Ang Pag-alpas at Pakikibaka ng Tacloban 5
ni Gerra Mae Reyes
Sa gitna ng dilim bago ang bukang-liwayway ng ika-7 ng Pebrero 2020, limang aktibista ang inaresto sa magkakasunod na operasyon ng PNP-CIDG sa Baranggay 77 at 96 sa Tacloban, Leyte. Kinalampag ang mga opisina at bahay na tinutuluyan ng mga aktibista — na kolektibong tinatawag bilang Tacloban 5 — at saka tinaniman ng mga baril at granada na nagsilbing ebidensya sa mga isinampang na gawa-gawang kaso laban sa kanila.
Mahigit apat na taon na ng pagdurusa at pakikibaka ang lumipas, ngunit ang hustisya para sa kanilang mga makatarungang lumalaban ay hindi pa rin nakakamit. Sa likod ng malamig na rehas, limang kwento ng pag-alpas sa mapaniil na sistema ang pilit ikinukubli. Ngunit tulad ng daan-daang bilanggong pulitikal, hindi namamatay sa loob ng piitan ang alab ng kanilang diwang makabayan.
Ang mga istoryang ito ni Abinguna, Legion, Domequil, Cabaljao, at Cumpio ay hindi kailanman makukulong kahit pwersahin man ito ng reaksyonaryong estado — bagkus ay patuloy pa itong magluluwal ng mga bagong sibol ng pakikibaka.
Alexander “Chakoy” Abinguna
Isang kasama na magaan kausap, palangiti, at mahabagin kung maituturing si Alexander Abinguna, o Chakoy kung tawagin ng kanyang mga kaibigan. Kaya naman, para sa mga tunay na nakakikilala kay Abinguna, kahit mintis ay wala sa kanyang pagkatao ang ilegal na pagkakaroon ng mga baril at bomba. Kung may armas man siyang tangan, ito ay ang kanyang mga ideolohiya at masidhing pagnanais na paglingkuran ang masa.
Tubong Catbalogan sa Samar, si Abinguna ay nagtapos ng Batsilyer sa Agham ng Pamamahala sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Tacloban. Matapos ang pag-aaral, iginugol niya ang lahat ng kanyang oras sa pagsisilbi bilang human rights worker sa Karapatan, isang alyansa na nagtataguyod at nagpoprotekta sa karapatang pantao sa Pilipinas. Dito ay nagsilbi rin si Abinguna bilang regional coordinator ng Katungod Sinirangan Bisayas.
Lulan man ang pahamak na maaaring idulot ng pagkilos, dinala si Abinguna ng kanyang mga adbokasiya sa mga pinakaliblib na lugar ng bansa upang mag-imbestiga at pakinggan ang mga daing laluna ng mga nagigipit sa patuloy na lumalalang militarisasyon sa rehiyon. Saksi si Abinguna sa agresyon ng kapulisan at militar ngunit sa kabila nito, hindi dahas ang kanyang naging tugon.
Sa pagnanais na palakasin ang sariling mga boses ng komunidad, nagsasagawa si Abinguna ng mga talakayan tungkol sa karapatang pantao. Sa puntong ito, tangan ni Abinguna ang pinakamalakas na armas — ang mulatin ang masa at ipamana sa kanila ang ideolohiyang babaka sa mga pananamantalang maaari nilang harapin.
Ngunit, isang madaling araw, isa si Abinguna sa mga inaresto nang halughugin ng kapulisan ang opisina ng regional chapter ng Karapatan sa Tacloban kung saan nakita ang di umano’y mga baril, machine gun, at improvised explosive device (IED) materials. Kasalukuyang nakapiit si Abinguna sa Palo at nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and explosives at mga karagdagang kasong murder at attempted murder noong 2023.
Mira Dalla Legion
Pakikipamuhay at pakikiisa sa panawagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan ang isinasapraktika ni Mira Dalla Legion. Kaisa siya sa laban ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, LGBTQIA+, at estudyante — maging sa lansangan man o mga komunidad.
Hindi maitatanggi ang pagiging lider-estudyante ni Legion sa mga taon ng kanyang pananatili sa UP Tacloban bilang mag-aaral ng Batsilyer sa Agham ng Pagtutuos o Accountancy. Sa kanyang pagnanais na matugunan ang mga hinaing ng mga kapwa estudyante, siya ay nagsilbi bilang tagapangulo ng Konseho ng Mag-aaral sa ilalim ng partidong Pulso. Gayundin, siya ay naging pangalawang tagapangulo ng KASAMA sa UP sa Visayas, isang alyansa ng mga konseho ng mag-aaral sa buong UP system.
Taong 2017, hinirang si Mira bilang nominee para sa ika-35 na Rehente ng mga Mag-aaral ng UP na tinasa at sinuri noong ika-44 na General Assembly of Student Councils. Hindi man nakamit ang posisyon, hindi tumigil si Legion sa kanyang adbokasiya at nagpatuloy pang magsilbi sa mas malaking masa.
Nang makapagtapos ng pag-aaral, inilaan ni Legion ang kanyang panahon sa pag-oorganisa kasama ang Bagong Alyansang Makabayan, kung saan siya ay nagsilbi bilang tagapagsalita ng samahan sa Eastern Visayas. Iba’t ibang uri at sektor ng lipunan ang kinakatawan ng samahan na siyang nakatuon sa pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya.
Kasama ang kolektibong lakas, masikhay na nakikiisa si Legion sa paggapi ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo — ang tatlong ugat ng pang-aapi sa lipunan. Ngunit, ang paglabang ito ay hindi kailanman magiging dahilan upang posasan at ilagak sa loob ng piitan ang isang aktibista na makabayang ideolohiya lamang ang tangan.
Tulad ng mga kasama, biktima rin si Legion ng tanim-ebidensya at gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms. Ngunit ilang araw matapos ang pagkakadakip ay pansamantalang nakalaya si Mira sa pamamagitan ng piyansa na umabot ng P120,000 noong ika-14 ng Pebrero. Ibig sabihin, hindi ganap ang paglaya at hustisyang nakamtan dahil sa mga gawa-gawang kaso na nananatiling nakabinbin.
Marielle “Maye” Domequil
Bilang isang iskolar ng bayan at progresibong lingkod ng simbahan, tangan ni Marielle Domequil, o mas kilala bilang Maye, ang turo na paglingkuran ang mga inaapi at pinahihirapan sa lipunan. Isang makabuluhang anyo ng pagmamahal sa Diyos at bayan ang tangan ni Domequil sa kanyang buong-pusong pagsisilbi sa kapwa, maging sa mga pinakaliblib na lugar man.
Tulad nina Abinguna at Legion, si Domequil ay mula rin sa UP Tacloban kung saan siya ay nanilbihan bilang pangalawang tagapangulo ng Konseho ng mga Mag-aaral para sa pang-akademikong taon 2017–2018. Dito, siya rin ay tumakbo sa ilalim ng partidong Pulso. Hindi lamang nakukulong sa interes ng sangkaestudyantehan ang mga adbokasiya, lumalabas din si Maye sa apat na sulok ng unibersidad bilang isang manggagawang layko.
Si Domequil ay miyembro ng Rural Missionaries of the Philippines-Eastern Visayas, isang pambansang organisasyon ng mga rehilyosong layko na tumutungo sa komunidad ng mga magsasaka, mangingisda, at katutubo sa bansa. Sila ay nagsasagawa ng mga outreach program at namumuno ng mga diskusyon tungkol sa karapatang pantao, na kalimitang inaapakan ng sumisidhing militarisasyon sa kanayunan.
Mula sa mga karanasang ito, hindi nalalayo ang pahamak na maaaring danasin sa kamay ng pasistang estado. Ngunit sa kabila ng sumisidhing terror-tagging sa mga aktibista, patuloy si Domequil sa kanyang mga adbokasiya. Isang parte nito ang kanya ring pagbaka sa atrasadong kaisipan ng iilan hinggil sa kababaihan. Bilang bahagi ng Gabriela Youth-Metro Tacloban, nangunguna si Domequil sa pagsulong ng mga karapatan ng kababaihan at LGBTQIA+, maging sa loob o labas man ng pamantasan.
Sa kasalukuyan, si Domequil ay nananatiling nakakulong at nahaharap sa patong-patong na gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms and explosives at terorrist financing, karagdagang kaso na isinampa noong 2021, matapos umanong makuha ang malaking halaga ng pera sa kanilang opisina. Ang huli ay isang bagong taktika upang gipitin ang mga aktibistang nananatiling kritikal sa gobyerno.
Marissa Cabaljao
Kalbaryo ang pasaning bitbit niya bilang isang ina’t aktibista na nakaranas ng walang pakundangang inhustisya ng sistema. Masaklap ang sinapit ni Marissa Cabaljao sa kamay ng kapulisan, madaling araw ng Pebrero 2020. Kasama ang kanyang isang taong gulang na anak, dinakip at dinala si Cabaljao sa kustodiya ng mga pulis. Sa loob ng ilang araw, kasama niya ang kanyang sanggol na anak sa loob ng piitan. Hindi lamang karapatan ng aktibista ang niyurakan sa sitwasyong ito kundi pati ang kaligtasan ng kanyang supling ay inilagay din sa alanganin.
Malaking kabalintunaan ang kasong isinampa laban kay Cabaljao na illegal possession of firearms dahil walang ina ang maghahabas na magpatong ng mga baril sa kama at lamesa nang may kasama itong walang muwang na bata. Labis-labis na kawalang katarungan ang dinanas ng mag-ina, kasama ang apat pang aktibista, sa kanilang pagharap sa mga paglabag na hindi naman nila ginawa.
Si Cabaljao ay isang kalihim ng People Surge, isang organisasyon na binubuo ng mga nakaligtas sa hagupit ng Bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013. Mahigit isang dekada na ang nakalilipas, ngunit mayroon pa ring mga pamilya na hindi nabibigyan ng relokasyon. Kung mayroon man, ito ay malayo mula sa kanilang hanapbuhay at salat sa mga pangunahing serbisyo.
Bilang isa ring biktima ng masalimuot na trahedya, masugid na nakikiisa si Cabaljao sa inisyatiba ng organisasyon na pagpapalawak ng mga benepisyaryo ng Emergency Shelter Assistance noong 2015 hanggang 2016 at Presidential Financial Assistance Program noong 2017. Kaakibat din ng adbokasiyang ito ang pagprotekta sa kalikasan at ang pagsulong ng pagbabawas ng panganib at pamamahala ng sakuna sa lugar.
Katulad ni Legion, pansamantalang nakalaya si Cabaljao ilang araw mula noong pagkakakulong nito nang payagang makapag-piyansa noong ika-19 ng Pebrero 2020. Muli, ito ay hindi isang ganap na kalayaan at hustisya hangga’t hindi ibinabasura ang mga gawa-gawang kaso laban sa kanila.
Frenchie Mae Cumpio
Bilang community journalist, binibigyan ni Frenchie Mae Cumpio ng plataporma ang masa, lalong higit ang mga marhinalisado, sa pagrerehistro ng mga panawagan nito. Si Cumpio ang maitatalang pinakabatang peryodista na nakakulong sa buong mundo matapos ang ginawang raid sa kanilang opisina noong Pebrero 2020.
Mula rin sa UP Tacloban, si Cumpio ay nag-aral ng Batsilyer sa Agham ng Biyolohiya. Hindi man natapos ang programa, nagpatuloy siya sa pagsisilbi sa bayan at ibinuhos ang buong oras nito sa pagkilos, partikular sa kanilang rehiyon.
Mahalaga ang ginagampanan ng pamamahayag sa pagpaparating ng mga balita na nakasandig ang interes sa masa, at isa si Cumpio sa mga masugid na nagtataguyod nito sa loob o labas man ng kampus. Nagsilbi siya bilang Editor-in-Chief ng UP Vista, ang opisyal na publikasyon ng UP Tacloban, at naging Executive Director ng Eastern Vista.
Nagsilbi rin si Cumpio bilang coordinator ng College Editors Guild of the Philippines-Greater Leyte at tagapaghatid ng balitang lokal sa kanilang rehiyon bilang anchor ng Lingganayhan Kamatuoran sa DYVL. Matatas at nasa puso ni Cumpio ang pamamahayag. Kung may armas man siyang tatanganin, ito ay ang kanyang boses at panulat — isang malaking kabaligtaran ng mga paratang sa peryodista.
Kasama si Domequil, nahaharap si Cumpio sa kasong illegal possession of firearms and explosives at terrorism financing matapos matagpuan ang P557,360 sa kanilang staff house. Ani ng kapulisan, ito ay upang pondohan ang kilusan ng New People’s Army. Ngunit sa katunayan, ang perang ito ay nakalaan para sana sa pagpapaunlad ng lokal na istasyon ng radyo.
Noong 2023, nakaamba na ring sampahan ng kasong murder at attempted murder si Cumpio kasabay ni Abinguna ngunit hindi ito natuloy dahil sa “typographical error” sa kanyang pangalan.
Ang mga talang ito ay hindi na bago mula sa mga kuwento ng pakikibaka, pagpapatahimik ng estado, hanggang sa sadyang pagpapabagal ng mga legal na proseso. Lahat ng ito ay tila isang bulok na siklong paulit-ulit na umiiral — hindi matigil, hindi masira dahil sa mga batas at polisiyang nagpapahintulot dito.
Noong 2018, ibinaba ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 70 na nagpahintulot sa pagtatayo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Sa papel, ito ay upang proteksyonan ang mamamayan, ngunit kung pagbabasehan ang materyal na sitwasyon, kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang pantao at red-tagging ang ginagawa nito sa mga estudyante, aktibista, at lahat ng mga kritikal sa gobyerno. Taong 2020 nang ipinasa naman ang Anti-Terrorism Act na siyang nagpalala sa panreredtag at pagsasalegal ng mga karahasan ng estado.
Sa kasalukuyan, lumobo na ng 755 ang bilang ng mga bilanggong pulitikal sa bansa, kung saan 103 sa mga ito ay inaresto sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. At kung mananatiling usad-pagong ang hustisya at konserbatibo’t pasista ang mga kinauukulan, na siyang puno’t dulo nito, maaari pang lumobo ang bilang. Ngunit iisa lamang ang tiyak — hindi mababawasan ng pag-aresto at pandarahas ang bilang ng mga namumulat at nakikibaka para sa bayan.
Isang tagapagtaguyod ng karapatang pantao, isang lider-estudyante, isang layko, isang ina, at isang mamamahayag. Iba-ibang istorya, iisa ang pakikibaka. Ang Tacloban 5 ay aalpas hindi lamang sa mga rehas kundi sa tanikala ng sistemang umaapi sa lipunan.