Walang Bituin sa Maynila

The Manila Collegian
4 min readDec 23, 2024

--

ni James Lajara Magpantay

Dibuho ni Justice Tiamson

Sa huling pagkakataon, tumimos ako sa matam-is na bibingkang malagkit at sa malinamnam na bulalong hain ni Inay tuwing Noche Buena. Bago mamaalam sa aking pamilya at lumuwas patungong Maynila, sandali akong bumali ng tingin sa kalangitan na puno ng mga bituin. Naalala ko bigla ang sinabi ni Tatay, “Kapag ang langit ay puno ng bituin, pihong maganda ang bukas na darating.”

Noon, mayroon pa kaming sariling lupang sakahan. Ngunit noong nagkaroon ng pulmonya ang Tatay, napilitan kaming ibenta are sa isang korporasyon na magtatayo raw ng pabrika sa aming baryo. Subalit, tinakbuhan nila kami at ‘di binayaran ni singkong kusing. Kaya naman, namatay ang Tatay dahil kinapos ang perang pampagamot.

Isang araw, may lumapit sa akin na recruiter sa aming nayon — ani niya’y magiging alwage raw ako sa syudad. Samot-saring pangako ang inihain niya sa akin at kinumbinsi ako na hindi aangat ang buhay ko kung mananatili ako sa probinsya.

Ika pa niya, sa Maynila matatagpuan ang bituin ng Betlehem — naroon ang pag-asa.

Pagkarating ko rine, napagtanto kong ibang-iba nga ang Maynila sa probinsya: maingay, mabilis, at sa gab-e ay kumikinang tulad ng mga bituin. Ang sabi sa amin, magtatayo raw kami ng isang mataas na gusali para sa isang banyagang kompanya. Tunay ngang mas malaki ang pasahod dine at sagot nila ang aming matutuluyan — isang barracks na gawa sa sobrang scaffolding at plywood.

Binigyan din nila agad kami ng kaunting pasahod dahil kami’y mga bago sa Maynila. Bagaman anim na buwan lamang ang nakapaloob sa kontrata, maaari daw kaming i-renew kung pulido ang aming trabaho. Mukhang sa wakas ay maiiahon ko na ang aming pamilya.

Lumipas ang araw ng walang humpay na pagtatrabaho. Subalit, pagkaabot ng aking unang sahod, pansin kong kulang ito sa unang napagkasunduan.

“Mawalang galang na ho, ay para hong kulang ang sahod ko,” reklamo ko.

Bahagyang bumusangot ang amo ko, “Totoy, kinaltasan na namin ang sahod mo para sa kontribusyon mo sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG. Isa pa, binigyan namin kayo ng one-week advance kaya bawas na ang inyong sahod.”

Doon ko napagtanto na kulang pa rin ang aking sweldo para makapagpadala sana ng sustento sa probinsya. Sa paglaon ng buwan, binabad ko ang aking sarili sa trabaho. Boluntaryo akong nag-o-overtime upang magkaroon ng dagdag-kita. Saksi ang libong patak ng pawis na umagos sa aking kataw-an sa aking pagpupursigi. Pakiramdam ko noon, isa akong bituing pumapanhik sa kalangitan tulad ng gusaling ginagawa ko.

“Totoy, mabuti kung maghanap ka na ng bagong mapapagtrabahuhan o magtabi ka na ng pamasahe pauwi. Hindi namin ire-renew ang kontrata niyo.”

Hindi ako makapaniwala sa aking narinig gayung ako’y nagpursige naman. Ang mga kasama ko’y napaluha na la-ang sa balita at nagalit. Minarapat ko na maghanap na lamang muli ng trabaho tulad ng iba. Ngunit kasabay nito ang samot-saring kwento sa mga hamon ng Maynila. May ilan daw kaming mga kasamahan ang pinaslang dahil sa pagkakasangkot sa droga, habang ang iba naman ay tuluyan nang kumapit sa patalim at pinasok ang pagiging sindikato.

Sa aking pakikipagsapalaran, dine ko nakilala ang tunay na mukha ng Maynila — marumi, mabaho, mabanas, masikip, at walang pag-asa. Natuto akong sumabit sa likod ng malalaking truck at humaharurot na jeep. Kung sa’min ang buga ng bulkan ang hamog na bumabalot sa kalupaan, dine nama’y bumubuga ng maitim na usok ang tambutso.

Kalaunan, inalok ako ng trabaho ng dati kong kasamahan — mabilis, madali, at malaki raw ang kita. Agad naman akong um-oo sa kaniyang alok buhat ng desperasyon.

Ngunit, kung gaano kabilis ang pamumutawi ng aking ngiti ay gay-on din kabilis ang pagpawi nito nang mapansin kong nakahubad na pala ako. Walang saplot sa harap ng isang kamera.

Mahirap lunukin, ngunit ano ga ang magagawa ko? Ilang buwan na akong walang disenteng tirahan at ang pamilya ko sa probinsya’y labis na nangangailangan. Kaya kahit masakit, natutuhan ko ireng tanggapin hanggang sa maging normal na ire sa’kin. Mawala na ang dangal, ang mahalaga’y ang buhay ko ngayo’y maalwan.

Dine ko naramdaman na baka nga isa akong tunay na bituin — walang ibang silbi kundi magtanghal sa entablado ng gabi.

Hindi araw-araw Pasko. Isang araw, natimbog kami ng mga awtoridad. Sabi nila, hindi kami makukulong kung makakapagbayad nang malaki. Um-oo na lamang kami sa kanilang alok kaysa tuluyang mabilanggo at dumagdag pa sa isipin ng aming mga pamilya. Gay-on na lamang talaga siguro ang aking kapalaran, laging maiiwan sa wala — isang bituin na lumalamlam ang luningning.

Wala sa sarili, hinayaan ko na la-ang na dalhin ako ng aking mga paa kung saanman. Hindi ko namalayan, nakatitig na pala ako sa isang mall na pinapalamutian ng dambuhalang christmas tree. Magpapasko na pala, ngunit wala ireng ligaya. Wala ang malamig na simoy ng hangin mula sa kabundukan, walang matam-is na bibingkang malagkit, walang mainit na bulalo — wala ang pamilya ko. Wala na rin akong hanapbuhay.

“Utoy, kumusta na? Makakauwi ka baga?”

Sa pagpigil ko ng luha ay napatangla ako sa kalangitan at napansin na sa pag-itan ng mga buhol-buhol na kable ng kuryente ay wala ni isang bituin. Tanging liwanag lamang mula sa matataas na gusali ang aking patuloy na maguguhit pero kailanma’y hindi ko maaabot ang kumikinang na liwanag sa kadilimang ito.

Marahil ay walang sisilang na bituin sa langit ng Kamaynilaan — hangga’t ang mga taong katulad ko ay nasasakdal sa mga huwad na pag-asa.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet