Walang Bawian

The Manila Collegian
4 min readOct 14, 2023

--

ni Joanna Pauline Honasan

Isang kahig, isang tuka upang matustusan ang gastusin sa unibersidad; habang nag-aabang ng stipend mula sa scholarship ay pansamantalang kumakapit na muna ako sa sideline na komisyon upang maitawid ang pamasahe’t pagkain, lalo na’t balik face-to-face na ang mga klase.

Buti na lang at libre na ngayon ang matrikula sa mga State Universities and Colleges (SUCs) tulad ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Kung hindi’y malamang ilang beses na akong nag-leave of absence upang pansamantalang magtrabaho’t mag- ipon.

Salamat at nagwagi ang kabataan noong 2017 sa pagsusulong ng libreng edukasyon sa kolehiyo sa pamamagitan ng Universal Access to Quality Tertiary Education Law, mas kilala sa bansag na Free Tuition Law. Bagaman hindi pa rin nito tunay na napupunto ang ugat ng kawalan ng aksesibleng edukasyon sa bansa, maituturing pa rin itong tagumpay. Kung kaya’t nararapat lamang sagkaan ang anumang pagtatangkang agawin ang tagumpay na ito mula sa atin. Walang bawian — ito ang tugon ng sangkaestudyantehan kay Finance Secretary Benjamin Diokno sa kanyang pahayag na ang Free Tuition Law ay unsustainable, inefficient, and wasteful.

Aniya, maaksaya ang Free Tuition Law, na nasasalamin daw sa tumataas na dropout rate. Kaya naman iminungkahi ni Diokno na magkaroon ng nationwide test upang ibigay ang libreng edukasyon para lamang sa mga ‘deserving’ na estudyante. Ito na rin ang magdidikta kung saang unibersidad sila papasok, kasabay ng pagbibigay ng four-year voucher para sa kanilang edukasyon. Bukod pa rito, nais din ni Diokno na bawasan ang kakarampot na mga SUC sa bansa.

Mistulang nakakalimutan ng Kalihim ng Pinansya na ang edukasyon ay karapatang hindi dapat ipinagkakait sa mga Pilipino. Nakakalimutan din ata niya na ang kawalan ng libreng edukasyon ang nagnakaw sa buhay ng mga estudyanteng tulad nina Kristel Tejada.

Ang paglulunsad ng isang nationwide test para sa libreng matrikula ay hakbang paurong mula sa nakamtan nating tagumpay, sapagkat lalo lamang nitong pasisikipin ang kwestyonable at ga-butas ng karayom na sistema ng mga entrance exam sa kolehiyo. Lamang ang mga mayayaman sa ganitong kalakaran, dahil sila ay may akses sa mga review center at materials, at dehado naman ang mga mahihirap na mas nakatuon ang pansin sa paghahanap ng kita sa gitna ng tumataas na bilihin at pamasahe. Tila kahawig din ng nationwide test na ito ang kompetitibong sistema ng college entrance exams sa South Korea at Estados Unidos, na kilala bilang toxic sa mental health ng mga mag- aaral.

Di yata’t mas dapat na kwestyunin ni Diokno kung bakit tumataas ang bilang ng mga college dropout sa kabila ng libreng matrikula sa kolehiyo. Ito’y manipestasyon na may mas malalim na mga suliraning kinakaharap ang kabataan, na siyang inihulma ng isang neoliberal na edukasyon.

Dito, pinatatakbong parang negosyo ang mga paaralan. Tinatratong investment ang pondo sa edukasyon, at return-on-investment o tubo naman ang mga mag-aaral. Kaya’t hindi na nakapagtataka na ang ideal na gradweyt para sa kanila ay yaong mga handa nang ipasok para sa cheap labor at export-oriented na mga trabaho.

Lubha ring hindi naging aksesible ang edukasyon noong panahon ng pandemya, kaya marahil ay tumaas ang bahagdan ng mga nag-dropout sa kolehiyo. Kapos na nga sa panggastos ang mahihirap, kinailangan pa nilang bumili ng gadgets at internet upang makasabay sa online classes. Sa panahong wala nang tigpipisong sitsirya at Php 12 na ang minimum na pamasahe sa dyip, hindi na nakapagtatakang maraming tumitigil sa pag-aaral upang maghanap muna ng trabaho.

Kahit pa may mga programa tulad ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) upang bigyan ng tulong pinansyal ang mga nangangailangang estudyante, kadalasa’y naiipit din naman sila sa matagalang pagproseso ng mga papeles dulot ng burukrasya. Bunsod ng pandemya, isa pang dagok ng kabataan ang malawakang burnout, na nasasalamin sa dumadaming kaso ng depresyon at iba pang problema sa mental health. Katunayan, isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi na kami sabay ng matalik kong kaibigan na mag-aral dito mismo sa UP Manila.

Bukod pa rito, tila ba tinitipid at ipinagdadamot sa masa ang buwis na nagmula mismo sa kanilang bulsa, dahil kung tutuusin, prayoridad dapat ng pamahalaan ang pagbibigay ng subsidiya sa edukasyon. Hindi ito pag- aaksaya ng pondo, sapagkat kung sisilipin ang inihain na badyet sa 2023 General Appropriations Act, nasa Php 47.6 bilyon ang pondong nakalaan para sa Free Tuition Law, samantalang nakatatanggap ng Php 193.6 bilyon ang kapulisan. May dagdag pa ngang Php 26 bilyon ang Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Program para sa mga programa “kontra terorismo.” Mayroon ding nakalaan na Php 10 bilyon para sa mga programa ng National Task Force to End Local Communist Conflict (NTF- ELCAC), na siyang kilala sa pandarakip,panghahamak, at panre-red-tag sa mga mag-aaral.

Kung may iba pang kailangang paggastahan ang bansa, hindi dapat sektor ng edukasyon ang iniipit, bagkus dapat ay binubuwag na ang tunay na mga aksaya sa kaban ng bayan — ang mga mapaniil na programa’t ahensya tulad ng NTF-ELCAC.

Ano ang tugon ng sangkaestudyantehan?

Walang bawian — hindi kailanman tayo papayag na nakawin sa atin ang tagumpay na ating ikinampanya sa loob ng mahabang panahon. Hindi kailanman magiging aksaya ang pagpopondo sa edukasyon, dahil ito ay karapatan ng bawat Pilipino.

Walang bawian. Ang edukasyon ay patuloy na ipaglalaban at dedepensahan ng kabataan mula sa estadong gahaman.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet