Walang Mag-isa sa Nagkakaisa

Dalumat

The Manila Collegian
3 min readFeb 20, 2024

ni Serenidad Liwayway

Sa tahasang pagsasawalang-bahala ng estado sa mga samo ng mamamayan, nagkakaisa ang masa upang kalampagin ang lansangan.

Habang tumutulak ang hanay sa kahabaan ng Maynila, hindi maiiwasan ang mapanuring tingin ng mga tao na hindi pabor sa mga pagkilos tulad ng mga protesta. “Bumaba sa bundok ang mga NPA,” “’Neng, tiga-UP kayo, ‘no?” “Sinong prof niyo?” Mga karaniwang naririnig ko mula sa mga naglalakad sa bangketa. Ang tanging susi ay ituon ang tingin sa harap at sa inirerehistrong panawagan, itatak sa isip na kasama silang masa sa pinaglalaban.

Minsa’y pinagninilayang kamartiran ang sumuong sa laban sa kabila ng diskriminasyon mula sa mismong pinaglalaban. Ngunit kung magpapadaig sa ganitong kaisipan ay mas lalo lamang iiral ang sistemang iginigiit ng mga naghaharing-uri. Silang daantaong kumokontrol sa kamalayan ng pinakabulnerableng Pilipino. Lalong pinahihina ang demokrasya sa pamamagitan ng mga politikal na ideolohiyang pinagwawatak-watak at pinagsasabong ang masa.

Hindi rin mawawala ang barikada ng kapulisan na naghihintay sa arko ng Mendiola. Animo’y mga mandirigmang pinoprotektahan ang tarangkahan laban sa mga nagkikilos- protesta. Para kaming kalaban ng bayan kung ituring at ang tanging pinagsisilbihan ay ang opisyal na nananahan sa loob ng Malacañang. Pero, ano nga ba ang laban ng mga hawak naming karatula sa baril na nakasukbit sa kanilang baywang? Ang arko ng kapayapaan ay naging demarkasyon na naghihiwalay sa luklukan ng kapangyarihan at mga ordinaryong mamamayan.

Sa pagmamartsa, hindi maiiwasang makadama ng pagod dahil sa kilo-kilometrong paglalakad; pangangalay ng kamay mula sa pagtaas ng panawagan; at pagkauhaw sa paulit-ulit na pagsigaw. Lahat, sa ilalim ng tirik na araw. Subalit, walang sandaling pinapalagpas sa pakikibaka. Sa loob ng hanay, makikita nang malapitan ang pagod, galit, at pag-aasam sa mukha ng mga kasama. Lalo na tuwing lumuluwas mula sa kanayunan ang mga magbubukid upang sa kalunsuran ay makimartsa. Hindi nila iniinda ang katandaan, sa halip ay nangingibabaw ang katatagan upang maitampok ang mga panawagan.

Sa kabila ng mga sakripisyong isinasangkalan sa pagsali sa mga mobilisasyon, mas nangingibabaw ang pag-asa. May kolektibong lakas na nabubuo sa bukluran at pagkakaisa ng iba’t ibang uri ng lipunan. Hindi makikita ang pagkakaiba-iba sapagkat binibigyan nito ang bawat indibidwal ng pantay na kapangyarihan para lumaban. Ang bawat boses ay tinatalo ang sabay-sabay na busina ng mga motorista. Ang makapal na hanay ng mga dumadalo at nagpapadalo ay naghahatid ng mensahe na hindi tayo nag-iisa. Hindi kailangan ng istatistika para masabing buhay ang rebolusyon ng masa. Ang kinasasadlakang kadiliman ay sama-sama nating wawakasan. Walang maiiwan.

Marahil ay hindi ito mauunawaan ng iba at perwisyo para sa kanila ang paglulunsad ng mga demonstrasyon. Nagdudulot ng trapiko sa mga kalsadang madadaanan o di kaya’y may pangamba ng pagkislap ng gulo dahil sa negatibong konotasyong nakakintal sa mga kilusan. Ngunit, ang pagmamartsa ay paraan upang ipalaganap ang mga panawagan. Ang layunin ay imulat ang kapwa masa at mahamig ang kanilang suporta. Sa mas malakas na pwersa ay mabigyang-pansin ng pamahalaan.

Bilang mga iskolar ng bayan, tungkulin natin protektahan ang interes ng masang api. Sumama sa hanay at paigtingin ang daluyan ng kritikal na diskurso kontra sa agos ng naghaharing ideolohiya. Sa mga mobilisasyon ay hindi maikakaila ang takot para sa seguridad. Subalit, kung ang kapalit ng huwad na katahimikan ay banta sa kalayaan, mas pipiliin ba nating magpagapi na lamang?

Para sa iilan, ang muling pagsikat ng araw ay panibagong oportunidad para kontrolin ang sariling kapalaran. Ngunit para sa mga magsasaka’t manggagawa na nakamulat na ang mata bago pa sumilip ang sinag, ito’y panibagong araw ng puspusang pakikibaka. Isang bagong umaga upang harapin ang mga sistemikong suliraning hindi kayang saklawin ng kanilang kontrol. Suntok man sa buwan kung isipin pero hindi nawawalan ng pag-asa — na sa iisang tinig at paninidigan, bitbit ang mga panawagan, patungong Mendiola, may liwanag sa dulo ng karimlan. Darating din ang ating paglaya.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet