Pagdaluyong sa Payapay
ni Casandra Peñaverde
Sa isang maliit na bayan sa Tacloban, nasa tabing dagat ang buhay. Sa dagat ng Payapay, bawat pag-alon ay hindi lamang isda ang hinuhuli — kundi pati ang pag-asa ng mga mangingisda na maitaguyod ang kanilang pamilya. Pero paano kung ang dagat na bumubuhay sa kanila ay unti-unting inaagaw ng mga taong hindi man lang nakaranas humawak ng lambat?
Tatlong tagpi-tagping lambat, dalawang tubong sagwan, at ang bigat ng pagiging ama ang baon ni Tatay Vinz* sa bawat paglaot.
Namulat si Tatay Vinz sa dagat ng Payapay noong labindalawang taong gulang pa lamang siya. Kasama ang kaniyang ama, nasanay siya sa hirap ng buhay sa laot at sa walang kasiguraduhan kung may mahuhuling isda o wala. Higit 50 taon na siyang naglalayag, at magpasa hanggang ngayong papasok na ng high school ang kaniyang bunso, hindi siya tumigil sa pagpapalaot — lahat para masigurong may mailalapag na pagkain sa hapag at matupad ang mga pangarap ng kaniyang mga anak.
Sa bawat paghatak ng lambat at pagsisid sa ilalim ng tubig, tanging paglaum — pag-asa — ang bitbit ni Vinz. Ngunit ang sistemang kinagisnan niya sa Payapay ay mismong lumulunod sa kaniya. Sa ilalim ng amo system, ang sistema ng pagpapahiram ng kagamitan sa pangingisda, halos lahat ng mga mangingisda sa Tacloban, kabilang si Vinz, ay may amo na kahati sa bawat kita. Sa bawat kilo ng isdang nahuhuli nila na P300 ang halaga ay nahahati pa ito sa amo. Sa bandang huli, halos wala nang natitira para sa mga tulad niyang nalulubog sa kahirapan.
Nang dumating ang Bagyong Yolanda noong 2013, isa sa pinakamalupit na bagyong dumaan sa bansa, hindi lang mga bahay ang inanod nito. Nalubog sa baha ang kanilang tahanan, at nalubog din sila sa utang. Bilang tugon ng lokal na gobyerno, inilunsad nila ang Tacloban Recovery and Redevelopment Plan na ipinarating bilang “promised land” ng mga hinagupit ng bagyo. Inilipat ang mga biktima ng Yolanda sa 31 na pabahay na nakakalat sa labing-isang barangay na nakatirik sa hilagang Tacloban.
Sa Pope Francis Village, dinala ng agos si Tatay Vinz at ang kaniyang pamilya — malayo sa dagat at kanilang nakasanayang buhay, 14.6 na kilometro at 22 minuto ang layo mula sa Payapay beach. Ang biyahe pabalik sa dalampasigan ay nagkakahalaga ng halos isang daang pisong pamasahe: isang napakabigat na halaga para sa pamilyang pinipilit umahon mula sa pagkalugmok.
Para mabawasan ang gastos, nakahanap sila ng lupang malapit sa pampang at nagtayo ng munting bahay gamit ang mga tira-tirang kahoy at yero. Sa simpleng bahay na iyon, mas malapit sila sa kanilang pinagkukunan ng buhay. Ngunit ang pangarap na makabalik sa normal ay tila alon sa malayo — lumalapit ngunit ‘di dumadating.
Binabaybay ni Tatay Vinz ang mapanganib at walang patawad na katubigan ng Payapay — kahit pa ang kapalit ng kaniyang paghahanapbuhay ay sarili niya ring buhay.
Sa pakikipanayam sa mga mangingisda, marami sa kanila ang nangingisda ng mga isdang nakatira sa mga bato, tanda na buhay pa rin ang coral reef ecosystem. Suri ni EJ Villamor, isang BS Fisheries student ng UP Visayas Miagao, na buhay pa ang mga bahura o coral reefs, kaya’t may tahanan pa ang mga isda sa ilalim ng dagat.
Bagama’t ipinagbabawal ang paggamit ng compressor diving sa ilalim ng R.A.8550 o Philippine Fisheries Code at R.A. 10654 o pagbabawal sa ibang paraan ng pangingisda dahil sa panganib nito, maraming mangingisda ang gumamit pa rin ng homemade compressor. Wala silang magawa kundi suungin ang panganib — hindi dahil sa kawalan ng kaalaman, kundi dahil sa desperasyong ipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay. Kahit na buhay ang maaaring kapalit, sisirin at sisirin ni Vinz ang paglaum para sa kanyang pamilya.
Alam nila ang panganib ng karagatan, batid nila ang bawat delikadong bahagi ng kanilang nilalangoy, pero kapag kumakalam na ang tiyan, lahat ng pag-iingat ay nawawala. At sa gitna ng gutom, walang halaga ang banta ng sakit — mas mahalaga na may mauuwi si Tatay kaysa sa sarili niyang buhay.
Sa pangpang kung saan namamalaot si Tatay Vinz, makikita ang Leyte Tide Embankment Project na bahagi ng Build Back Better matapos ang bagyong Yolanda noong 2013. Hindi makakalimutan ng mga nagtitinda sa gilid at ilang mangingisda ang naging papel ng ilang organisador ng Tacloban 5 — sina Abinguna, Legion, Domequil, Cabaljao, at Cumpio — na nanguna sa negosasyon para maiwasan ang pagtatayo ng seawall sa mga espasyo kung saan naroonang kanilang mga kabahayan.
Sa mundo ng mga dapat, hindi nararanasan ng kahit sino ang makipagtaguan sa mga awtoridad para lang malayang makapaghanap-buhay. Hindi na niya kinakailangan hanapin ang lugar niya sa espasyong sakanila nararapat.
Ngunit hangga’t walang solusyon, patuloy pa rin silang mamangka sa mapanganib na katubigan ng Payapay.
*Minarapat ng panauhin na hindi gamitin ang tunay na pangalan para sa kanilang seguridad.