‘sipag at tiyagang’ iyan, matagal na sigurong umapaw ang kanilang bulsa ng limpak-limpak na salapi!

Kung hindi man pera, proteksyon at pagkilala ang mga pribilehiyong natatamasa ng mga mayayamang hinihirang na ‘self-made.’ Pareho itong salat sa mga ordinaryo o maralitang Pilipinong nagsusumikap.

Talino at diskarte ang mahikang gawing salapi ang basura. Para lamnan ang kumakalam na sikmura, nililinis at binebenta nila ang mga pagkaing tira-tira na, nilawayan o natagpuan nila sa basurahan ng mga kainan. Pagpag nilang tawagin ang mga pagkaing ito mula sa proseso ng paglilinis at paglulutong muli para maalis ang dumi nito. Nakabuo na rin sila ng sariling mga parokyano; karamihan dito ay mga kabataan. Ganito nila nilalabanan ang gutom sa gitna ng presyo ng mga bilihin.

Sa pagsusumikap, nakapagbabayad sila ng umaabot sa P30,000 halaga ng paupa sa siyudad. Halos kalahating milyong paupa ang binabayaran ni Linda* para sa kanyang pagawaan ng T-shirt sa Recto. Marami mang parokyano dahil sa murang-mura nitong paggawa ng lanyard, umaaray sila dahil sa madalas na pagtaas ng renta. Hindi sila pormal na makapagreklamo dahil hindi naman daw “nasisisilip” ng gobyerno ang paupahan nila. Pangamba niyang mas mahal pa ang paniningil ng iba.

Nang dahil sa pagiging ‘impormal,’ naisasantabi ang pagsisikap ng mga ordinaryo’t maralitang Pilipino para mapanatili ang kanilang kabuhayan. Hindi tulad ng ilang mayayamang may kabig sa munisipyo, walang mag-uusisa sa mga gahamang landlady sa mapang-abusong paniningil ng renta.

Dahil wala naman silang “ambag sa ekonomiya,” itinuturing na lang silang sagabal sa imahe ng isang maunlad na siyudad. Natatakpan ng pag-unlad na ito ang pagsisikap na mabuhay sa gitna ng sistemang pumapabor sa iilan.

Kung kinikilala ang mga kalagayan sa likod ng pagsisikap o mga ‘ilegal’ sa tingin ng mapangmatang pamahalaan, hindi kailangang igawi ang mata sa Kanluran para sa simbolo ng tagumpay; nasa puso at isipan lamang ito ng mga ordinaryong tao.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.