Sa Ngipin ng Peryodismo
ni Jean Margareth Baguion
Mahigit limang dekada na ang nakalipas nang ideklara ni Marcos Sr. ang batas militar sa Pilipinas. Kalunos-lunos ang pinsala at hirap na iniwan ng bangungot na ito sa mga Pilipino, sapagkat ito’y habambuhay na marka ng baluktot na pamamahala ng rehimeng Marcos.
Ngunit sa ginanap na eleksyon noong 2022, ang minsan nang pinatalsik ay muling nakabalik. Ang anak ng dating diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay kasalukuyang pangulo ng bansa; tuluyan nang nagtagumpay ang pamilya Marcos na makabalik muli sa kapangyarihan. Sa pagkakaupo ni Marcos Jr. bilang ika-17 na pangulo ng Pilipinas, malinaw na ang kanyang tanging motibo sa pagtakbo ay linisin ang madungis na pangalan ng kanilang pamilya. Isa itong patunay na walang bakas ng konsensya at pananagutan ang mga Marcos sa lahat ng pang-aabusong ginawa nila sa mga Pilipino.
Maaalala na naging kontrobersyal ang pagtakbo ni Marcos hindi lamang dahil sa kasaysayan ng kanyang pamilya kundi sa laging pag-iwas nito sa midya. Ang pagiging mailap niya sa mga panayam, debate, at programa na maaaring mag-ungkat sa diktaduryang Marcos ay lalo lamang nagpapatunay na mas gugustuhin pa nilang mabuhay sa kasinungalingan kaysa harapin ang katotohanan at pagbayaran ang kanilang mga kasalanan.
Kamakailan, naging maugong ang panayam ni Sarah Ferguson, isang Australian journalist mula sa ABC News, kay Marcos Jr. sa programa nitong 7.30. Naging usapin dito ang pahayag ni Marcos Jr. sa parlyamento ng Australia, pati ang tunay na pakay nito sa pagbisita sa nasabing bansa. Ang pahayag niya na walang anumang bansa ang makasisira sa soberanya ng Pilipinas ay hindi lamang tumutukoy sa Tsina kundi sa lahat ng dayuhang bansa na magtatangka sa teritoryo ng Pilipinas. Hindi rin daw niya layunin na labanan ang pwersang militar ng Tsina; nais lamang daw niyang panatilihin ang depensa ng bansa. Ngunit sa halos dalawang taon niya sa pwesto, ang estratehiyang ito ni Marcos ay lalo lamang nilalagay sa alanganin ang Pilipinas dahil nakaasa lamang tayo sa tulong ng mga dayuhang mapagsamantala sa ating likas na yaman at lakas-paggawa.
Ang pangako ng gobyerno na dedepensahan nito ang teritoryo ng Pilipinas ay isang malaking kabalintunaan dahil taliwas ito sa nararanasan ng mga Pilipinong naglalayag sa West Philippine Sea. Ang kamakailang pangyayari sa Ayungin Shoal kung saan ilang crewmen ang naging sugatan dahil sa walang habas na pagbomba sa kanila ng Chinese Coast Guard gamit ang water cannons. Hindi lamang sa tunggalian ng mga kagamitang pandigma talo ang Pilipinas kundi pati sa pagkakaroon ng kongkretong plano at umaaksyong gobyerno. Ang patuloy na pang-aapi ng mga imperyalista sa bansa ay lalo pang pinahihintulutan ng gobyerno dahil sa kahinaang pinapakita nito. Ngunit ano bang aasahan sa isang pangulong ang tanging plataporma lamang noong panahon ng kampanya ay “unity” — na sa mismong kaalyado niya ay hindi magawa.
Sa huling bahagi ng panayam, inungkat ni Ferguson ang mga inhustisya na pilit na ibinabaon ng kanilang pamilya. Sa puntong ito ay wala nang pagbabalatkayo ang makakapagkubli pa ng katotohanan. Sa katanungan ni Ferguson na “Why wouldn’t you want all of that [corrupted] money back in the hands of the Filipino people?” (Bakit hindi ninyo ibalik sa kamay ng mga Pilipino ang ninakaw na yaman ng inyong pamilya?) ay tila lumabas ang tunay na kulay ng pangulo. Nauutal at pilit tinatakasan gamit ang pagtawa, itinanggi pa rin ni Marcos Jr. ang paratang at nanindigan na wala silang kahit ni isang kusing na nakuha noong lumisan sila ng Pilipinas patungong Hawaii.
Ang pagkontrol sa midya at pagmanipula sa katotohanan ay mga nakasanayang paraan ni Marcos Jr. sa tahasang paghuhugas nito ng kamay at pagtakas sa kaparusahang kalakip ng kanilang mga inhustisya. Lalo pa itong napatunayan nang ibunyag ni Ferguson, ilang araw matapos ang panayam niya sa pangulo, ang nangyari sa likod ng kamera. Ayon sa kaniya, sa sandaling binanggit niya ang ama ni Marcos, tila ba nagbago ang temperatura ng silid. Ang mga tauhan ni Marcos na nakapaligid lamang sa kanila ay bigla na lamang kumilos at sinubukang ipatigil ang kanilang usapan. Gayunpaman, bitbit ang katotohanan at katapangan ng isang mamamahayag, sinikap ni Ferguson na makaabot sa pagtalakay ng bilyong-bilyong salaping ninakaw ng pamilyang Marcos. Ang tagpong ito ay patunay na nakalimot man ang ilang mga Pilipino sa kasaysayan ngunit hindi ang buong mundo.
Ang taglay na tapang ni Ferguson sa panayam na iyon ay manipestasyon ng matalim na ngipin ng peryodismo. Kaya naman mananatiling dagok para sa mga pulitikong namumuhay sa kasinungalingan — tulad ng mga Marcos — ang pagtindig ng mga mamamahayag para sa katotohanan. Ang nangyari sa panayam na tangkang pagpapatigil sa programa ay hindi iba sa dinaranas ng mga mamamahayag sa Pilipinas. Gaya na lamang ng ibinahagi ni Lian Buan, isang senior investigative reporter ng Rappler, kung saan siya mismo ay saksi sa tahasang pagkontrol ni Marcos Jr. sa mga press conference at interview sa bansa. Ang sinumang mamamahayag na magtatangkang bumalikwas sa kagustuhan ng pangulo ay tinatanggalan ng akses at pinatatahimik.
Ang kawalang-respeto ng mga nasa kapangyarihan sa midya bilang ikaapat na haligi ng demokrasya ay paglabag sa karapatan ng malayang pamamahayag. Nakalulungkot isipin na ang tagpong ito ay hindi lang sa mainstream media nangyayari kundi pati sa mga publikasyong pangkampus na iniipit ng sariling administrasyon kapag hindi nagiging pabor sa imahe ng unibersidad ang kanilang mga ulat. Naging paraan na ng mga nakaluklok ang pagpapatahimik sa sinumang pupuna sa baluktot nilang pamamahala.
Tunay na matapang at may pangil naman talaga ang mga Pilipinong mamamahayag, ngunit malala ang banta sa kanilang buhay dito sa Pilipinas. Nariyan ang Anti-Terrorism Act of 2020, ang kasong libel, at ang patuloy na paniniktik ng mga pwersa ng estado sa mga progresibong mamamahayag, tulad ni Frenchie Mae Cumpio na kasalukuyan pa ring nakapiit dahil sa mga gawa-gawang kaso. Sa nagdaang 30 taon, nasa 117 mamamahayag na rin ang pinatay — 81 sa mga kasong ito ay hindi pa rin nareresolba. Kaya kahit may mga hindi nagpapadaig sa takot habang ang kamay nila’y sumusulat, ang kanilang mga paa naman ay tila nakalubog sa lupa. Anumang oras ay maaari silang hilahin ng kumunoy na naglalayong pigilan ang kanilang pagkilos at pamamahayag para sa masa.
Ang kakulangan ng proteksyon sa kalayaan sa pamamahayag ang siyang tumatakot sa mga peryodista na lalo pang magkaroon ng ngipin at talas sa pagsusulat. Mahirap maging agresibo at progresibo sa isang sistema kung saan ang mga pumupuna sa katiwalian ng mga pulitiko ay itinuturing na kalaban ng pamahalaan. Sa kawalang pagpapahalaga ng bansa sa malayang pamamahayag, walang magawa ang ilang manunulat kundi magtago sa mga pangalang magpoprotekta sa kanilang totoong identidad. Ang krisis na ito ang siyang dahilan kung bakit ang laban sa malayang pamamahayag ay patuloy na isinisigaw sa lansangan. Hindi mamamayan ang dapat na matakot sa mga abusadong nasa kapangyarihan, bagkus sila ang nararapat na matakot sa katotohanan at ngipin ng peryodismo.