Wasakin ang Tanikala

The Manila Collegian
4 min readApr 18, 2024

--

Dibuho ni Renee Zhakira Mailom

Sa daan-taong pagkakasadlak ng bansa sa komersyalisadong sistema ng edukasyon, inilayo nito ang sangkaestudyantehan sa mga espasyong nakalaan dapat para sa pagkamit ng makabayan, demokratiko, makamasa at higit sa lahat, libreng edukasyon. Ngunit sa tinatahak na landas ng rehimen ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pakikipagsabwatan sa dayuhan sa sektor ng edukasyon, tumatayog ang pader upang kamtin ito. Sa paggulong ng huwad at kontra-mamamayang Charter Change (Cha-cha), bumabalik ang mapaniil na sistema ng edukasyon na kumahon at pumatay kay Kristel Tejada.

Labing-isang taon na ang nagdaan mula nang tapusin ni Kristel Tejada, 16-taong gulang na mag-aaral ng Behavioral Sciences UP Manila, ang sariling buhay. Kasunod ito ng ulat na siya ay pwersahang pinagsumite ng administrasyon ng leave of absence matapos bigo siyang makapagbayad ng matrikula. Lumipas na ang mahigit isang dekada ngunit ang sistema na kumitil sa buhay ni Tejada ay nananatiling bulok at ang mga may sala ay patuloy na nakakapaghugas-kamay.

Bago maipasa ang Universal Access to Quality Tertiary Education noong 2017, ang matrikula noon sa unibersidad ay nakabatay sa Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP). Sa ilalim nito, si Tejada ay kabilang sa Bracket D at kinakailangang magbayad ng P300 kada yunit — halagang dugo’t pawis ang katumbas para sa kaniyang pamilya. Umapela man para makamtan ang 100% subsidy sa ilalim ng Bracket E1, hindi ito pinahintulutan ng dating UP Manila Chancellor Manuel Agulto at Vice Chancellor for Academic Affairs Marie Josephine de Luna.

Imbis na panagutan ang insidente, lantarang iginiit ni Agulto na siya ay nahirapan din noon bilang mag-aaral ng UP. Ang kawalang responsibilidad na ito ay walang pinagkaiba sa sistema ng edukasyon na pinapasan pa rin ng marami sa kasalukuyan. Katulad ng bilyon-bilyong kaltas sa pondong unibersidad noong administrasyon ni Aquino, nananatili pa ring pasang krus ng UP ang P450 milyong kaltas sa pondo ng Philippine General Hospital, sa kabila ng P508 milyon na pagtaas sa kabuuang badyet ng unibersidad ngayong taon.

Anim na taon matapos maipasa ang Free Tuition Law, sa halip maging karapatan na nakakamtan ng lahat, ang pagkamit ng edukasyon ay patuloy na nakabatay sa kung gaano kalaking salapi ang maipupundar upang maitaguyod ang pag-aaral. Ito ay sa kabila ng paglipana ng bilang ng Private Higher Education Institutions higit sa State Universities and Colleges (SUCs), na pag-aari ng malalaking kapitalista. Ang implikasyon nito ay ang pagsagupa ng edukasyon sa interes ng mga negosyo, na kalimitan ay nagreresulta sa hindi makatarungang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga paaralan.

Habang mas nagiging hindi abot-kamay ang dekalidad na edukasyon, mas marami nang mga mag-aaral ang nagmamatrikula sa mga pampublikong unibersidad, sa kabila ng limitasyon nito na tumanggap ng mas maraming mag-aaral dahil sa kakulangan sa pondo, na lalo pang pinapalala ng mga tapyas-pondo. Dahil dito, mas lalo lamang napag-iiwanan ang mga batayang sektor, lalo na ang mga maralita. Ilan lamang ito sa manipestasyon ng kawalan ng pangil ng Commission on Higher Education (CHED) na tuparin ang mandato nito na isulong ang interes ng sangkaestudyantehan, kung saan primaryang isinasaalang-alang ng estado ang kanilang pangangailangan sa libre, makamasa, at dekalidad na edukasyon.

Mas lubhang nakababahala ang sitwasyon, sapagkat mas lalong hihigpit ang pagkagapos ng mga mag-aaral sa tanikala ng komersyalisadong edukasyon sa iniraratsadang pagsusog sa Saligang Batas ng bansa.

Nitong Marso 20, inaprubahan ng Kongreso ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon upang tanggalin ang mga limitasyon ng mga dayuhan sa pagmamay-ari sa mga pampublikong serbisyo, advertising, at higher education institutions. Ito raw ay upang maengganyo ang mga kumpanya na mamuhunan sa Pilipinas, lumago ang ating ekonomiya, at magkaroon ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Ngunit kung susuriin, lalo lamang nitong lalagyan ng kandado ang edukasyon na dapat sana’y natatamasa nang libre ng kabataan. Kung sa kasalukuyan pa nga lamang ay umiinda na ang mga mag-aaral sa taon-taong pagtaas ng matrikula sa mga pribadong kolehiyo, paano pa kaya kung mas bibigyang-laya ang mga dayuhang korporasyon na magtayo ng mga unibersidad sa bansa?

Tila ba’y tinatrato din ng estado bilang produkto ang kabataan; matapos gatasan ang bulsa ay ipagbibili na lamang sa mga banyaga ang kanilang talino at murang lakas-paggawa.

Darating ang araw ng paniningil, at magbabayad ang lahat ng may pakana ng komersyalisadong sistema ng edukasyon na pumatay kay Tejada at nagpapahirap sa libo-libong mga estudyante. Kailangang iturol ang lakas ng taumbayan upang biguin ang anumang pagtatangka ng Kongreso na itulak ang Cha-cha na hindi tunay naglilingkod sa interes at kalagayan ng sambayanang Pilipino.

Sa paglalako ng estado sa mga dayuhan ng karapatan ng kabataan sa libre at dekalidad na edukasyon, lalo lamang nagiging sariwa ang latay ng inutang na dugo at buhay ng estado kay Kristel Tejada. Kailangang kumawala ng taumbayan sa komersyalisadong edukasyon na matagal nang umaanay sa bansa. Nararapat lamang na wasakin na ang tanikala.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet