Bakla, Kailan Ka Lalaya?

The Manila Collegian
6 min readJun 12, 2024

--

ni Benedict Ballaran

Kung ang Katipunan ay nakipaglaban upang iwagayway ang watawat ng Pilipinas, ang sangkabaklaan ay nakikibaka upang iwagayway ang banderang bahaghari.

126 na taon na ang nakalipas nang itaas ang sagisag ng kalayaan ng Pilipinas ngunit, hindi pa rin tunay na malaya ang Pilipino sa kaisipang dayuhan. Simbahan at mapanupil na gobyerno pa rin ang kontrabida sa kwento ng mga Pilipino, tulad sa mga nobelang lagda ni Jose Rizal. Isang siglo ang nagdaan, hindi pa rin malaya ang LGBTQIA+ community. Hindi pa rin malaya magmahal. Hindi pa rin nakalalaya sa diskriminasyon.

Makulay ang kasaysayan ng Pilipinas subalit, kolonyalisasyon ang nagpakupas sa kulay nito.

Sa Dulo ng Bahaghari

Sa isang nakabibighaning kapuluan, mga babae, pusong babae, at lalaking nagbibihis babae ang namumuno, nanghuhula, at nanggagamot sa komunidad. Respetado ang mga tulad nila — walang diskriminasyon at walang panghuhusga. Hindi ito piksyon, ito ang Pilipinas bago dumating ang mga dayuhang mananakop.

Sila ang mga babaylan — mga katutubong kababaihan at kalalakihang namumuhay sa isang sinaunang lipunang tinatanggap ang pagbibihis na iba sa iyong kasarian; kung saan ang mga lalaki ay maaaring makipagsiping sa mga kapwa lalaki, at ang pagpapakasal sa kaparehong kasarian ay nirerespeto. Kapita-pitagan sila sa sinaunang Pilipinas. Sa katunayan, hinihikayat pa ang mapayapang samahan ng panlalaki at pambabaeng lakas sa lipunang ito — sapagkat simbolo ito ng kanilang ugnay sa banal na kaluluwa. Sa lipunang ito, hindi sinusupil ang pagkababae ng sinoman, bagkus inuudyok pa ito.

Isa lamang iyan sa katunayang bukas ang kaisipan ng sinaunang mga Pilipino sa pagtanggap sa iba’t ibang mga kasarian. Ang paggamit ng mga walang kasariang mga panghalip at mga salita ay isa pang maipagmamalaki ng sinaunang lipunang Pilipino. Ang salitang tulad ng siya, asawa, at kapatid ay mga salitang tumutukoy sa tao nang walang agarang panghuhusga sa kasarian nito. Hindi tulad ng mga banyagang salita na hirap sa pagsaklaw ng lahat ng pagkakakilanlan, ang lengguwaheng Pilipino ay malaya sa bitag ng kasarian.

Sa ganitong klaseng lipunan, malaya ang mga Pilipinong umibig, maglahad, at mamuno maging sino o ano man sila.

Ngunit, gumuho ang makulay na Pilipinas sa pagdating ng mga dayuhang mananakop. Nang dumaong ang mga Espanyol, sinunog ang bukad na lipunan ng mga Pilipino. Dumaloy ang Katolisismo sa Pilipinas. Ang dating lipunang yumayakap sa mga nagmamahalan sa kabila ng kasarian ay sinuklam at ang pananamit ng hindi akma sa pamantayan ng lipunan ay tinalikuran. Sinemento pa ng kolonyalisasyon ng Amerika ang mga pangkanlurang prinsipyong ito. Itinanim ang mapanupil na kaisipan sa mga institusyon ng edukasyon. Nanaig ang patriyarka at machopyudal na lipunan — ang mga kababaihan ay isinantabi at ang mga hindi umaasta ayon sa papel ng kasarian ay pinaparusahan.

Mahigit apat na daang taon ang makalipas, tila nabago ang wangis ng lipunang Pilipino. Ang makulay na mga komunidad ay napalitan ng kulay-abong pag-iisip. Nakalaya ang bansa, ngunit hindi malayang magmahal. Wala na ang mga dayuhan, ngunit ang mga nagbibihis kabaliktaran ng kanilang kasarian ay kinukutya. Tila ba’y nabaon sa limot ang makulay na kasaysayan. Nakalimutan ang dating bukad na lipunan.

Kadenang Rosaryo

Tila isang mitolohiya na ang lipunan ng mga Babaylan sa kasalukuyang lagay ng Pilipinas.

Bagaman nakalagda sa konstitusyon ng Pilipinas ang paghihiwalay ng simbahan at ng estado, patuloy na nakaiimpluwensya ang relihiyon sa mga ganap pambansa. Gayundin naman, ang usad-pagong na pag-asikaso at saling-prayoridad ng mga batas ukol sa karapatan ng mga bakla ang mga humahadlang sa ganap na pagiging malaya ng Pilipinas.

Ang karapatan na magpakasal ay ipinagkakait pa rin sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Nitong Enero 2020, tumutol ang Korte Suprema sa pag-apruba ng same-sex marriage sa Pilipinas. Ipinapanitili nila ang desisyon na ayon sa Family Code of the Philippines, ang kasal ay isang pagsasama ng babae at lalaki lamang, hindi kasama rito ang mga relasyon ng babae at babae o lalaki at lalaki. Sa kabilang dako naman, ang lehislatibo ay sumusubok na magpasa ng same-sex union bill upang maiwasan ang salitang “marriage” na siyang pinanghahawakan ng mga relihiyosong grupo. Ngunit, mahigit dalawang dekada na ang lumipas mula nang ihain ang unang bersyon nito sa lehislatibo ay hindi pa rin ito naipapasa.

Ganito rin ang kwento ng Sexual Orientation and Gender Identity and Expression and Sexual Characteristics (SOGIESC) Equality bill na naglalayong protektahan ang lahat sa diskriminasyon base sa kasarian. Mahigit dalawampung taon na rin nang una itong ihain sa Kongreso ngunit, hindi pa rin ito naipapasa dahil sa hindi pagprayoridad ng gobyerno rito. Salik din dito ang pagtutol ng ilang mga grupong relihiyon sa naturang batas sa kadahilanang labag umano ito sa kanilang pinaniniwalaan.

Mapa-usaping karapatang magmahal o karapatang maging malaya sa diskriminasyon, pareho itong ipinagdadamot sa LGBTQIA+ community. Dahil sa patuloy na pagtutol, burukrasya, at kakupadan ng Kongreso, nananatiling biktima ng karahasan at kawalan ng hustisya ang komunidad. Mula noong 2010, humigit kumulang sa limampung transgender ang pinatay at hanggang ngayon, marami pa rin ang inaapi dahil lamang sa kanilang kasarian.

Nitong 2020 lamang, hindi na tuluyang nakamit ng pinaslang na transwoman na si Jennifer Laude ang hustisya matapos bigyan ng indulto ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang US Marine na si Scott Pemberton. Tila hudyat ang desisyong ito na hindi mahalaga ang buhay ng mga transgender para sa gobyernong patuloy silang isinasantabi.

Ito ang naging resulta ng pagdating ng mga dayuhan — nabura ang sinaunang pagtanggap ng mga Pilipino sa makulay na uri ng pagmamahalan at kasarian. Baliktad na baliktad ang lagay ng Pilipinas bago at matapos ang kolonyalisasyon. Nagtataasan na ang balakid ng kasarian — ngunit walang pader na hindi kayang akyatin para sa mga miyembro ng LGBTQIA+.

Maki-beki, ‘Wag Ma-shokot!

Mga bakla ang bagong Katipunan.

Sa isang patriyarkal, machopyudal, at pasistang lipunan, nasa pakikibaka ang lugar ng mga bakla. Sila ay nakiki-beki — tulad ng mga magigiting na ninunong hindi tumigil hangga’t maiwagayway ang sagisag ng kanilang kalayaan: asul, pula, puti, at dilaw o bahaghari man ang kulay.

Tuluyan mang binaon sa lupa ng mga dayuhan ang Babaylan, patuloy pa rin ang kanilang pag-alsa para sa kanilang espasyo sa lipunan. Naging gampanin nila ang gumawa ng tahanang tumatanggap sa mga baklang itinakwil ng kanilang mga pamilya, tulad ng Home for the Golden Gays ni Justo Justo noong 1975. Kasama din ng laban ng kababaihan noong 1970s hanggang 1990s ang mga lesbyanang nais marinig ang boses sa mga pasistang sarado ang tenga, isang komunidad nilang tinutulan ang diktaturyang Marcos at nilaban ang kanilang mga karapatan.

Sa pagsasama-sama ng sangkabaklaan, walang bakal na kamay ang lalastay sa kanilang paninindigan. Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang kauna-unahang Pride March, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong Asya, ay ginanap sa Quezon City noong Hunyo 26, 1994. Ngayon, taon-taong ginugunita ang Pride Month tuwing buwan ng Hunyo bilang selebrasyon ng walang kasariang pag-ibig at tanda ng pagsulong ng sangkabaklaan ng kanilang mga karapatan.

Makulay ang pakikibaka ng mga bakla. Ang mga sining tulad ng “Manila by the Night” ni Ishmael Bernal na naglalayong isiwalat ang kagandahang loob ng mga bakla sa kabila ng panunupil ng diktaturyang Marcos ay ang makulay na pagtindig ng mga bakla sa mga pasistang rehimen. Bilang tanda ng kanilang pagkakaisa sa mga danas ng kanilang pangkat, nakabuo ang LGBTQIA+ community ng sarili nilang paraan ng pakikipag-usap — ang bekimon, swardspeak, o gay lingo. Ito’y kanilang pakikibaka, ang pagbuo ng paraan ng pagkakaroon ng malayang pakikipag-usap at pag-angkin ng mga lenggwaheng minsang ginamit na sandata laban sa kanila.

Kung tunay ngang nakalaya ang Pilipinas 126 na taon na ang nakalipas, dapat ay muling buoin ang tinumbang malayang lipunan ng mga Babaylan. Sapagkat ang pagkakakilanlan na ito ay parte ng pagka-Pilipino — nakasulat sa makulay nitong kasaysayan ang pagtanggap at komunidad. Kung tunay ngang malaya ang mga Pilipino, nararapat na bigkisin nito ang malakolonyal na pag-iisip at alalahanin ang kanyang kasaysayan dahil dito nakalakip ang kanyang pagkakakilanlan.

Nararapat na kalampagin ang gobyerno. Hindi na dapat isantabi pa ang SOGIESC Equality Bill na siyang magsasanggalang sa LGBTQIA+ community sa diskriminasyon dahil sa kanilang kasarian. Buhay ang nasasayang at naapektuhan sa bawat araw na walang kalasag ang LGBTQIA+ community sa masasakit na salita at nakakasirang mga aksyon ng mapanghusgang lipunan. Ang pagmamahal ay dapat hindi ipinagkakait at lahat ng uri ng pagmamahal ay dapat na kinikilala ng estado.

Sa pagdiriwang ng 126 na taong kalayaan ng Pilipinas, hindi lang dapat watawat ng Pilipinas ang iwagayway — kundi pati ang bahagharing bandera. Bilang biktima ng mga sistemikong suliranin ng lipunan, tiyak na ang lugar ng mga bakla ay sa pakikibaka.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.